10. The Meeting

49 5 5
                                    

REST house na may dalawang palapag ang final stop nila sa Tagaytay. Si Angeline, hindi na nawala ang kabog sa dibdib. Si Ana May naman, inaliw na lang ang sarili sa pagkuha ng video habang nasa biyahe sila. Si Amart, halatang masaya, panay ngiti at kaway sa video ni Ana May. Siya lang ang hindi matahimik. Kinakabahan talaga si Angeline sa sitwasyong pinasok ng kapatid.

Mga five minutes bago sila makarating sa rest house na iyon, may kausap sa cell phone si Amart. Dinig niya ang masiglang boses nito, nagsasabing malapit na sila. Nakinig na lang si Angeline, makakaharap na rin naman niya kung sino man ang taong iyon.

"Ana May," tawag niya sa atensiyon ng kapatid na busy pa rin mag-video sa labas. Medyo nakababa ang tinted na bintana at kinukuhanan nito ang view na dinadaanan nila. Naririnig niyang nagsasalita ito, na nasa Tagaytay sila para sa weekend gala. "Ia-upload mo ba 'yan?"

"Kung marami akong makukuhanang maganda sa lakad natin at okay ulit ang pagkaka-edit ni Amart, upload ko, Ate."

"Basta cut mo ako," kasama siya sa mga focus nito kaninang nag-i-introduce ng mga kasama sa loob ng van. Si Amart at ang driver nila, game na game, ngiti at kaway agad. Si Angeline lang ang parang estatwa na nakasandal lang sa upuan. "Ayokong maging viral."

Tumawa si Ana May. "Wow! Viral agad? More than a year na 'yung channel ko, laging 'ando'n mukha ko, 'di nagva-viral, Ate! Ikaw pa kayang mga two seconds lang ang exposure?"

"Eh, sa fate ko ang sumikat, gano'n talaga." Biro ni Angeline sa seryosong tono. Sabay na sabay ang pagtawa ng kambal. Tumawa na rin lang siya. Mga three minutes pa, dumating na sila sa rest house.

At pakiramdam ni Angeline, nag-freeze ang ikot ng mundo nang matitigan niya ang lalaking nagbukas sa kanila ng pinto.

"Nandito na kami, Pa." magaang sabi ni Amart. Narinig ni Angeline ang pagsinghap ni Ana May bago niya naramdaman ang pagkapit nito sa isang braso niya.

"Ate..." si Ana May na ramdam niyang gaya rin niya ang nararamdaman—gulat at hindi maipaliwanag na emosyon. "S-Siya 'yan, 'di ba?"

Speechless pa rin si Angeline. Hindi niya nagawang tuminag. Para siyang gulat na estatwang nasa isang direksiyon lang nakatutok ang tingin—sa mukha ng lalaking nagbukas ng pinto sa kanila. Sa mukhang malabo na halos sa utak niya sa tagal na hindi niya nakita. Sa mukhang sa iilang picture lang na galing kay Lola Yeng nila nakikita. Sa mukhang sa kung anong dahilan, may buhay na epekto sa tibok ng puso niya.

Ang fifty-something na amang inakala nilang patay na...

Ang tagal na nakatitig lang din sa kanila ang lalaki—palipat lipat sa kanila ni Ana May ang tingin. At nakita ni Angeline ang pamamasa ng mga mata nito kasunod ang parang alanganing pagngiti.

"Mainit pa ang pagkain," ang sinabi nito. "Pasok kayo at kumain."

"May bulalo, 'Pa?" si Amart na itinulak na sila papasok sa loob. Si Ana May, nakakapit pa rin sa kanya nang mahigpit. Litong-lito na nagpadala na lang si Angeline sa pagtulak ng kapatid. Ang dami niyang gustong sabihin, gustong itanong, gustong isumbat—na akala niya dati, madali niyang magagawa kapag kaharap na niya ang ama. Pero nang sandaling iyon, halo-halo na ang pakiramdam ni Angeline. Lito at magulo na rin ang isip niya. Sa totoo lang, ang gusto na lang niyang gawin ay maupo, mariing pumikit...

At magpahinga.

Pero gaya ng realidad na tinakasan niya sandali at binalikan din, alam ni Angeline na kailangan din niyang harapin ang sitwasyong iyon.

When you don't know what to do, breathe, Geline...

Paulit-ulit ang pag-inhale-exhale ni Angeline habang nagpapadala sila ni Ana May sa pagtulak ni Amart papunta sa dining ng rest house.

Huminto siya sa gitna ng living room. Sumabay rin sa paghinto niya si Ana May, hindi nagbabago ang higpit ng kapit sa braso niya. Ang ama ay tuloy tuloy ang mabagal na mga hakbang. Saka lang napansin ni Angeline na pilay ito.

"Amart," sa wakas ay nakapagsalita siya. "Sa kanya galing ang pera?"

"Oo, Ate."

"Mas tanggap ko kaysa sa sugar mommy," si Ana May, bulong lang.

"May dapat kang ipaliwanag, Bab."

"Sasabihin ko lahat," sabi naman ni Amart. "Request ko lang, pakinggan n'yo siya. Ang dami pala nating hindi alam. Parang teleserye ang kuwento ng pamilya natin, Ate. Naawa ako kay Papa..."

"Naawa?" balik ni Angeline kay Amart. "Tayo ang nakakaawa, 'di ba? Hindi siya."

"Hindi naman siya talaga masamang ama—"

Hinarap ni Angeline ang kapatid. "Kailan kayo nag-meet? Gaano katagal na kayong nagkasama? Days? Weeks? Months? Sure ka na agad? Kilalang kilala mo na siya agad? 'Yong maraming taong wala siya, 'Mart, ano 'yon, wala na lang? Kalimutan na lang natin?"

"Ate, marami siyang sasabihin. Pakinggan n'yo rin kasi—"

"Kung ayoko?"

"Pipilitin kita, Ate. Magmamakaawa ako sa 'yo."

Hindi mapakaniwalang napatitig si Angeline kay Amart. "Ano'ng ginawa niya sa 'yo?"

"Wala! Hindi ako pinilit. Ako ang lumapit. Gusto ko, eh. Gusto ko siyang makita. Gusto ko siyang makasama. Gusto kong may ama ako. Sabi ko na dati pa, na kapag may hint na buhay siya, hindi ako maghihintay lang. Maghahanap ako—na hindi na pala kailangan kasi naghihintay na lang din siya ng chance na makalapit sa atin."

Hindi na nagsalita si Angeline. Alam niya ang kagustuhan ni Amart na magkaroon ng isang ama mula noong bata pa.

Napa-inhale-exhale na lang uli siya.

"Kung teleserye ang buhay natin, ano'ng role ni Papa Stranger, Bab?" si Ana May ang biglang nagtanong.

"Bidang hindi perpekto. Bidang nakagawa ng mga kasalanan pero bida pa rin, Bal."

Inhale-exhale uli si Angeline. Sa narinig sa kapatid, alam niyang hindi man buo ang loob niyang bigyan agad ng space sa buhay nila ang nagbabalik na ama, kailangan niyang pakinggan kung anuman ang mga sasabihin nito. Ano nga ba naman ang mawawala kung ibibigay niya ang ilang oras para makinig? Makikinig lang naman, hindi ibig sabihin na paniniwalaan na niya lahat ng mga sasabihin nito.

Bawal na ang bigat sa puso, 'di ba? paalala ng boses sa isang parte ng utak niya. Naisip na naman ni Angeline si Phillip at ang concept ng 'tamang panahon'. Baka nga naman iyon na ang tamang panahon para magpatawad.

"Ana May?"

"Yes, Ate?"

"Pakikinggan ba natin siya?"

"Wala naman sigurong masama 'di ba? Kung 'di believable ang mga sasabihin niya, 'wag natin siyang paniwalaan."

#Pag-ibig 2 (Pag-ibig Ko)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon