1

2.1K 46 0
                                    


"BAGONG laruan na naman para sa akin?" nanlalaki ang mga mata sa tuwa ni Vincent nang makita ang malaking kahon na ipinadala sa Safe Haven Orphanage. Ayon sa nakalakip na note roon ay para raw iyon sa kanya. Ipinadala nila Mr. And Mrs. Kim---ang mag-asawa na malapit ng mag-ampon sa kanya.

"Ang bait talaga ng mag-aampon sa 'yo, Vincent." Ngiti-ngiting wika ni Jet. Kasa-kasama niya ito at ang isang kaibigan pa nilang si Cedric nang ipatawag siya ng madre at sabihin na may bagong delivery raw para sa kanya.

Tinignan niya si Jet. Wala namang halong inggit siya na nakikita sa mukha nito. Mukhang puro na saya lang talaga ang nakikita niya roon para sa kanya. "Mabait rin naman ang mag-aampon sa 'yo, ah."

"Alam ko. Pero hindi ganito si Mama Estella. Hindi ako spoiled sa kanya. Hindi naman sa nagrereklamo ako dahil hindi ko rin naman gustong ma-spoiled. Pero nakakatuwa talaga ang mag-aampon sa 'yo, Vincent. Mahal na mahal ka talaga nila. Parang noong isang buwan lang nang bumisita sila muli rito at magpadala sa 'yo ng ganyan rin karami na laruan."

Napangiti si Vincent nang maalala. Tama si Jet. Noong nakaraan na buwan nga lamang bumisita muli ang mga mag-aampon sa kanya sa Safe Haven Orphanage. Sa anim na magkakaibigan na bumisita sa orphanage na halos naging tirahan na niya simula't sapol bata pa siya, ang mag-asawa ang madalas na bumibisita nang paulit-ulit. Matagal ang proseso ng pag-aampon kaya naman kahit matagal na nang makapili ang mga magkakaibigan ng batang aampunin ay hindi pa rin siya maaaring madala ng mag-asawang Mr. Woojin Kim at Mrs. Sun-Hi Kim sa Korea kung saan nakabase ang mga ito.

Unang kita pa lang sa kanya ng mag-asawa ay gusto na ng mga itong ampunin talaga siya. It was love at first sight, ayon sa mga ito. Ganoon rin naman siya sa mga ito. Ang mag-asawa yata ang pinakamabait sa lahat ng magkakaibigan na bumisita sa Safe Haven Orphanage noon para subukan na mag-ampon. Ayon rin sa kuwento ay ito talaga ang may pinakainteres na mag-ampon at nagpasimuno sa mga kaibigan nito na mag-ampon rin ng mga bata. Kinukunsidera ni Vincent na napakasuwerte niya para siya ang mapili ng mga ito.

Punong-puno na ang cabinet ni Vincent ng mga laruan dahil halos buwan-buwan nga na nagpapadala ang mga ito. Bukod pa roon sa ilang beses na personal na dinadalaw siya ng mga ito. Ayon sa mga ito ay wala naman daw problema dahil malapit lang ang Korea sa Pilipinas. Madalas na dumadalaw ang mga ito sa kanya roon kahit hindi pa tapos ang paglalakad ng mga papel para maampon siya.

Kagaya ng nakaugalian ay ipinamigay rin ni Vincent ang mga iyon. Inabutan niya si Jet ng ilan at ganoon rin si Cedric. Pero hindi kagaya ni Jet ay tumanggi si Cedric.

"'Wag mo nga akong gawin na charity, Vincent!" tila nagalit pa ito nang pilitin niya.

"Iyon ba ang iniisip mo sa tuwing mamimigay ako ng laruan?"

"Hindi ko kailangan ng mga laruan." Nakaingos pa na wika nito sa kanya. "Kaya lang naman ako nandito ay sinamahan lang kita. 'Wag mo akong kaawaan!"

Kumunot ang noo ni Vincent. Sanay na siya sa bruskong ugali ng kaibigan. Sa limang naging malalapit niyang kaibigan sa Safe Haven Orphanage, si Cedric ang pinakakaiba ang ugali sa kanila. Masyado kasing mainitin ang ulo nito. Hindi naman rin niya masisisi ito. Sa kanilang anim na magkakaibigan, si Cedric ang may pinakamahirap na pinagdaanan. Mahirap rin naman ang pinagdaanan ng iba pero kakaiba ang kay Cedric. Saksi siya sa mga nangyari rito noong una itong dalhin sa Safe Haven at nang ilang beses itong binalak na ampunin pero hindi rin kinupkop sa huli. Naiintindihan niya kung bakit madalas na mainit ang ulo ni Cedric. Kilala niya ito nang husto dahil kagaya ng kaibigang si Nikos, sanggol pa lamang siya nang una siyang dalhin sa Safe Haven Orphanage.

Ayon sa mga madre, dinala raw siya roon nang kaibigan ng kanyang ina ilang araw bago siya maipanganak. Namatay raw kasi ang kanyang ina sa panganganak sa kanya at bago pa raw malaman ng kanyang ina na buntis ito ay namatay raw ang boyfriend nito sa isang car accident. Patay na rin ang kanyang ama. Wala na rin daw itong iba pang kamag-anak at tanging sa kaibigan na lang siya naibigay. Dahil hindi siya kayang buhayin ng kaibigan nito, dinala siya nito sa bahay ampunan.

Maayos naman ang naging buhay ni Vincent sa bahay ampunan. Ngunit sa tinagal-tagal niya roon, walang kahit sino sa mga dumalaw ang nagkaroon ng interes na umampon sa kanya. Hanggang ngayon. Masuwerte pa rin siya dahil sa kabila ng lahat ng pinagdaanan niya, isang napakabait na mag-asawa pa ang nag-ampon sa kanya. Mabait rin naman ang ibang tao na mag-aampon sa mga kaibigan niya pero iba talaga ang pakiramdam niya at pakiramdam ng mga ito sa kanya.

"Alam ko ang nararamdaman niyo sa akin, Vincent. Hindi niyo ako dapat kaawaan, maliwanag ba?"

Ramdam ni Vincent na tila mababasag ang boses ni Cedric. Napabuntong-hininga siya. Naalala niyang minsan na nasabi sa kanya ng kaibigang si Nikos na baka raw dahil ganoon si Cedric kapag binibigyan ay naiinggit ito. Ilang beses na kasi itong nagkakaganoon sa tuwing bibigyan niya ito ng ilang gamit na padala sa kanya ng magara na mga mag-aampon.

Hinawakan niya ang balikat ni Cedric. Ngumiti siya. "Hindi talaga. Masuwerte tayo, eh. Sa lahat ng mga bata sa Safe Haven, tayong magkakaibigan ang masusuwerte. Aampunin tayo ng mga banyaga. Hindi lang basta mga banyaga. Mga mayayaman at kinikilalang tao sa kani-kanilang bansa. Hindi tayo dapat kaawaan. Hindi mo rin dapat iniisip na iyon ang iniisip ko sa 'yo, maliwanag rin ba?"

Tumango si Cedric. Hindi naman maiiwan si Cedric sa ampunan. May aampon rin rito, isang sikat na pintor sa bansang Italya. Hindi man kagaya ng ibang mag-aampon na madalas na binibisita pa rin ang aampunin ng mga ito ay mukhang maayos naman ang mag-aampon kay Cedric. Isama pa na hindi naman papayagan ng officers ng ampunan kung malaman ng mga ito na hindi makabubuti para kay Cedric ang mag-aampon rito. Lahat ng mag-aampon ay tinitignan rin ang character bago payagan na mag-ampon ng isang bata.

Magiging maayos ang buhay ni Cedric. Ganoon rin ang mga kaibigan niya at lalong-lalo na siya. Ramdam na ramdam niya ang kanya. Nanabik si Vincent sa kanyang hinaharap.

International Billionaires Series 5: Vincent Kim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon