Kabanata 8

743 53 18
                                    

Dala- dala niya ang malaking basket kung saan nilalagay ang mga ubas na pinitas. Ang ubusan ay napakalawak na ektarya ng lupa na purong ubos lamang ang nakatanim, kahit na abutin sila ng dapit-hapon ay siguradong hindi nila mararating ang pinakadulong puno ng ubas.

Marami silang kasabayan sa pamimitas, ang iba ay mga turista na nais lamang maranasan kung paano mamitas ng ubas. Nauuna sa kanya si Dabolyo ngunit ang napipitas nito ay hindi inilalagay sa basket na dala niya kundi diretso iyon sa bibig. Sinubukan niya itong sawayin kanina ngunit hindi nakinig kaya pinabayaan na lamang niya.

"Kahit abutin ka ng taon dito hindi mo naman makakain ang lahat ng mga ito," sabi niya dito nang hindi siya pansinin no'ng sawayin niya itong ilagay sa basket ang mga napitas.

"Lala..." Napalingon siya sa gawi nito nang tawagin siya, nakasanayan na rin niya ang pagtawag nito ng 'Lala'.

Tumakbo ito papalapit sa kanya at itinapat sa mukha niya ang isang piraso na ubas. Gusto siya nitong subuan. Inawang niya ang bibig at tinanggap ang prutas. Ngiting-ngiti ito habang pinagmamasdan ang kanyang pagnguya. May kalakihan ang isang piraso kaya nang kagatin niya iyon ay lumagpas sa labi niya ang katas.

Pupunasan na sana niya nang maunahan siya ni Dabolyo. Natulos siya sa kinatatayuan nang dumampi ang hinlalaking daliri nito sa gilid ng labi niya at pinunasan ang katas ng ubas. Kahit inalis na nito ang daliri ramdam niya pa rin ang init ng dinaanan niyon.

Lihim siyang napamura nang sipsipin nito ang daliring pinunas sa gilid ng kanyang labi bago ito tumakbo pabalik sa pwesto nito at namitas. Sandali siyang natulala dahil hindi niya alam kung bakit kakaiba ang pakiramdam niya sa simpleng pagpunas nito sa kanyang labi. Pinagmasdan niya si Dabolyo at napailing nang makitang sinubuan din nito ang teddy bear.

"Malapit na ba akong mabaliw?" tanong niya sa sarili. Itinuon niya rin ang atensyon sa pamimitas.

Malapit na niyang mapuno ang isang basket nang dumating si Nanding. May dala din itong basket at tulad niya ay pumupunta din ito dito upang mamitas pandagdag kita kapag walang bagsak sa palengke.

"Bok, kasama mo alaga mo?" Ilang hakbang lamang ang layo nito sa kanya, nagsimula na rin itong mamitas.

Itinuro niya ang gawi ni Dabolyo gamit ang hawak na gunting. "Hindi pwedeng iwan, e."

"Aba'y akala ko lasing ka lang kaya nasabi mo 'yong mga sinabi mo kagabi," kantyaw nito at tumawa.

Sinamaan niya ito ng tingin.
"Tarantado, naalala ko lahat ng mga sinabi ko kagabi. Bok code, alam mo 'yan ang narinig mo narinig mo. Pasok sa isang tenga, labas sa kabila." Inismiran niya ito.

Isa pa iyon sa ikinahihiya niya, alam niyang may mga sinabi siyang maaaring i-kantyaw nito sa kanya tulad ngayon. Kahit siya ay hindi tanggap na parang inaangkin niya si Dabolyo.

"Oo na..." Nagpatuloy sila sa pamimitas. "Ay gago, nakita ko nga pala si Anding kasama ang ate niyang si Pulahan na nagbibilang ng mga gallon ng gatas sa bakahan, dito na ang sunod na punta ng mga 'yon."

Nagkibit balikat siya. "Nakakapagtakang hindi kasama si Candros."

Wala siyang natanggap na sagot mula dito kaya binalingan niya ito. Nakahalukipkip si Nanding at seryosong nakatingin sa kanya.

"Problema mo?" takang tanong niya.
Inilagay nito ang kanang kamay sa baba, tila nag-iisip. "Mas nakakapagtaka na nagkibit balikat ka lang kahit sinabi kong papunta na dito si Anding."

Kinunotan niya ito ng noo. "Bakit? Ano ba dapat gagawin ko?" sarkatikong tanong niya.

"Bok, noon kapag sinasabi kong papunta si Anding dito o kahit saan man halos hindi ka magkandatuto sa pag-ayos ng damit at sombrero mo." Inilang hakbang nito ang pagitan nila at ipinatong sa magkabila niyang balikat ang mga kamay nito syaka siya niyugyog. "Gago, nag-iba na ba ang ihip ng hangin ngayon? Tama ba ang hinala ko na... ay tarantado." Napamura ito nang muntik nang sumubsob sa mga puno ng ubas dahil sa lakas ng pagbunggo dito ng kung sino. Napabitaw ito sa kanya.

Isla De Kastilyo Series 2: Lost With HerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon