Chapter 2

635 20 6
                                    

Sandro

Tumaas ang balahibo ko nang biglang umihip ang malamig na hangin, kasabay na isang mababang boses na bumulong sa tenga ko.

Nag-alinlangan akong umikot ngunit agad akong nag-ngalit nang makita ang kapatid kong nagpipigil ng tawa. Tuluyan nang bumulwak ang tawa ng lapastangan sa puntong makita ang inis sa mukha ko. Napahiga siya sa kama ko habang hawak ang tiyan.

Kinuha ko ang unan sa taas niya at malakas na ipinalo sa mukha nito. Napabalikwas siya bigla na may masamang tingin.

"Anong kailangan mo?" Tanong ko habang nakatayo pa rin. Nakaupo naman ito sa kama ko.

"Ihatid mo ako bukas sa construction site ng hotel." Mayabang nitong sabi.

Isa ang turismo sa mga isinusulong na programa ng aming ama dito sa Sierra Vida. Ang alam ko ay madalas itong makipag-usap sa mga private companies upang mag-invest dito sa bayan, at tingin ko ay ang hotel na kasalukuyang ipinapatayo ngayon sa gitna ng bayan ang isa sa mga naging resulta ng mga pag-uusap nila. Hindi ako masyadong maalam sa mga trabaho ni papa dahil unang-una sa lahat ay wala akong balak pumasok sa pulitika.

"Ate." Tawag ng kapatid ko sa aking atensyon.

"Bakit hindi mo sabihin sa driver natin para siya ang maghatid sayo?" Tinaasan ko siya ng kilay ngunit binigyan niya ako ng tingin na waring nagsasabing ginawa na niya ito.

"May meeting daw si papa sa kapitolyo bukas, kasama ang gobernador." Aniya.

"Gamitin mo iyong mga sasakyan sa ibaba. Mamili ka na lang doon. May gagawin ako bukas." Sagot ko. Itinaas ko ang kamay ko sa hangin upang pakawalan ang alitaptap na naroon pa rin pala sa kamay ko.

My brother scowled at me. "Alam mo naman na ayaw ipagamit ni papa sa akin iyong mga kotse sa garahe di ba? Isa pa ay wala pa akong lisensya. Gusto mo bang mahuli ako?"

"Mainam kung ganon." Ngumisi ako na ikinasimangot niya. May minsan kasing itinakas niya ang isang sasakyan namin at naibangga ito.

Galit na galit noon si papa. Ang sabi niya ay mahal daw ang halaga niyon ngunit alam namin na takot siyang may mangyaring hindi maganda sa kapatid ko, o sa kung sino man sa aming dalawa.

"Ihahatid mo ako bukas." Tumayo siya mula sa kama at tinungo na ang pintuan. Ngunit bago makalabas ay tumingin muli siya sa akin. "Maghanap ka na kasi ng boyfriend mo para naman may nagpapasaya sayo." Nakangisi niyang sabi.

Tumalim ang titig ko sa kanya. "Umalis ka sa harapan ko Juan Alejandro, demonyo ka!" Sigaw ko at ibinato ang unan na ipinamalo ko sa kanya kanina. Naisara niya ang pinto bago pa man iyon tumama sa kanya.

"Uno. Umalis ka riyan." Taboy ko sa kapatid ko nang maabutan ko siya sa driver's seat ng sasakyan. Uno ang palayaw ng kapatid ko.

Mukha siyang nasiraan ng bait dahil hinihimas niya ang manubela.

"Ako na lang ang magmamaneho ate." Alok niya na may ngiti sa labi.

"Mahal ko ang buhay ko. Lumipat ka sa kabilang upuan." Agad kong tutol. Nawala ang ngiti sa labi niya. Inirapan niya ako bago umikot at nagpunta sa kabila.

"Ano ba ang gagawin mo doon sa ginagawang hotel?" Tanong ko rito habang nasa gitna kami ng byahe.

"Construction site ang tawag doon hindi basta ginagawang hotel lang. Nakakahiya ka." Puna niya. Ang sama ng tingin niya sa akin dahil tinampal ko ang likuran ng ulo niya.

"Ikaw ang nag-aaral ng engineering sa ating dalawa. Tatawagin ko iyon sa anomang gusto ko."

Nagkibit-balikat siya. Mukhang sumuko na siyang makipagtalo sa akin. "May pinapagawang proyekto ang isa sa mga prof ko. Tingin ko ay mas mabuti kung makita ko kung paano iyon ginagawa sa aktwal bago ko umpisahan." Aniya.

Sweet Mist of DawnTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon