20

868 40 0
                                    

ANG BUONG akala ni Jonabel ay makakatulong sa kanilang dalawa ni Vincent ang pagpunta sa Paris. Matinding nasabik pa naman siya nang sabihin nito na doon siya nito dadalhin. Masaya na siya kung gumala lang sila sa mall, park o manood ng sine nang araw na sinabi sa kanya ni Vincent na ilalabas siya nito. Ni sa hinagap ay ni hindi niya naisip na dadalhin siya nito sa Paris!

Inisip ni Jonabel na bumabawi lang talaga sa kanya si Vincent. Dahil napagpasyahan nitong hindi ituloy ang kanilang honey moon sa naturang lugar, ngayon ay itutuloy na nito iyon. Umasa siya na ganoon ang sitwasyon pero nasayang lang ang lahat ng kasabikan niya. Hindi ang na-delayed nilang honey moon ang ipinunta nila sa Paris kung hindi ang kasal ng kaibigan ni Vincent na si Augustus.

Masaya naman si Jonabel sa nangyari. Minsan na niyang nakilala ang mga naging kaibigan ni Vincent nang pumunta ang mga ito sa Korea. Naipakilala siya ni Vincent sa mga ito pero sandali lang iyon. Ngunit kahit sandali lang iyon ay tila kilalang-kilala na rin niya ang mga ito dahil palaging bukang bibig ni Vincent ang mga kaibigan. They were the best of friends.

Nagustuhan niya na naka-bonding niya ang mga kaibigan ni Vincent. Mabait ang mga ito sa kanya. Nakilala rin niya ang kanya-kanyang partners ng mga ito na nakasundo rin naman niya. Masasabi niyang nagkaroon siya ng good time kasama ang mga ito at pati na rin ang panonood ng kasal ng kaibigan nitong si Augustus. It was a very beautiful wedding. Pero hindi maiwasan na mainis ni Jonabel na hindi naman pala talaga honey moon ang ipinunta nila roon kung hindi ang um-attend lang ng kasal.

"We're leaving later,"

Gustong magreklamo ni Jonabel dahil na rin sa inis sa kanyang nagkamaling akala pero mas ginusto na lang niyang manahimik. Umasa na naman siya kaya ayon, nasaktan siya. Hindi ang paglilibot sa Paris ang ipinunta nila sa lugar. Nag-empake pa man rin siya ng maraming damit dahil inakala niya na magtatagal sila roon pero hindi naman pala. Nasasaktan siya pero minabuti na lang niya na huwag nang magsalita dahil ayaw na rin naman niyang makipagtalo kay Vincent.

Nawawalan na siya ng pag-asa sa relasyon nila ni Vincent. Alam niyang mali dahil kakaunti pa lang naman ang ginagawa niyang efforts rito. Pero dahil kahit sinasabi naman nito sa kanya na maayos ang lahat pero hindi pinanagutan iyon, nahihirapan na siya. Nasasaktan na siya.

"Pero may ilang oras pa naman tayo na mananatili rito sa Paris. Gusto mo ba munang gumala tayo?"

Sandaling nagdalawang-isip si Jonabel. Iyon ang gusto niya 'di ba? Ang libutin ang city of lovers kasama si Vincent. Pero ayaw na rin naman niyang umasa na magiging kagaya ng mga lovers roon ay magiging sweet rin ito sa kanya. Parang timpla kasi ng tubig ang ugali nito. Minsan ay hot at madalas ay cold. Nahihirapan siyang pakisamahan ito.

"Hindi kaya mabitin tayo?"

"Iyon na nga rin ang naiisip ko. Isama pa na may kailangan rin akong gawin sa computer ngayon tungkol sa nangyaring emergency sa manufacturing company sa Batangas."

Tumango siya. "Magpapahinga na lang siguro ako."

Sinubukang takasan ni Jonabel ang realidad sa pamamagitan ng pagtulog. Nang lumipad rin sila paalis ng Paris ay ganoon ang ginawa niya. Komportable naman siya sa eroplano dahil sarili iyon ni Vincent. Mabilis lang siyang nakatulog. Si Vincent naman ay abala pa rin sa laptop nito dahil na rin sa trabaho.

Naggising si Jonabel na naramdaman niya si Vincent sa kanyang tabi. Nakahilig siya sa matipunong dibdib nito at nakapalibot naman sa kanya ang mga kamay ni Vincent. He was cuddling her. Itinaas ni Jonabel ang mukha rito. Nakita niyang kagaya niya ay tulog rin ito. Lalong nagulo ang isip ni Jonabel. Nagpaparamdam na naman sa kanya si Vincent. Pero kani-kanina lang ay binabalewala siya nito. Na-appreciate naman niya ang pagdala nito sa kanya sa Paris para dumalo ng pinakaimportanteng araw ng kaibigan nito. Nagustuhan rin niya na naipakilala na siya nito bilang asawa nito sa mga kaibigan nito. Ipinagmalaki siya nito. Pero ramdam niya na may kulang pa rin. Umasa kasi siya na sa Paris ay aayusin nila ang lahat. Hindi lang siya ipaparada nito sa mga kaibigan nito. Mas malalim pa roon ang inaasahan niya.

Matagal-tagal rin na nakatitig si Jonabel sa mukha ni Vincent nang maramdaman nito ang ginagawa niya. Naggising ito. Ngumiti ito sa kanya pero dahil sa nararamdaman niya, hindi niya maggawang ibalik rin ang ngiting iyon. Kumunot ang noo ni Vincent nang lumayo siya rito.

"May problema ba?"

Hindi nagsalita si Jonabel. Wala rin namang kuwenta kung magreklamo siya 'di ba? Ilang beses na rin naman na ginawa niya pero sinusubukan lang makinig ni Vincent. Hindi nito pinaninindigan ang mga pagpayag nito sa mga sinasabi niyang problema.

"Look at me, Bel..."

Napapikit si Jonabel. Ngayon naman ay tinawag siya nito sa palayaw nito sa kanya. May mainit na kamay na humaplos sa puso niya nang dahil roon. Pero at the same time, may sakit rin. Paasahin na naman ba siya ni Vincent?

Hinawakan ni Vincent ang kamay niya. "Nagtatampo ka ba dahil hindi tayo nagkaroon ng pagkakataon na mamasyal sa Paris? Maaari pa rin naman tayong bumalik anytime kung gusto mo..."

"'Wag mo ng alalahanin iyon."

"Pero nararamdaman ko na may problema ka tungkol roon."

"Hindi naman ang Paris ang pinapangarap kong puntahan kaya ayos lang talaga kung hindi tayo makalibot roon," Totoo iyon. Maganda ang Paris at noong magkarelasyon sila ni Vincent noon ay ilang beses rin siyang niyaya nito roon. Pero dahil hindi siya pinapayagan ng mga magulang niya na mag-out of town kahit na ba si Vincent naman ang kasama niya, hindi niya napapagbigyan ito roon. Isama pa na kahit payagan siya, hindi rin niya gusto na mapuntahan ang Paris. Hindi siya naakit sa mga European countries at hindi rin siya mahilig maglakbay.

"Alam ko na hindi nga iyon ang pangarap mo kaya sinadya ko na hindi tayo magtagal roon."

Kumunot ang noo niya. "Ano ang ibig mong sabihin?"

Ngumisi si Vincent. "Later. This is supposed to be a surprise..."

Tumalon ang puso ni Jonabel. May ibang plano si Vincent? Ibig sabihin ay hindi talaga nito binalewala ang mga sinabi nito sa kanya. Babawi rin ito sa kanya! Totoo na ngayon ang paghingi nito ng mga sorry.

Normal na babae pa rin naman si Jonabel kaya gusto rin niya na masorpresa. Nasasabik man ay hindi niya kinulit si Vincent tungkol roon. Napaniwala nga siya ni Vincent na may iba itong plano ng magland ang eroplano nito sa Phuket International Airport sa Thailand.

"Oh my God!" nahulaan na agad ni Jonabel kung bakit siya dinala ng asawa roon. "Phuket Butterfly Garden and Insect World!"

Napakamot ng ulo si Vincent dahilan para lalong magkaroon ng tamang hula si Jonabel. Alam ni Vincent ang matagal na niyang pagnanais na pumunta roon dahil sa pang-world class na butterfly garden ang lugar. Dahil mahilig siya sa paru-paro, isang dream come true para sa kanya ang lugar na iyon. Pero dahil hindi naman hilig ng mga magulang niya ang ganoon, hindi siya napagbigyan. Tanging sa mga butterfly gardens lang siya sa Korea nakarating.

Tila bata si Jonabel nang libutin nila ni Vincent ang naturang lugar. Aliw na aliw siya. Marami rin naman na butterfly noong kasal nila ni Vincent dahil isa iyong butterfly garden wedding pero kakaiba ang isang ito. Napakadaming butterfly na napag-alaman niya na mayroon doong six thousand butterflies kada buwan at apatnapung iba't ibang species. Namangha si Jonabel sa ganda. It was a breathtaking sight. Naramdaman rin naman niya na naaliw rin si Vincent kaya masaya siya.

"Thank you for taking me here..." wika niya nang matapos ang araw ng paglilibot nila roon. Ayon kay Vincent ay mananatili sila sa Phuket sa loob ng tatlong araw. Nagpa-reserve rin ito ng isa sa mga beach hotels na malapit rin lang naman sa butterfly garden para doon sila manatili. Kung ito na ang honey moon na inaantay niyang mangyari sa kanila ni Vincent, kinakabahan man ay nasasabik rin si Jonabel.

Sana nga lang, hindi kagaya ng karamihan sa mga ginawa sa kanya ni Vincent, ay hindi na niya masasabing isang false alarm lang ang lahat. Gusto na rin naman niyang magkaroon ng happy ending sa kuwento nilang dalawa ng asawa.

International Billionaires Series 5: Vincent Kim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon