11. One Family

55 6 2
                                    

(IKATLONG HAKBANG: PAGPAPATAWAD AT MGA PAGBABAGO)

HINDI ko naisip na sa moment na iyon na parang ginulat na naman ako ng mundo, magsisimula ang mga pagbabago. Hindi ko rin naisip na sa pag-uusap na iyon na nagdududa pa ako kung dapat ba, magbubukas ang maraming magandang opportunities sa aming magkakapatid. Sobrang unexpected ang mga sumunod na nangyari. Parang ang tagal naming napasailalim sa gray clouds tapos sa isang biglaang ihip lang ng hangin, nawala agad ang mga ulap at naging napakaganda ng panahon.

Hindi ko napigilan si Ana May na kumuha ng pictures at video sa dining. Tumigil lang siya nang mahina kong siniko sa tagiliran. Nag-invite si Papa na maupo na kami. Naisip ko agad, magkukuwento na siya pero hindi. Ang invitation niya, para lang talaga kumain kami.

Hindi muna nag-explain si Papa. Hinayaan lang niya kaming kumain. Nagtanong siya kung okay lang sa amin na naroon din siya o gusto naming umalis na muna siya para mas makakain kami. Si Amart ang agad nagsalita, pinigilang umalis si Papa. Kami ni Ana May, nagkatinginan muna. Ako na ang nagsalita para sa amin ni Ana May—hinayaan ko na si Papa na sumabay.

Si Amart, magana agad na kumain, obvious na sanay nang kasama si Papa sa table. Si Ana May, nakiramdam muna nang ilang segundo pero kumain na rin nang kung paano siya kumain sa bahay. Ako naman, gutom na talaga. Hindi na ako nagpigil ng sarili. Sayang naman ang mainit pang bulalo, ang seafood chapsuey at fried chicken—paborito namin ni Ana May. Nahulaan ko nang si Amart ang nagsabi kay Papa, na mabubuhay si Ana May nang one week na fried chicken lang ang kinakain, at ako naman, seafood chapsuey lang sapat na kahit walang kanin.

Hindi lang ang mga favorites namin ang nasa table, may mushroom burger at mushroom fries din. Si Papa rin ang nagsabi habang kumakain kami na take-out lang ang bulalo, mushroom burger at mushroom fries. Si Amart naman ang nagsabi na si Papa ang nagluto ng seafood chapsuey at chicken. Dating cruise chef pala si Papa. Dagdag pa ni Amart, sa apartment siya ni Papa laging dumadaan bago umuwi sa shop para sa masarap na pagkain.

Sa mga oras na kumakain kami, hindi kumain si Papa. Pinanood lang niya kaming tatlo na kumain. Na-feel ko rin na parang nag-enjoy siyang panoorin kaming kinakain ang mga inihanda niya.

Si Amart lang halos ang nagsalita sa buong oras na nasa dining kami. Si Papa ang ibinibida niya. Kami ni Ana May, tahimik lang na kumakain. Bago kami natapos, nag-sorry si Papa na 'yon lang daw ang naihanda niya. Gusto daw daw niyang magluto ng marami pero hindi pa kaya ng paa niya ang mahabang oras na pagkilos.

Hindi pa rin kami nag-usap usap pagkatapos ng early lunch na iyon. Bumalik lang kami sa van pagkatapos ng lampas thirty minutes na pahinga. Naglibot kami sa Tagaytay. Si Ana May, nag-enjoy ng husto sa pagkuha ng photos at videos. Ako naman, nagmasid lang ng fog at sumagap ng hangin. Si Papa, napansin kong iniinda ang paa pero pinipilit pa rin na bumaba para sumama sa amin. Napansin ko rin ang ngiti niya 'pag sinadya siyang daanan ni Ana May ng camera.

Ako naman, pinili ko na lang i-enjoy ang araw na iyon. Free ang gala, free ang food, free ang magandang view at masarap na lamig, at nakikita kong nage-enjoy ang kambal—blessing ang araw na iyon. Ni-let go ko na muna ang negative thoughts. Mas nag-focus ako magagandang moments sa buong araw na iyon.

At na-realize ko, magaan talaga sa pakiramdam na i-let go ang bigat sa puso.

Pababa na ang araw nang umuwi kami. Nag-early dinner kami sa isang restaurant na nadaanan namin habang pabalik sa rest house. Pagdating sa rest house, may mga rooms na para sa amin—tig-iisa pa kami. Hindi pinalampas ni Ana May ang pagkuha ng photos at videos sa rest house. Napansin kong sumunod ang mga mata ni Papa kay Ana May. Hindi niya alam na nakita ko ang ngiti niya habang pinapanood si Ana May na nag-eenjoy sa paligid.

Bago mag-nine PM nang gabing iyon, isa-isa kaming kinatok ni Papa. Sa master's bedroom sa rest house kami nag-usap usap. Bago nag-start magsalita si Papa, sinabi muna niya na pagkatapos namin siyang pakinggan, kung ano daw ang maging desisyon namin, okay lang sa kanya. Puwede kaming mag-stay pa sa rest house or umuwi na kinabukasan. Kung gusto na naming umuwi, ihahatid uli kami ng van. Si Papa din pala ang nag-rent ng van para sa amin.

Sa pag-uusap na iyon na nag-start ng nine PM at natapos ng halos one AM na, nalaman naming magkakapatid lahat—maging ang tagong lihim ng pamilya.

Pagkatapos maglahad ni Papa, saka ko lang naitindihan kung bakit ganoon siya kadaling natanggap ni Amart. Tama pala ang kapatid ko, hindi perpekto ang ama namin pero hindi niya talaga kami pinabayaan.

Nagtapos ang pag-uusap na iyon na nagyakap kami lahat—na pare-parehong umiiyak. Bumalik kami sa bahay ni Lola Yeng pagkatapos ng isang araw pang pasyal na kasama na si Papa. At sa pagbabalik niya sa buhay namin, parang gripong nabuksan ang maraming blessing...

#Pag-ibig 2 (Pag-ibig Ko)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon