HALOS ILANG linggo na ang lumipas simula n'ong mapulot at kupkupin nila si Dabolyo ngunit hanggang ngayon hindi pa rin nito nagagawang magsalita at walang kamag-anak na naghanap.
Nakasanayan na rin niyang isama ito sa palengke sa tuwing walang magbabantay dito sa kanilang bahay. Araw-araw sila ang magkasama dahil abala rin ang kanyang mga magulang at kapatid sa sakahan. Sanay na rin siya sa iba't ibang ekspresyon ng mukha nito kapag may hindi nagugustuhan.
"Anong gusto mong ulam?" tanong ni Allan habang nagsasalansan ng mga stock na gulay, prutas, at karne sa kanilang maliit na refrigerator.
Nakaupo si Dabolyo sa hapag nila sa kusina, kaharap niya ito habang nag-aayos ng mga stock. Kalaro nito ang teddy bear na laging yakap-yakap. Alam niyang wala siyang matatanggap na sagot mula dito dahil hindi ito nagsasalita. Lahat din ng pagkain na ihain niya rito ay sarap na sarap nitong kinakain.
"Tinolang manok nalang," sagot niya sa sariling tanong. Kinuha niya ang apron ng kanyang ina at isinuot iyon. Tinanggal niya ang suot na ball cap, itinabi. Army cut ang buhok niya kaya wala siyang problema sa buhok na maaaring makasagabal sa kanyang pagluluto. Kahit na kilos lalaki ay marunong siya sa lahat ng gawaing bahay dahil sinanay sila ng kanilang mga magulang na maging independent.
"Lalagyan natin ng petchay," aniya at inilagay sa lamesa ang mga sangkay. Doon sila naghihiwa ng mga ingredients sa hapag. Umupo siya sa harap ni Dabolyo matapos ilagay ang chopping board sa lamesa.
Naging abala siya sa paghiwa ng kamatis, sibuyas, at luya. Sanay na siya sa katahimikan sa tuwing kasama niya ang binata. Pinaghiwa-hiwalay niya ang bungkos ng petchay pero sandaling natigilan nang mapansin na hindi na ginagalaw ni Dabolyo ang teddy bear nito.
Tumingin siya dito. Natameme siya dahil hindi akalain na nakatingin pala ito sa kanya at nagmamasid sa ginagawa niya. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kutsilyo dahil nandoon na naman ang nakakatulerong malakas na tibok ng kanyang puso.
Nakatitig ito sa mga mata niya. Hindi kumukurap. Ngumiti siya nang makabawi sa intensidad ng titig nito. "May kailangan ka? Nauuhaw? O, gutom ka na?"
Hindi ito nagsalita at bumalik sa paglalaro ng teddy bear. Siya naman ang napatitig dito habang naglalaro. Napailing nalang siya at natawa sa sarili. "Hindi ka pa naman siguro nababaliw, Allan? Nasa tamang katinuan ka pa naman, diba?" pagkausap niya sa sarili. Alam niyang hindi siya papansinin nito.
Bumalik siya sa ginagawa. Ginisa niya muna sa sibuyas, luya, at kamatis ang manok bago iyon pinakuluan. Abala siya nang maramdaman niyang may tumayo sa likod niya. Kunot noong tiningala niya si Dabolyo na siyang nasa likod niya. Yakap-yakap pa rin nito ang teddy bear.
"Nauuhaw ka ba?" Umiling lamang ito. Napangiti siya dahil kahit paano ay may reponse ito at alam niyang naiintindihan nito ang tanong niya. "Sandali na lang itong tinola, maglaro ka muna." Kumuha siya ng mansanas sa basket at iniabot dito. "Ito muna ang kainin mo."
Tumingin ito sa mansanas pero hindi tinanggap. Hinintay niya kung may sasabihin ito pero wala. Akmang aalis siya sa harapan nito nang umakbay ito sa kanya at sumandal sa kanyang balikat. Para siyang estatwa na nakatayo lamang at pinoproseso sa isip ang aksyon nito.
Kahit na matangkad siya kumpara sa ibang mga babae ay mas mataas ito sa kanya at malaki kaya nakayuko ito para maabot ang balikat niya.
Kinapa niya ang noo at leeg nito pero normal lamang ang init niyon. Iaangat niya sana ang ulo nito para tignan ang reaksyon nito nang marinig niya ang hilik nito. Napaawang ang labi niya sa pagkamangha sa bilis ng paghimbing nito. Natawa siya.
"Inaantok lang pala," bulong niya. Inabot niya ang gasol at pinatay iyon kahit na nakasalang doon ang tinola. Hinawakan niya ang braso nitong nasa balikat niya at inalalayan patungo sa silid. Sanay siya sa pagbubuhat ng mabibigat pero hamak na mas malaki ito kaysa sa mga dinidiskarga nilang mga sako ng prutas ay dram ng mga isda.
BINABASA MO ANG
Isla De Kastilyo Series 2: Lost With Her
RomanceONGOING Allany Merandela. Kahit saang sulok ng Isla de Kastilyo ay kilala si Allany dahil sa taglay nitong kabaitan at naging tagapagtanggol ng buong isla laban sa mga may masasamang loob. Isang kargador na itinuring na hari ng palengke. But she's n...