Modelo
Kasalukuyan kong hinihiwa ang mga gulay na isasahog ko sa lulutuin kong kare-kare nang maramdaman ko ang pagpasok ng kapatid ko dito sa kusina.
Napailing ako nang makitang pikit parin ang mga mata niya at gulo parin ang buhok habang binabagtas ang gitna ng kusina. Mukhang kagigising lang ng demonyo.
Bumalik ang tingin ko sa ginagawa ko. Ilang sandali lang ay narinig kong nagsalita si Uno.
"Manang, paabot naman ng orange juice." Inaantok nitong sabi.
Kumunot ang noo ko. Ako ba ang kausap niya?
Umikot ako at natagpuan ko siyang nakaupo sa mesa. Sapo-sapo ng palad niya ang mukha at gaya kanina ay pikit pa rin ang mga mata niya. Nagkrus ako ng kamay.
"Manang–" Agad na naputol ang sinasabi nito nang imulat ang mata. Napaatras pa ito sa pagkakaupo.
"Ano nga uli iyong sinasabi mo Juan Alejandro?" Nanlisik ang mga mata ko.
"Ano ba kasing ginagawa mo riyan? Nasaan si Manang?" Depensa niya. Mukhang tuluyan nang nagising ang diwa nito.
Ipinilig ko ang ulo ko. "Anong ipinagkaiba nito sa ibang parte ng bahay? Masama ba kung matagpuan mo ako dito sa kusina?" Angal ko.
"Hindi masama pero malaking himala." Tumatango-tango pa ito na waring bilib na bilib sa sarili. Tumingin siya sa likod ko. "Nagluluto ka ba?"
Tiningnan ko ang mga nakalapag na mga sangkap sa counter top. Bumalik ang tingin ko kay Uno. Bumalik na muli ang ngiti sa mukha ko.
"Para kanino iyang niluluto mo?" Tumaas ang kilay niya.
Kung kay papa ay malakas ang loob kong sabihing may lalaki akong gusto, dito kay Uno ay ibang sitwasyon. Kung malaman niyang ipinagluluto ko ang isang lalaking hindi ko pa naman boyfriend ay siguradong papatayin niya ako ng tukso.
"Para sa mga kaibigan ko." Binigyan ko siya ng tingin.
"Sinong kaibigan?" Muling tanong niya.
"Sino pa ba? Sina Joanne at Norah. May mga kilala ka pa bang ibang kaibigan ko?" Masungit kong sabi.
Hindi siya agad nagsalita. Sinuri niya ako at tila nagdedesisyon sa isip kung maniniwala ba siya o hindi.
Ipinihit niya ang ulo sa gilid. "Bakit parang may bumubulong sa akin na hindi ko dapat paniwalaan ang anumang lumalabas sa bibig mo?"
"Yung mga kapwa mong demonyo ang bumubulong sayo!" Kumuha ako ng isang tangkay ng sitaw at ibinato ito sa kanya. Lumundag siya sa mesa at parang babaeng humiyaw papuntang sala.
Eksaktong alas-onse ng umaga nang matapos ko ang pagluluto. Sinamahan ko iyon ng maja blanca at tinungo na agad ang construction site. Ibang kotse ang ginamit ko dahil ipinagawa ko ang gasgas sa kotse ko. Bumuntong hininga ako nang maalala ang nangyari. Hindi ko pa nga pala naigaganti ang kotse ko sa tarantadong kaibigan ni Sandro.
Pagkarating ko sa construction site ay agad akong nagtanong sa mga manggagawang naroon.
"Nandyan ba si Sandro manong?"
Hindi agad ito nakasagot dahil mukhang naguguluhan. Nag-isip sandali ang lalaki. "Si Engr. Ferreiro ba ang tinutukoy mo maam?" Pagsisiguro niya.
Tumango ako.
"Wala siya ngayon dito maam." Nang maglaon ay sagot niya.
Nagtataka akong tumingin sa kanya. "Hindi ba ay dito siya nagta-trabaho? Palagi siyang narito kapag pumupunta ako."
BINABASA MO ANG
Sweet Mist of Dawn
RomanceSierra Vida Series Arabela Del Castello, ang nag-iisang babaeng anak ng alkalde ng Sierra Vida. Everyone in her town treats her as their queen. Every man wants her. Every woman wishes to be in her place. Family, money, fame. She has everything. Per...