Dawn Zygel Andrea's
"Tay, bakit ang aga nyo naman pong umalis?" Kunot noong tanong ko kay Tatay nung nakitang nag-aayos na siya ng mga paninda. Kakagising ko lang e. Para ngang hindi siya natulog kagabi dahil nakapagbalot na agad siya ng mga siomai.
"Eleksyon ngayon, anak. Siguradong malaki ang kikitain ko ngayon dahil maraming tao. Dun ako pupwesto sa tapat ng school nina Angel"
Napatango-tango na lang ako. "Ganun po ba? Sige po susunod na lang po ako sa inyo mamaya. Maliligo lang po ako"
"Ikaw ang bahala. Sige na .. mauuna na ako. Pakainin mo muna si Angel at ang pamangkin mo ha" tumango muli ako kaya humalik na si Tatay sa noo ko at umalis na.
Mabilis lang akong naghanda ng pagkain ng mga kapatid ko bago naligo at naghanda sa pag-alis. Dumekwat na lang ako ng pancake na nilalako ni Adelaida sa tapat ng bahay namin bago tuluyang umalis. Hindi ko nga alam kung nakakabenta siya dahil text lang siya ng text. Ni hindi nga niya nakitang kumuha ako sa mga paninda niya.
"Nay, alis na po ako. Tutulungan ko lang po si Tatay magtinda" paalam ko kay Nanay sabay mano. Nadaanan ko kasi siya dito sa may labas ng bahay ng kapitbahay namin .. ang aga pa pero narito na agad siya. Tumango lang naman siya at binaling na naman ang atensyon sa mga baraha niya. Simula kasi nung naospital siya ay pinagbawalan na siya ni Tatay na magtrabaho. Kaya ayan, ganyan na naman ang gawain niya .. magsugal at chumika. Ayoko namang pagsabihan dahil baka sa'kin pa ma-high blood kaya pinababayaan ko na lang.
"Ano ba naman 'to? Bakit walang lasa? Di man lang iniga ang mantika" habang naglalakad ay pinagtitiisan kong kainin ang pancake na gawa ni Adelaida. Siya ang nagluluto nito. Humiling kasi siya ng party kay Tatay para daw sa debut niya kaya lang, sinabihan siya ni Tatay na siya ang maghanap ng pera .. kaya yun, nagtinda ang luka-luka.
Kahit nauumay na ako sa kinakain ko ay pilit ko pa ring nilunok para hindi naman masayang. Maraming nagugutom ngayon.
Sumakay ako ng jeep para makarating sa school nina Angel. Mas malayo kasi yun compare sa school ko na pwedeng lakarin.
Pagkarating ko doon ay agad ko ring nakita si Tatay na aligaga nga sa pagtitinda. Ang dami ngang tao .. ang dami pang mga papel na nakakalat na may mga mukha ng kung sino-sinong tao. Hindi naman kami taga rito kaya di ko sila kilala. Halos isang taon pa lang kami rito e.
Tinulungan ko si Tatay sa pagtitinda. Mukha kasing pagod na pagod na siya. Nagtinda rin kasi kami kagabi sa night market tapos siguro nga hindi talaga siya natulog kagabi. Sariling timpla kasi ang ibinebenta naming siomai. Hindi yung basta binili lang.
"Aba nga naman si Andeng. Kamusta?" Napa-angat ang tingin ko nung may bumanggit ng palayaw ko. Napataas ang kilay ko nung nakita ko sina Hans at Miguel na nakangisi sa'kin.
"Anong ginagawa ninyo dito?"
"Sinamahan namin ang mga mommy namin. Boboto" tumango-tango na lang ako. Napatingin ako doon sa may entrance ng school at nakitang maraming mga lalaking nakaputing polo dun .. mga nakashades pa talaga. May mga media din. Mukhang may dumating na VIP.
"Pahingi namang siomai" nakangusong sabi ni Miguel habang nakasilip sa mga paninda namin.
"Anong pahingi? Bumili kayo. 10 pesos lang 3 pieces na" walang kaibi-kaibigan sa negosyo!
Nagkibit balikat naman sila at binalingan si Tatay para umorder. Sa sago't gulaman kasi ako nakatoka .. saka dun sa paglilinis ng kalat nung mga kumain.
"Andeng 10 pesos na palamig, please" sabi sa'kin ni Hans kaya inirapan ko sila at nagsalok na ng palamig. Parang mga hindi pinapakain sa kanila .. naka-tig 50 pesos ata sila ng siomai. Sabay pa talagang dumighay at humimas sa tiyan nila.
BINABASA MO ANG
Nothing But Dawn
General FictionAt an early age, Andrea already knows her responsibilities in life. She's the breadwinner of her family. Family is the first in line in the list of her priorities. Her main goal is to give them a comfortable life. She gave everything until she forg...