[Kabanata 16]
NAGMAMADALING lumabas ang isang dalagita para kumuha ng tubig. Napapikit siya sa lakas ng hangin na sumalubong sa kaniya paglabas ng pintuan. "Madali ka!" Sigaw ng kumadrona sa anak habang inaalalayan ang babaeng namimilipit sa kirot ng tiyan.
Dali-daling tumakbo ang dalagita patungo sa pinakamalapit na sapa. Maliwanag ang kabilugan ng buwan dahilan upang hindi siya mahirapan mahanap ang daan pabalik. Hindi niya rin alintana ang napakalakas na hangin na humahampas sa nagtataasang puno. Walang ulan o bagyo, kung kaya't hindi nila alam kung bakit sinasalanta sila ng malakas na hangin.
Nang makabalik ang dalagita, agad pinahanda ng komadrona ang tubig. Wala na ring oras upang pakuluan ito dahil lalabas na ang bata. Bukod doon, sa lakas ng hangin sa labas ay tiyak na hindi sila makakasindi ng apoy.
"Lakasan mo ang iyong loob, Aliya!" Sigaw ng komadrona sa babaeng basang-basa na sa pawis at namumula na ang buong mukha. Siya'y labing-walong taong gulang pa lamang. Ito rin ang unang beses na magsisilang siya ng sanggol.
Napasigaw nang malakas si Aliya. Nararamdaman niya na palabas na ang bata ngunit hindi na niya alam ang gagawin. Nauubusan na rin siya ng lakas. "Kumapit ka!" Sigaw ng komadrona habang paulit-ulit na tinitingnan ang kalagayan ni Aliya at ng papalabas na sanggol.
Napatingin si Aliya sa nakabukas na bintana kung saan natatanaw niya ang perpektong bilog na buwan. Hindi niya malaman kung bakit tila ang lapit nito sa kanila. Malaki ang buwan ngayong gabi kumpara sa mga nakaraan.
Isang matinis na iyak ng bata ang narinig niya. "Lumabas na! Lumabas na ang iyong anak!" Nakangiting saan ng komadrona. Maging ang anak nitong dalagita ay napangiti rin nang makita ang isang malusog na sanggol.
Samantala, hindi gumalaw si Aliya. Nanatili lang siyang nakatitig sa buwan na tila tinatawag siya nito. Sa hindi malamang dahilan ay wala siyang maramdaman na anumang sakit o kirot. Ni hindi rin niya maramdaman ang malakas na hangin na pumapasok sa maliit niyang tirahan.
"Aliya?" tawag ng komadrona. Hinawakan niya ang balikat at mukha ni Aliya ngunit hindi ito gumagalaw. Mulat ang mga mata nitong nakatitig sa buwan. Nanlaki ang mga mata ng dalagita, ilang kababaihan na rin ang natunghayan nilang binawian ng buhay matapos manganak. Marahang tinapik ng komadrona ang mukha ni Aliya at sinuri ang pulso nito.
Sa mga mata ni Aliya ay malabo ang paligid, tanging ang buwan lang ang malinaw sa kaniyang paningin. Animo'y nasa ilalim siya ng tubig at pinagmamasdan ang mabagal at malabong galaw ng mag-inang tumulong sa kaniyang panganganak.
Dahan-dahang pumatak ang luha mula sa kaniyang mga mata. Kinakausap niya ngayon ang buwan. Na bigyan pa siya ng mahabang buhay at malampasan ang peligrong nararanasan. Naalala ni Aliya ang ina na maraming nalalaman sa panggagamot at paggamit ng mga paraan na nakakatawag sa mga espiritu at engkanto.
Hindi matibay ang kaniyang paniniwala noon. Subalit ngayon nasadlak siya sa bingit ng kamatayan. Ang unang pumasok sa kaniyang isipan ay humingi ng tulong sa buwan na isa sa mga dinadasalan ng kaniyang ina noong nabubuhay pa ito.
Unti-unting naramdaman ni Aliya ang lamig na animo'y yumayakap sa kaniyang buong katawan. Hanggang sa narinig na niya ang boses ng komadrona at naramdaman na rin niya ang pagtapik nito sa kaniyang mukha.
"Salamat sa Diyos! Naririnig mo na ako, hija?" tanong ng komadrona na napapikit at napahawak sa tapat ng kaniyang puso. Karga ng dalagita ang sanggol na lalaki na tumigil na rin sa pag-iyak nang gumalaw na ang kaniyang ina.
Napatingin si Aliya sa sanggol nang ilapag ito ng dalagita sa kaniyang tabi. Hindi niya malaman kung bakit wala siyang maramdaman na anumang emosyon. Sa katunayan, naalala niya sa hitsura ng bata ang kulay labanos na balat ng ama nito.
BINABASA MO ANG
Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)
AdventureAng Ikalawang Serye. Si Aurora Lacamiento ay mayroong malubhang karamdaman mula pagkabata. Sa loob ng ilang taon ay naging sandigan niya ang pagbabasa ng mga nobela. Isang gabi, sa huling sandali ng kaniyang buhay ay napagkalooban siya ng kahilingan...