Kabanata 14: Moonless Night

37.5K 2.5K 3.2K
                                    

[Kabanata 14]

DAHAN-DAHAN kong inilayo ang aking sarili sa kaniya. Nanatiling nakapikit ang aking mga mata. Hindi dahil sa hindi pa ako handang makita ang reaksyon niya, kundi dahil gusto ko pang damhin ang halik na nagawa kong nakawin.

Nang imulat ko ang aking mga mata. Nakatingin lang siya sa 'kin. Hindi ko mabasa ang reaksyon niya. Walang bakas nang pagkagulat o pagkalito. Sa halip, awa at lungkot ang nararamdaman ko sa kaniyang mga tingin.

Hinihintay ko siya. Hinihintay kong itanong niya kung bakit ko ginawa iyon. Ngunit hindi siya nagsalita. Nakatingin lang siya sa 'kin nang hindi ngumingiti o nagbibiro. Hinihintay ko lang din na ngumiti siya. Nang sa gayon, mawala ang kaba na nararamdaman ko ngayon.

Huminga nang malalim si Ash saka napayuko, "Kailangan na nating umalis dito." Saad niya. Hindi malinaw sa 'kin kung aalis na ba kami sa Salamisim o aalis lang kami sa bayan dahil malapit na ang oras ng curfew.

Naunang maglakad si Ash. Para akong sinampal ng hangin sa reyalidad. Ni hindi man lang siya nagtanong o humingi sa 'kin ng paliwanag kung kailan handa na akong umamin. Sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa isang mahabang kalsada. Wala nang katao-tao, sarado na ang mga kabahayan, at ang ilan ay nagpapatay na ng ilaw.

Napahawak ako nang mahigpit sa aking saya. Nahihiya ako na nadidismaya sa nangyari. Masyado akong nagpadala sa bugso ng aking damdamin dahilan upang mailing tuloy siya sa 'kin. Napalunok ako saka dali-daling naglakad at inunahan siya. Tumigil ako sa tapat niya upang tumigil din siya sa paglalakad.

"Ash," panimula ko. Ganoon pa rin ang reaksyon niya. Animo'y pasan-pasan niya ang libo-libong mga problema. Pakiramdam ko, nakadagdag sa problema niya ang ginawa ko. "Wala ka bang sasabihin? Hindi mo ba ako tatanungin?"

Hindi siya nagsalita. Sa halip, yumuko lang siya at umiwas ng tingin. "Bakit ikaw? Hinalikan mo rin ako noon nang walang paalam! Hindi mo ba inisip ang mararamdaman ko dahil sa ginawa mo?" hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Sa tuwing naaalala ko 'yon, mas lalong lumalakas ang kabog ng puso ko.

Tumingin sa 'kin si Ash. "Aurora, ginawa ko lang iyon para magising ka. Kailangan mong mabakablik sa ospital." Tugon niya dahilan upang mas lalo akong madismaya. Naiitindihan ko naman na iyon talaga ang dahilan kung bakit niya nagawa iyon. Naiinis ako sa sarili ko dahil sa katangahan kong umasa na baka may iba pang rason ang nangyari.

"Wala na bang ibang paraan?" unti-unti ko nang naramdaman ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Gusto kong malaman kung wala na bang ibang paraan, kailangan niya ba akong halikan para magising? Gusto kong malaman kung wala na bang ibang paraan upang mabuhay ako pagkatapos nito?

Muling napayuko si Ash. "Patawarin mo 'ko. Kasalanan ko kung bakit ka naguguluhan. Hindi ako naging maingat. Masyado akong naging mabait." Saad ni Ash, ramdam ko ang sinseridad sa mga mata niya pero hindi ko mapigilang magalit.

Pakiramdam ko ngayon ay kasalanan ko kung bakit ako nahulog sa kaniya. Bnibigyan ko ng kahulugan ang mga ginagawa niya, ang pagliligtas niya sa 'kin, ang pag-aalala niya, at ang pagtulong niya. Animo'y gumuho ang aking pag-asa na kahit sa sandaling oras man lang ay maranasan kong umibig tulad ng mga nababasa kong mga nobela. Ang lahat ng kabutihan niya, ang pagpapangiti niya sa akin ay wala palang ibang kahulugan.

"Aurora, marahil ay nalilito ka lang dahil ako ang un among kaibigan. Ngunit..."

"Hindi ka na sana nagsalita. Mas mabuti kung kunwari wala na lang nangyari tulad ng dati." Saad ko saka tumalikod at naglakad pabalik sa dinaanan namin.

"Aurora!" ilang ulit niya pa akong tinawag ngunit hindi ko siya nilingon. Hindi pa ako nagalit nang ganito sa buong buhay ko. Nagsisisi tuloy ako kung bakit ko siya hinalikan. Nagsisisi tuloy ako kung bakit ako naging matapang na harapin ang aking damdamin.

Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon