Kare-kare
Sumilay ang matagumpay kong ngiti nang maramdamang gumanti siya ng halik.
Sa kasamaang palad, naputol agad iyon nang marinig namin ang pagsigaw mula sa pintuan ng kusina.
"Tol!!" Eksaheradong palatak ni Vincent. "Ano ba naman tol! Nakikipaghalikan din naman ako sa babae pero hindi ko naman ipinapakita sayo tol." Dagdag pa niyang tukso habang nagpipigil ng tawa. "Hindi mahirap mag-lock ng pinto, tol."
Mula sa pagkakakandong ay binuhat ako ni Sandro upang patayuin sa aking sariling mga paa. Nang tingnan ko siya ay nag-iwas siya ng tingin sa akin. Ipinagpatuloy niya ang pagkain at umaktong parang walang nangyari. Ngumisi ako at inayos ang sarili.
"Nagdala ka ng pagkain Arabela?" Malawak ang ngiti ni Vincent na para bang nakakita ng ginto, ngunit agad na bumagsak iyon nang makitang eksakto lang sa amin ni Sandro ang dala ko.
"Napakasama ng ugali. Dalawa kami ni Sandro na narito. Sana naman ay maisip mo ang mararamdaman ko kung si Sandro lang ang pakakainin mo." Mahabang reklamo niya.
Tumalim ang titig ko sa kanya. "May atraso ka pa sa akin." Kontra ko.
Umikot ang mga mata niya.
Bumalik ang tingin ko kay Sandro na tuluyan nang inabala ang sarili sa pagkain. Nang sigurong maramdaman ang mga tingin ko sa kanya ay pumula ang dulo ng tenga niya. Di kalaunan ay inabala na naman nito ang sarili sa pagkain. Mukhang tagumpay ang kare-kare ko.
Tumingin ako kay Vincent at ngumiti. Nakita ko pa ang pagtaas ng kilay niya sa pagtataka. "Sa susunod na balik ko ay ipagluluto na rin kita." Masaya kong sabi.
Lumiwanag ang mukha niya.
"Hindi ka na babalik dito sa bahay ko Arabela." Bigla kong narinig na sabi ni Sandro.
Tumingin ako sa kanya ngunit nanatili siya sa pagkakaupo. Wala rin ang mga mata niya sa akin.
Kumunot ang aking noo. Ano na namang palabas ito? Hindi pa ba niya tanggap na siya ang unang tumiklop sa aming dalawa. Naramdaman ko ang pagganti niya ng halik kanina at iisa lang ang ibig niyong sabihin, na gusto niya ang ginagawa ko sa kanya, na interesado siya sa akin.
"Babalik pa ako rito." Pilit ko.
Sa pagkakataong ito ay sumulyap na siya sa akin. Nanunusok ang mga tingin niya.
Lumaban ako ng tingin.
"Babalik ako rito dahil kukunin ko pa ang pinaglagyan ko ng kare-kareng dala ko. Isa pa, sisingilin ko pa ang kaibigan mo sa ginawa niya sa kotse ko."
Ngumisi ako dahil mas tumalas pa ang mga tingin niya sa akin.
"Siya nga pala, iyang kare-kare, sinahugan ko iyan ng purong-purong pagmamahal." Kumindat ako kay Sandro samantalang si Vincent ay panay tawa ang ginawa hanggang mamatay.
Pakendeng-kendeng akong lumakad papunta sa sala upang kunin ang bag ko. Narinig ko pa ang pagsipol ni Vincent na tinaasan ko lamang ng gitnang daliri.
Pagpasok ko ng opisina sa sumunod na araw ay mas maliwanag pa sa bukang-liwayway ang aking ngiti. Iyon din ang unang napansin ni Joanne sa sandaling tingnan niya ako.
"Maganda lang ang gising ko." Sagot ko sa kanya at umupo sa upuan ko.
Muli sana siyang magsasalita ngunit naagaw ng pagbukas ng pinto ang atensyon namin. Pumasok roon si Norah at nang makita ko ang dala nitong kape ay mas lalong lumiwanag pa ang ngiti ko.
BINABASA MO ANG
Sweet Mist of Dawn
RomansSierra Vida Series Arabela Del Castello, ang nag-iisang babaeng anak ng alkalde ng Sierra Vida. Everyone in her town treats her as their queen. Every man wants her. Every woman wishes to be in her place. Family, money, fame. She has everything. Per...