PARA SA TAMANG TAO

30 9 0
                                    

04-30-20

Pakiramdam ko, hindi pa kita nakikilala.
Hindi pa nakakausap o nakakasalamuha
Na sa bawat pagsubok na gisingin ang imahinasyon upang kahit sa isipan ay makasama ka,
Patuloy itong natutulog at hindi maabala

Nasan ka ba?
Nais ka mang puntahan ay nasisigurado ko na tatanggi ang panahon
Tatanggi ang sitwasyon
Tatanggi ang lahat ng tao at bagay sa ganitong pagkakataon
Kahit pa nalulungkot ako,
Kahit pa pakiramdam ko mag-isa lang ako

Gusto ko malaman ang kalagayan mo
Ang pinagkakaabalahan mo,
Ang mga galaw mo,
Na kahit hindi ko pa nakikita
Sigurado ako, mamahalin ko nang buong-buo

Sinusubukan bumuo ng istorya sa isipan
Tinataga sa puso ang katagang "Darating din yan!"
Minumulat ang sarili sa katotohanan na kwento natin ay hindi pa pwede simulan.
Nais patirin ang sarili upang sandaling mamahinga sa sitwasyon sa kasalukuyan

Ayaw ko magmadali
Ayoko na ulit umasa sa mali
AYOKO NANG MAGKAMALI
Kaya naman sa bawat salitang naisusulat
Sa bawat malabong imahe na sa isipan ko ay laging kumakalat
Sinisigurado ko na lahat ng iyon ay hindi trahedya ang magaganap
Gusto ko masaya!Gusto ko hindi na tulad ng dati kung saan matindi akong umasa
Ayoko na ulit damhin ang sakit sa maling tao
Ayoko na ulit sumugal sa maling laro
Ayoko na ulit sumayaw sa hindi nararapat na ritmo
Ayoko na maging saling kitkit sa istorya ng iba,
Ayoko na maging extra o kontrabida
Gusto ko kapag nagmahal ako, Ikaw na!!

Sana 'yung istorya naman na nating dalawa

Nasan ka ba?
Nanabik na akong mapatunayan mo na mas higit ka pa sa mga fictional characters na aking mga nababasa,
Na maialis mo ako sa sitwasyon na ang aking mga nagiging nobyo ay isa lamang pantasya

Natutuwa ako kapag naiisip kong magdedesiyon tayong magkape nang sabay
Pagkatapos ay pag-uusapan lahat ng masasaya at mapapait na karanasan sa buhay
Iintindihin natin ang mga bagay-bagay
Pagtatalunan natin ang ibat-iba nating pananaw,
Ngunit tatanggapin ang isa't-isa nang maayos at malinaw
Nasasabik ako sa ating unang sayaw
Sa kiliting mararamdaman ko tuwing hahawakan mo ang aking mga kamay, kasabay ng paghalik mo sa aking noo
Sa ipapamalas mong pagmamahal
Mararamdaman ko 'yun,
Lalo na kapag tayo ay maglakbay at mamamasyal
Kasabay nito ay ang pagpaplano natin sa kinabukasan,
Kinabukasan natin ng magkasama
'Yung mga susunod na kabanata,
'Yung sabay natin mararamdaman na tayo ang bida sa istorya
Mananalangin at magpapasalamat na sa wakas, kwento na natin ang isinusulat Niya
Iniisip ko ang pakiramdam na sabay tayong titingala sa kalangitan at titingnan ang mga bituin
Kasabay ng pag-agos ng banayad na dagat
Doon sa dalampasigan mo ako yayakapin
Pareho nating mararamdaman ang lamig ng temperatura,
Ngunit ipapalasap nito ang apoy ng tunay na pag-ibig sa isa't-isa

Aaminin ko, nangangarap ako kahit wala ka pa
Nasa imahinasyon kita kahit ang imahe ay malabo pa
Pinagdadasal kita
Na sana kaya hindi pa nagtatagpo ang landas nating dalawa ay dahil hindi pa tayo handa
Binabaling ang isipan sa isang positibong pamamaraan
Na kaya pakiramdam ko hindi muna nararamdaman ang romatikong pag-ibig ay dahil wala ka pa
Dahil ipinagdadasal mo rin ang puso ko na ingatan Niya
Habang inaayos pa natin ang ating sarili nang magkahiwalay at wala ang isa't-isa

Kung nasaan ka man ,
Ipangako mo na mag-iingat ka
Kung nasa iba ka pa
O parehas tayong nag-iisa
Pakiusap, hintayin mo ako at sabay nating ilimbag ang librong may laman ng ating kwento
Handa kang salubungin at tanggapin
Handa akong maghintay upang hindi ka hamakin
Handa akong mag-isa munang maglalakad,
Ayusin ang sarili at uusad
Pangakong hindi muna tutulad sa iba
Hindi hahanap ng maling pag-ibig dahil alam ko na ikaw ang tama
Ipagdasal natin na tayo ang tama sa isa't-isa
Pero bago 'yun, hayaan muna natin ang Diyos na gawin tayong tama bilang isang indibidwal
Ikaw ang kukumpleto ,
Ikaw ang ibibigay
Ikaw ang ipagdadasal
Ipagdadasal ka hanggang sa tayo ay magtagpo.

_____________________________________

🦋

MGA MALAYANG SALITATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon