PAREHO silang nagtamo ng sugat at galos, may mga sugat ang mga kamay niyang ginamit niya sa pagbaklas ng mga kawayang sahig samantalang si Dabolyo ay sumabit ang kawayan sa braso nito kaya't nagkaroon ito ng malaking sugat. Laking pasalamat niya na hindi tama ng bala ang sanhi ng pagdurugo ng braso nito.
Nilalagyan na niya ngayon ng benda ang sugat nito. Nagpresenta ang nanay at tatay niya na ito na ang maglinis ng sugat ng binata pero alam niyang hindi ito magiging komportable kapag hindi siya ang nasa tabi nito.
"Bakit kaya hindi nalang natin siya iluwas sa Maynila at---" pasimple siyang umiling sa amang nag-aalala. Alam niyang sobra ang pag-aalala nito sa kanya dahil sa nangyari, ramdam niyang tutol na ito sa paggiging malapit niya kay Dabolyo dahil sa ambush na nangyari.
"Mamaya nalang natin pag-usapan, 'tay. Ayokong pag-usapan 'yan sa harap niya dahil naiintindihan niya lahat kahit hindi siya nagsasalita," pakiusap niya.
Akmang magsasalita pa ang ama ngunit hinawakan ito ng nanay niya para pigilan. At inilingan.
"Bakit hindi mo nalang muna siya dalhin sa Resort De Catalina? Mas ligtas doon dahil maraming mga security guards at hindi basta-basta nakakapasok ang kung sino," suhestiyon ng Kuya Tadeo niya.
Napatango siya sa sinabi nito. Kung doon sila pansamantala, siguradong magagalaw niya ang ipon niya dahil mahal ang pananatili sa resort na iyon. Mga milyonaryo at bilyonaryo ang madalas mag-check in sa lugar.
"Mukhang hindi kakayanin ng ipon ko," nanlulumong sabi niya.
"Kailangan ng staff ngayon sa resort dahil malapit na ang Pasko kaya kung papasok kayo libre ang pananatili doon."
"Pag-iisipan ko," aniya. Tinapos niya ang paglagay ng benda sa braso ni Dabolyo. "Pahiram muna ng kwarto mo, kuya, kailangan na niyang matulog dahil masama sa kanya ang puyat."
"Sige, kailangan ko ring i-report sa pulis ang nangyari," sagot nito.
Inalalayan niya si Dabolyo patungo sa silid ng kapatid. Nang makatulog ito ay pagod siyang naupo sa kanilang sopa. Nakasunod ang tingin sa kanya ng ama.
"Hihintayin mo pa bang may mangyari sa'yong masama bago mo i-report sa pulisya ang pagkatao ni Dabolyo?" seryosong tanong nito, alam niyang nag-aalala lamang ito sa kanya.
"Walang magagawa ang mga pulis, 'tay. Tignan mo nga, na-ambush na tayo at lahat na halos dinig sa buong isla pero may dumating bang responde?" mahinahon niyang sagot at tanong.
"Hindi ka pa ba namulat sa nangyari ngayon? Mga armado ang sumugod dito at walang ibang target kundi si Dabolyo, nangyari lang ito ngayon nandito siya. Dito na kami nag-asawa at tumanda ng nanay mo at ni minsan wala kaming nakaaway para ma-ambush."
Malalim siyang napabuntong hininga. "Wag naman kayong ganyan, 'tay. Nakita niyo naman 'yong kalagayan ng tao."
"Inuuna mo ang kalagayan niya pero hindi ang 'yong sarili? Hindi mo pa rin ba nakikita anv sitwasyon? Hindi siya basta bastang tao, paano kung nagpatuloy tayo ng isang kriminal dito?" halata ang galit sa mukha nito kahit na hindi sumisigaw.
"Tay, masama ang magparatang sa kapwa. 'Wag niyo hong husgahan ang tao dahil sa mga nangyari," sagot niya. Kahit na hindi niya nagustuhan ang mga sinabi ng ama ay nanatili siyang kalmado at may respeto.
"Hindi mo---"
"Magtigil na kayo," seryosong saway ng ina kaya pareho silang natigilan. "Nandito na ito at pare-pareho nating pinatuloy si Dabolyo dito at huli na para sa pagtatalo dahil damay na tayo sa kung anuman ang gulong kinasangkutan niya."
"Pero may panahon pa para umiwas, bukas na bukas ay luluwas tayo ng bayan at ipapasakay natin siya sa bus papuntang Maynila," pinal na sabi ng kanyang ama.
BINABASA MO ANG
Isla De Kastilyo Series 2: Lost With Her
Storie d'amoreONGOING Allany Merandela. Kahit saang sulok ng Isla de Kastilyo ay kilala si Allany dahil sa taglay nitong kabaitan at naging tagapagtanggol ng buong isla laban sa mga may masasamang loob. Isang kargador na itinuring na hari ng palengke. But she's n...