[Kabanata 18]
Third Person POV
KUMIKINANG na liwanag ang sumalubong sa mga mata ni Ash nang imulat niya ang kaniyang mga mata. Nakatayo siya ngayon sa tapat ng isang malaking Carousel na nagliliwanag. Wala siyang ideya kung nasaan siya ngayon. Nanatili siyang nakatayo at nakatitig sa umiikot na carousel na tila ba nanggaling siya sa isang napakahaba at nakakapagod na panaginip.
Naramdaman ni Ash ang luhang dahan-dahang dumadaloy mula sa kaniyang mga mata. Hinawakan niya iyon na animo'y wala siyang ideya kung saan ito nanggaling. Ramdam niya ang bigat ng kaniyang damdamin. Nababatid niya na dahil ito sa hiling ni Aurora na sandaling matunghayan ang buhay niya upang makilala siya.
Ang sugat sa kaniyang nakaraan na inaakala niyang matagal nang naghilom ay bumalik. Muling bumalik ang lahat ng sakit na kailanman ay hindi niya mabura sa kaniyang isipan.
Natauhan si Ash nang maramdaman ang malamig na palad na humawak sa kaniyang kamay. Ang pagngiti ni Aurora nang marahan ay siyang nagpawi sa lahat ng bigat na nararamdaman niya ngayon. "Nandito tayo ngayon sa loob ng paboritong kong children' story," wika ni Aurora. Ang tinutukoy niya ang kuwentong The White Dove of Ever Land.
Kung dati, si Ash ang laging nagpapaliwanag kung anong kuwento ang kinatatayuan nila. Masaya siya na ngayon ay siya naman ang magbibigay linaw sa kanilang kinaroonan.
Napatingin si Ash sa kamay nilang magkahawak. "Dito sa mundong 'to, gusto kong iwan na natin lahat ng sakit at masamang alaala," patuloy ni Aurora habang pinagmamasdan ang maliwanag at magandang Carnival.
Nakasuot siya ng green dress, green ribbon sa buhok, at white shoes. White polo shirt, brown suspenders, at brown pants ang suot ni Ash. Taong 1950 sa Barcelona, Spain. Karamihan sa mga tao ay nakasuot ng bestida at mahahabang coat.
Nakahawi ang buhok ni Ash at may manipis na hibla ng hubok ang tumatama sa kaniyang mga mata. Nanatili siyang nakatingin kay Aurora. Napahinga nang malalim si Aurora saka tumingin kay Ash, wala na ang ngiti sa kaniyang labi.
"Lagi kong sinasabi na gusto kong mabuhay nang matagal. May dahilan talaga kung bakit nakilala kita, natutunan ko mula sa 'yo na ang mabuhay nang napakatagal ay hindi rin mabuti lalo na kapag naaalala mo ang lahat. Hindi tumitigil sa pag-ikot ang mundo. Tumatakbo nang tumatakbo ang oras. Ngunit sa 'yo parang walang katapusan ang lahat."
Mas lalong hinigpitan ni Aurora ang pagkakahawak sa kamay ni Ash. "Salamat dahil pinatuloy moa ko sa iyong nakaraan na alam kong hindi mo na gustong balikan. Gusto kong malaman mo na hindi ka masama. Ang kapalaran at mundo ang naging malupit sa 'yo. Oo, may pagkakataon kang pumili kung ano ang dapat mong gawin pero hindi kita sisisihin sa mga nangyari na. Hindi ko sasabihing dapat hindi mo ginawa iyon dahil wala naman ako sa posisyon mo. Hindi naman ako ang nakaranas ng lahat ng dinanas mo."
Humakbang si Aurora papalapit kay Ash. "Sa dami ng nabasa kong kuwento. Ang kuwento ng buhay mo ang pinakamaganda para sa 'kin. Naging matatag ka. Alam mo kung anong gusto mo at handa mong protektahan ang mga mahalaga sa 'yo. Nakahanda ka ring pagbayaran ang lahat ng kasalanan mo. Alam kong nagsisisi ka at tinatanggap mo ang parusang ito nang buong puso."
Napayuko si Ash, ang luhang hindi pa natutuyo sa kaniyang pisngi ay sinundan ng sunod-sunod na patak. Sa loob ng mahabang panahon, sa dami na ng mundong kaniyang sinubaybayan, natutunan niyang itago sa mga ngiti, biro, at tawa ang lahat ng kaniyang masasamang karanasan. Nagagawa rin niyang tawanan ang mga problema.
Ni isa ay wala siyang pinagsabihan dahil hindi niya nais na malaman ng iba na siya'y mahina. Na nakakaramdam din siya ng takot. Na dumarating din sa punto na hindi niya kayang pigilan ang kaniyang mga luha.
BINABASA MO ANG
Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)
AdventureAng Ikalawang Serye. Si Aurora Lacamiento ay mayroong malubhang karamdaman mula pagkabata. Sa loob ng ilang taon ay naging sandigan niya ang pagbabasa ng mga nobela. Isang gabi, sa huling sandali ng kaniyang buhay ay napagkalooban siya ng kahilingan...