[Kabanata 13]
Sinusundan ko ang isang matangkad na lalaki na nauunang maglakad. Binabagalan lang niya angpaglakad upang makasabay ang tulad kong bata na maliliit lang ang hakbang. Hindi ko alam kung bakit ako sumama sa kaniya. Naglalakad kami sa mahabang daan sa gitna ng maraming puno. Maliwanag ang gabi dahil sa buwan na kalahati ang hugis. Lagi kong nakikita iyon. Lagi itong nagpapakita sa akin.
Naalala ko ang sabi ni mama, hindi dapat ako sumama sa isang estranghero. Lumingon ako sa likod habang patuloy pa ring nakasunod sa lalaki. Wala akong makita sa likod. Para bang nawalan ng liwanag o puno sa mga dinaanan namin.
Nang muli akong tumingin sa harap. May mga alitaptap na lumilipad na sa paligid. Tumigil ako sa paglalakad habang inaabot ang isang alitaptap na papalapit sa akin. Tumigil din ang lalaki sa paglalakad at lumingon.
Madalas kong makita ang mga alitaptap sa mga children's book. Ang sabi nila, ito raw ang nagbibigay ng liwanag sa daan bukod sa buwan at mga bituin. Napangiti ako nang dumapo sa kamay ko ang isang alitaptap. Hindi naman pala ito mainit sa kamay. Hindi naman pala ito nakakasunog.
Lumipad ang alitaptap papalayo, patungo sa mga kasama nito. Nanlaki ang mga mata ko nang makita sa tabi ang bakawan na nagliliwanag dahil sa milyon-milyong alitaptap. Malalaki at mahahaba ang ugat ng mga puno. Malinaw ang tubig na tila ba may sarili itong liwanag sa ilalim.
Humakbang ako papalapit ngunit napatigil din ako nang marinig kong magsalita ang lalaki. "Huwag kang lumapit diyan," tumingin ako sa kaniya. Nakatingin din siya ngayon sa bakawan at mga alitaptap.
"Narinig mo na ba ang kuwento tungkol sa Mangrove of Ashes?" tanong niya. Umiling ako bilang tugon. Hindi pa ako sanay magbasa kaya sina mama at papa ang laging nagbabasa ng kuwento para sa akin. Nakikita ko ang mga drawing sa makukulay na libro.
Isinuksok ng lalaki ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang bulsa. "Hindi 'yon basta kuwento. Totoo iyon." Saad niya, gusto ko sanang itanong kung puwede niyang ikuwento sa akin iyon sandali ngunit tumalikod na siya at nagpatuloy sa paglalakad.
Agad akong sumunod sa kaniya sa takot na maiwan mag-isa. Nagpatuloy kami sa paglalakad nang hindi nag-uusap. Hawak ko ngayon ang pulang bookmark na binigay niya sa akin kanina.
Hindi nagtagal, napansin ko na wala nang mga puno sa paligid. Wala na ring mga alitaptap. May mga bahay kaming nadaanan pero halos walang tao. Tumigil kami sa tapat ng isang malaking bahay na ngayon ko lang nakita.
Lumingon siya sa 'kin, "Hindi ko alam kung bakit kilala mo siya." Saad niya saka napahalukipkip. "May iba siyang pangalan ngayon. Hindi ka niya kilala." Patuloy ng lalaki. Hindi ko siya maintindihan.
Inilahad niya ang palad niya sa tapat ko. "Halika na, hinihintay naniya tayo. Malapit na rin niyang malaman ang katotohanan." Saad niya. Napangiti ako at humawak sa kamay niya. Ang sabi niya kanina, maglalaro kami. Siguradong matutuwa sina mama at papa kapag nalaman nila na nagkaroon ako ng bagong kalaro at kaibigan.
NATAUHAN ako nang magsalita si ate Faye. "Hinahanap niyo ba ang may ari ng panciteria?" tanong nito. Sa palagay ko, nasa edad dalawampu't apat lang siya ngayon. Bata pa siya rito. Nakatayo kami ni Ash sa labas ng Panciteria ala Pacita. May dala siyang lampara. Lumapit siya sa amin at itinaas ang lampara para makita kami.
Nanlaki ang mga mata niya, "Mike? Anong ginagawa mo rito?!"
Ngumiti si Ash na para bang inaasahan na niya iyon. "Anong sinasabi mo?" nagulat ako sa sagot ni Ash. Para bang matagal na rin sila magkakilala.
BINABASA MO ANG
Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)
AdventureAng Ikalawang Serye. Si Aurora Lacamiento ay mayroong malubhang karamdaman mula pagkabata. Sa loob ng ilang taon ay naging sandigan niya ang pagbabasa ng mga nobela. Isang gabi, sa huling sandali ng kaniyang buhay ay napagkalooban siya ng kahilingan...