6. Sad Eyes

66 9 6
                                    

Bonus POV. Happy reading! :)

BLURRED ang view sa labas ng bus sa mga mata ni Phillip. Hindi na rin niya napansin ang paisa-isang patak ng ulan hanggang dumami na iyon. Ibang mga eksena ang nakikita niya sa isip. Mga eksena sa nagdaang isang linggo; nagre-replay nang paulit-ulit sa isip niya mula sa umpisa—sa paghilig sa balikat niya ng babaeng katabi sa bus sa mismong sandali na masama na ang pakiramdam niya, at sa pagtatama ng mga mata nila nang inalalayan siya nito bigla para pigilan siyang matumba.

Napangiti si Phillip. Siya ang lalaki sa kanilang dalawa pero si Princess—si Angeline ang maagap na humawak sa kanya para pigilan siyang bumagsak. Hindi niya naisip na hindi lang ang muntik na niyang pagkatumba sa bus ang pipigilan nito—maging ang tuluyan niyang pagbagsak sa isang madilim na mundo. Mahirap paniwalaan pero naging sapat ang pitong araw para makasilip siya ng liwanag. Naging sapat ang pitong araw para magkaroon siya ng rason na kumapit sa halip na bumitaw. Naging sapat ang pitong araw para gustuhin niyang umahon sa dilim na naging mundo na niya sa mga nakalipas na taon. Naging sapat ang pitong araw para huwag niyang pakawalan ang nasilip na liwanag; na sinusundan na niya ngayon para bumalik sa lugar na tinakasan niya.

Sa lugar na kinaroroonan ng mga kakampi niyang hindi siya sinukuan.

Marahang pumikit si Phillip. Nakangiting mukha ang nakita niya. Ang ngiti na naging pamilyar na siya, at ang kinang sa mga mata ng babae na may kutob siyang lagi niyang maaalala...

"Nakangiti ka."

"Happy lang ako."

"Na kasama mo ako?"

"Assume agad, Kuya?"

"Bakit happy ka?"

"Ang dami ko lang kasing realization lately. 'Di ko naisip na sa one week, ang dami kong matututuhan. Ang ikli lang, 'di ba? Pero feeling ko, ang haba. Parang ang daming nangyari. Ang mga new experiences ko sa one week na 'yon, unforgettable. 'Tapos, ang mga na-meet ko, they're nice people."

"And the love stories?"

"'Yon pa! May forever!"

"Meron naman talaga. It's just that..."

"Hindi para sa lahat?"

"Yeah."

"But all of us deserve to be happy, right? Hindi lang naman sa 'forever' na 'yan ang happiness, eh. May ka-forever o wala, kung saan ka happy, go lang."

"Happy ka ba, Princess?"

"Hindi. Hindi pa ngayon. Ang dami kong hanash sa buhay kaya nga kasama mo ako, 'di ba? Pero after this week, yes. I'm gonna be happy. Sure 'yan. Walang makakapigil sa akin! Hashtag laban lang! Hashtag push!"

"That's good to hear."

"Gusto kong mag-stargazing tonight. Sana may dumaang shooting star."

"Magwi-wish ka?"

"Yes."

Nagmulat ng mga mata si Phillip—mga patak ng ulan na bumasa sa salamin sa tapat niya ang naging malinaw bago ang berdeng mga dahon ng puno na nilalalampasan ng bus. Naging malinaw na rin ang kanyang isip. Nasa bus siya na galing ng Corazon. Nasa bus na siya para balikan ang mga iniwan niya ng ilang taon. Nasa bus siya para harapin uli ang buhay. Nasa bus siya para umuwi na...

"Ano'ng wish mo?"

"Happiness for someone."

Hindi naniniwala si Phillip na nagkakatotoo ang mga wishes kaya siya na ang gagawa ng paraan para matupad ang wish ni Angeline—sa paraang iyon siya magpapasalamat sa napakalaking tulong na nagawa nito.

#Pag-ibig 2 (Pag-ibig Ko)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon