Chapter 13

416 18 0
                                    

Talon

Binuksan ko ang aking mga mata nang rumehistro sa isip ko ang huni ng mga ibon sa aking paligid. Ramdam ko ang bigat ng mga talukap at ang masikip na pakiramdam sa aking dibdib.

Malamya akong bumangon sa aking kama at dumiretso sa banyo.

Ang bawat umaga kong pagsilip sa aking balkonahe ay minabuti kong huwag gawin sa pagkakataong ito.

Masyadong maganda ang umaga at ang lupain ng Sierra Vida para haluan ng kalungkutan. Kalungkutang pilit kong inaalis ngunit pilit na bumabalik kasabay ng mga salita niya sa akin.

Siguro nga ay masyado kong ipinilit ang sarili sa kanya.

Naramdaman ko muli ang pagkahilo.

Ipinatong ko ang dalawang kamay sa lababo ng aking banyo at tiningnan ang sarili sa salamin.

Malungkot ang ngiting sumilay sa aking labi sa sandaling makita ang namumugto kong mga mata. Ang tuyong luha sa gilid nito ay nagpapaalala ng mga luhang ibinuhos nito sa nakaraang gabi.

Minabuti kong maligo at ayusin ang sarili bago bumaba sa kusina, kahit paano ay ayokong mag-alala si papa o ang kapatid ko sa akin.

Ngunit nabigo ako dahil agad na dumako ang nag-aalalang tingin ni Uno nang pumasok ako ng kusina. Nakaupo ito sa mesa at kumakain.

Umupo ako sa tapat niya at inumpisahan na rin ang pagkaing inihanda ng kasambahay.

Ilang segundo pa ay muli kong naramdaman ang pagsulyap sa akin ng aking kapatid. Hindi ako nagsalita at ipinagpatuloy ang ginagawa.

Narinig ko siyang bumuntong-hininga. Tila hindi na niya mapigilang hindi magkumento.

"May problema ba ate? Simula nang umuwi ka kahapon ay parang wala ka sa sarili."

Tumaas ang tingin ko at nakita ko muli ang pag-aalala sa mga mata niya. Umiling ako at agad na bumaba ang tingin sa sandaling maramdaman ang pag-init ng likod ng aking mga mata.

Mabilisan kong pinunas ang nakawalang patak ng luha, ngunit alam kong hindi iyon nakaligtas sa paningin ng aking kapatid.

"Dahil ba ito sa lalaking iyon? Iyong Sandro."

Nabigla ako sa tanong niya, kasabay ng pagsikip ng aking dibdib dahil sa pagkakabanggit ng pangalan. Hindi ko inaasahang matutumbok niy ang dahilan ng mga ikinikilos ko, gayong hindi pa niya nakikilala ang lalaki.

"Naikwento sa akin ni Ate Joanne. Hinihinala rin niyang iyong lalaking iyon ang isang dahilan ng biglaan mong pagbyahe patungong Maynila." Paliwanag nito.

Hindi ako sumagot at muling tumingin sa aking pagkain. Ngunit sa pagkakataong ito ay nawalan na ako ng gana. Pinaglalaruan na lamang iyon ng hawak kong tinidor at kutsara.

Narinig ko ang muling pagbuntong-hininga ni Uno.

"Na saan ba ang lalaking yan? Nang mabigyan ng leksyon." Pabirong banta nito habang hinihimas ang kamao.

Humalakhak ako at ibinato ang table napkin sa kanya.

"Loko." Puna ko habang umiiling.

Ngumisi siya at tinapos ang pagkain.

"Nga pala ate. Gusto ni papa na makilahok tayo sa gagawing tree planting ngayong umaga doon sa kabundukan ng Sierra Vida. Nasabi na ba sa iyo?"

Tumango ako.

"Binanggit ng kasambahay natin kahapon nang dumating ako."

Ngumiti siya at tumango. "Mabuti. Para makalimutan mo ang Sandrong iyon." Aniya.

Sweet Mist of DawnTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon