[Kabanata 12]
NAKATAYO ang isang mahiwagang lalaki sa ibabaw ng matitibay na ugat ng bakawan. Malinaw ang tubig na kumikinang sa liwanag ng buwan. Nakadaragdag din sa liwanag ang kumukuti-kutitap na mga alitaptap.
Tahimik ang paligid. Marahang umaagos ang tubig sa bakawan na animo'y nagsasalin ng mainit na tsaa sa porselanang tasa. Nanatiling nakatitig ang mahiwagang lalaki sa tubig kung saan lumulutang ang nasusunog na piraso ng mga pahina mula sa librong sinunog ilang taon na ang nakararaan.
Lumiliyab ang mga gula-gulanit na pahina sa ibabaw ng bakawan. Sinumang makakakita ay tiyak na magugulantang kung paano hindi namamatay ang apoy sa tubig. Umupo ang lalaki upang abutin ang isang punit na pahina na tinatangay ng agos papalapit sa kaniya.
Wala siyang repleksyon sa tubig kundi ang buwan na nagliliwanag sa madilim na gabi. Ibinaba niya ang kaniyang kamay hanggang sa tumama ang dulo ng kaniyang daliri sa pahina na balak niyang kunin. Sandali siyang hindi nakagalaw nang makumpirma na hindi na nga siya napapaso sa tubig.
Dahil likas sa kaniya ang hindi makontento, inilubog niya ang buong kamay upang mapatunayang totoo nga ang kaniyang nakikita. Ngayon ay naramdaman niya muli ang lamig na hatid ng tubig. Ang pakiramdam na buong akala niya ay hindi na niya muli mararamdaman.
Kinuha niya ang isang piraso ng sunog na pahina. Nababatid niya na kailangan niyang gawin ito. Kailangan niyang balikan muli ang nobelang matagal nang nawasak at naglaho.
Isang loro na kulay luntian ang lumipad at dumapo sa balikat ng lalaki. "Balik ka na. Balik ka na."
Napangiti ang lalaki saka tinapik nang marahan ang loro, "Oo, babalik na ako."
INIANGAT ni Manang Milda ang kaniyang ulo nang marinig ang pamilyar na yabag na papalit. Sunod niyang narinig ang pagaspas ng pakpak ng alaga niyang loro na lumipad at bumalik sa loob ng hawla.
"Mabuti na lang sinundo ka ni Tara. Alam mo naman kung gaano kapanganib ang pumunta sa bakawan na iyon." Saad ng matanda na nagpatuloy sa pagbabaraha. Dahil sa katandaan ay unti-unti nang lumabo ang kaniyang mga mata hanggang sa naaaninag na lang niya ang mga kausap.
Lumapit ang lalaki sa loro at hinimas ang tuka nito, "Maaasahan talaga kita, Tara." Ngiti nito saka tumingin kay Manang Milda na malaki na ang pinagbago. Nasa edad pitumpu pataas na ito. Kulubot na ang balat, puti na ang buhok, at nakayuko na kahit nakaupo.
Naglakad papalapit ang lalaki sa matandang nagbabaraha. Hinila niya ang silya saka umupo sa tapat nito. Sandali niyang pinagmasdan si Manang Milda na ilang dekada na rin niyang nakasama. Kung may kakayahan lang siya magpagaling, hinding-hindi siya magdadalawang-isip na tulungan ang kaibigan.
"May mga parokyano ka pa?" tanong ng lalaki na hindi inaalis ang tingin sa matanda na halos puti ni ang mga mata dahil sa katarata.
Napangisi si Manang Milda, "Anong akala mo sa 'kin, laos na? Mabenta pa rin ako at dinarayo rito."
Tumango-tango ang lalaki na nagawang matawa muli. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo nila sa isa't isa. "Marami ka pa rin palang nauuto." Hirit nito dahilan para matawa si Manang Milda.
Nang matapos silang tumawa ay muling naghari ang katahimikan. Inilibot ni Ash ang kaniyang paningin, napansin niya na mas maraming mga dekorasyon ngayon sa tanggapan ni Manang Milda. Iba't ibang hugis ng buwan, tala, at ng araw. Nakasabit din sa dingding ang mga pinatuyong paru-paro Nagdagdag na rin ito ng mga prutas na nakalagay sa malalaking basket. Hindi na siya nagtangkang tikman iyon dahil sigurado siyang maaasim ang mga ito.
"Hindi ka ba masaya? Malapit nang matapos ang misyon mo, hindi ba?" napatingin ang mahiwagang lalaki kay Manang Milda dahil sa sinabi nito. "Hindi man ako nakakakita tulad ng dati, nararamdaman ko naman ang emosyon na dala mo ngayon."
BINABASA MO ANG
Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)
AdventureAng Ikalawang Serye. Si Aurora Lacamiento ay mayroong malubhang karamdaman mula pagkabata. Sa loob ng ilang taon ay naging sandigan niya ang pagbabasa ng mga nobela. Isang gabi, sa huling sandali ng kaniyang buhay ay napagkalooban siya ng kahilingan...