[Kabanata 6]
Nabibilang natin ang mga gabi kung kailan muling magpapakita ang buwan. Ngunit maaari ba itong magpakita sa gabing hindi natin inaasahan?
HALOS hindi ako humihinga habang nagtatago sa likod ng malaking puno ng pino. Nang makialam si Ash sa nobelang ito ay agad siyang dinakip ng mga bantay ng palasyo. Hindi lumaban si Ash habang tinatali ang kaniyang kamay. Tumingin lang siya sa 'kin at umiling nang marahan na para bang sinasabi niya na huwag akong hahabol o magsasalita upang hindi rin ako dakpin.
At ngayon, narito ako sa labas ng palasyo. Nang mamatay si Valdore ay nakita na ng lahat ang mga pintuan at bintana sa buong palasyo. Nag-unahan ang mga bampira makalabas, habang ang mga walang buhay ay isa-isang inipon ng mga bantay.
Hindi ko alam kung anong oras na. Wala silang oras at walang araw. Gabi ang sumasalubong sa kanila sa loob ng ilang daang taon. Sa oras na sumikat ang araw ay magugunaw ang mundo ng mga bampira.
Hindi ako mapakali kakaisip kung anong nangyari kay Ash. Naalala ko kung paano rin siya nagulat sa nagawa niya kay Valdore kanina. Bagay na hindi niya rin inaasahan. Paano kung napahamak na siya? Paano kung may hangganan din pala ang kakayahan niya?
Sumilip ako ulit mula sa likod ng puno, tahimik ang paligid at patuloy ang paglipad ng mga paniki sa himapapawid na para bang nagmamatiyag sa buong kaharian. Sa oras na may makita silang kakaiba ay makakarating agad kay Prinsipe Cepheus.
Ilang sandali pa ay nakita ko ang pagdating ng isang magarang karwahe. Bumaba mula roon ang isang matangkad na lalaki na sobrang putla at ang mga mata ay walang kabuhay-buhay. Agad nagbigay-galang ang dalawang bantay sa kaniya.
"Naparito ako upang kumustahin ang mahal na hari't reyna." Wika ng lalaki, nagkatinginan ang dalawang bantay na para bang nagtuturuan sila kung sino dapat ang magsalita.
Tumikhim ang isa, "Ipagpaumanhin po ninyo ngunit sa ngayon ay mahigpit pong ipinagbabawal ng mahal na hari at reyna ang pagtanggap ng panauhin." Nanlaki ang mga mata ko nang maalala ko kung sino ang karakter na iyon, si Theodore na nakatatandang kapatid ni reyna Adonia.
Hindi nagsalita si Theodore at humakbang papasok sa pinto kung saan ay kusa itong bumukas para sa kaniya. Walang nagawa ang dalawang bantay kundi ang yumuko. Makapangyarihan si Theodore na kinikilalang tagapayo ng hari. Hindi na ito namamalagi sa palasyo dahil kay Prinsipe Cepheus na nangangamba sa presensiya ng tiyuhin na tila ba may pakay na agawin sa kanila ang kaharian.
Muling naghari ang katahimikan nang sumarado ang dalawang makapal at matibay na pintong gawa sa bakal. Kung hindi ako nagkakamali, ito na ang pagbabalik ni Theodore para suportahan si Valdore at gamitin ito para sa sarili niyang hangarin.
Pero paano na ngayong wala na si Valdore? Ano na ang magiging takbo ng kuwento? Sino na ang magiging alas at sumpa ng kaharian ng mga bampira?
Hindi ko lubos maisip kung paano mamamatay ang bida sa isang kuwento na kakaumpisa pa lang? Higit doon ay kung anong nangyari kay Ash na alam kong mas makapangyarihan sa lahat ng naririto.
Napatigil ako sa malalim na pag-iisip nang makita ko mula sa malayo ang mga aninong mabilis na nagsakay ng isang kabaong na hihilahin ng dalawang kabayo. Napatakip ako sa bibig, hindi ko alam kung bakit biglang si Ash ang pumasok sa isip ko.
Bago ko pa mamalayan ay naglalakad na ako nang mabilis upang sundan ang mga bantay na patungo sa kagubatan. Nagtatago ako sa pagitan ng mga puno sa tuwing nararamdaman kong masyado na akong malapit sa kanila. Deretso lang ang tingin nila sa daan na para bang wala silang mga buhay.
Panay ang tingin ko sa langit kung saan sumusunod din ang iilang paniki. Pero wala na akong pakialam. Kailangan kong maligtas si Ash. Ilang sandali pa ay narinig ko ang hampas ng alon mula sa di-kalayuan. Hindi nga ako nagkamali dahil isang mababang bangin ang nasa dulo ng gubat.
BINABASA MO ANG
Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)
AdventureAng Ikalawang Serye. Si Aurora Lacamiento ay mayroong malubhang karamdaman mula pagkabata. Sa loob ng ilang taon ay naging sandigan niya ang pagbabasa ng mga nobela. Isang gabi, sa huling sandali ng kaniyang buhay ay napagkalooban siya ng kahilingan...