2

1K 43 0
                                    

NAGPAHANDA pa ang mga nag-ampon kay Vincent sa malaking bahay ng mga ito sa Seoul, South Korea sa araw na naggawa na siyang dalhin ng mga ito roon. Opisyal na siyang naampon. Inimbita ng mga ito ang mga malalapit na kaibigan nito sa bansa para ipakilala siya. Inanunsiyo rin ng mga nag-ampon sa kanya na nais rin gawin ng mga itong legal ang pag-ampon sa kanya. Ibibigay ng mag-asawa ang apelyido ng mga ito para sa kanya.

Walang pasidlan ang saya ni Vincent. Napakasuwerte talaga niya sa mag-asawa. Pinangako niya na susuklian niya ang lahat ng ibinigay ng mga ito sa kanya. Naramdaman talaga niya na mahal na mahal siya. Napakaganda ng trato ng mga ito sa kanya.

Matatapos na ang kasiyahan nang dumating ang isang bisita na kanina pa inaasahan ng kanyang mga magulang. Ayon sa mga ito ay ang mag-asawa raw ang pinakamatalik na kaibigan ng mga ito. Magkababata raw kasi ang kanyang ama at ang lalaki sa mag-asawa. Nakita nga agad niya ang closeness ng mga nag-ampon sa kanya at sa bagong dating na mag-asawa. Nagyakapan pa ang mga ito na para ang kay tagal na hindi nagkita. Ipinakilala ng mga nag-ampon sa kanya ang mag-asawa.

"Mannaseo bangapseumnida," nakangiting wika ni Vincent sa wikang Koreano na ang ibig sabihin ay "please to meet you".

"Ganoon rin kami sa iyo, Vincent," nakangiti pang wika ng babae. Kumunot ang noo ni Vincent. Simula nang malaman niya na aampunin siya ng mag-asawang Koreano ay sinikap niya na mag-aral ng lenggwaheng Korean at mas magaling pa sa wikang Ingles. Tuwing dumarating ang mag-asawa para dalawin siya, tinuturuan siya ng mga ito. Pinadalhan rin siya ng mga ito ng Korean Dictionary para lalo siyang maging bihasa. Hindi masasabi ni Vincent na ganoon na siya kabihasa pero sinisikap niya. Kaya nagulat siya na kausapin siya ng kaibigan ng magulang sa wikang kinalakihan niya.

"M-marunong po kayong magsalita ng wikang Filipino?"

Ginulo ng babae ang buhok ni Vincent. "Kagaya mo ay Filipina rin ako. Ako ang dahilan kung bakit ninais ng Mommy mo na mag-ampon sa Pilipinas. Magkaibigan kami. Nagustuhan niya ang mga ugali ko kaya naman nanabik siya na mag-ampon rin ng isang kalahi ko."

Napatango-tango si Vincent. Kung ganoon ay kailangan pala niyang magpasalamat nang malaki sa babae. Ito ang naging daan kung bakit napunta sa Pilipinas ang mga magulang. Ito rin ang dahilan kung bakit nagyaya ang kanyang mga magulang sa iba pang kaibigan nito sa ibang bansa para mag-ampon rin kagaya ng mga ito sa bansang sinilangan pa niya. Kaya magkakaroon rin nang maayos na buhay ang kanyang mga kaibigan ay dahil sa babaeng ito.

Akmang magsasalita na si Vincent nang biglang mula sa likuran ng mga ito ay may lumabas na batang babae. Sa tantiya niya ay nasa apat na taong gulang ang babae.

"Siya nga pala, gusto ko rin na makilala mo ang anak ko, si Jonabel...." pinaharap nito ang tila nahihiya pang anak nito sa kanya. "Anak, meet your Kuya Vincent. Say hello,"

Sandaling tinitigan siya ni Jonabel. Pagkatapos ay yumuko na tila ba hiyang-hiya. "H-hello..."

Ngumiti si Vincent. Umupo siya para maging magkasing-pantay sila nito. "Annyeong haseyo, Bel..."

Kumunot ang noo ni Jonabel. "Bel?"

"Nickname ko sa 'yo," hindi maipaliwanag ni Vincent ang kanyang nararamdaman sa bata. Maganda ang bata. Hindi man kamukha ng ina ay may kakaibang ganda na taglay ito. Makikita mo iyon kahit bata pa ito. Napaka-cute nito sa suot nitong pink na bestida at naka-pigtails na buhok. Tila kay sarap rin na pisilin ng matatabang pisngi nito. She looks so cute and adorable. Gusto na agad niya ito sa unang kita niya pa lang rito.

"Ah..." tumingin ito sa ina nito na tila nagtatanong kung ano ang kailangan nitong gawin.

"Gusto mo bang maglaro tayo, Bel?" Ramdam niya na naiilang sa kanya ang bata. Pero gusto niyang makasama ito. Makalaro. Nag-iisa na lang siya ngayon, hindi kagaya noon sa Pilipinas na marami siyang kaibigan. Gusto niyang maging kaibigan at mapalapit kay Bel.

Tumingin muli sa kanya si Jonabel. Tinitigan siyang mabuti na tila iniisip ba kung tama ang makipaglapit ito sa kanya. Inilahad ni Vincent ang kanyang kamay. Nag-alinlangan pa rin ang bata pero kapagkuwan ay tinanggap rin nito iyon. Nakipaglaro siya kay Bel. Sa mismong araw na nakatapak siya sa Korea ay nagkaroon agad siya ng bagong kaibigan. He's indeed lucky.

International Billionaires Series 5: Vincent Kim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon