Kabanata 10: Hero and Heroine

53.6K 2.8K 3.8K
                                    

[Kabanata 10]

Papalubog na ang araw, puno ng maliliit na boses at tawanan ang playground kung saan ako dinadala noon ni Mama. Hindi ko masyado maalala ang lahat pero may iilang naiwan sa aking memorya. Hinahabol kami ng ibang bata paikot sa malaking slide at swing na nasa gitna. Ang tanging alam ko lang ay tumakbo nang tumakbo at huwag magpapahuli.

Para sa tatlong taong gulang na bata ay ito na ang pinakanakakaba na pangyayari sa buhay. Sinasabayan ng sigaw at tawa ang takot na maabutan. Sa aking pagtakbo ay natisod ako at padapang bumagsak sa damuhan.

Nagpatuloy ang takbuhan. Lumingon ang ilang mga bata sa akin ngunit hindi sila tumigil upang iligtas ang mga sarili. "Taya!" Tinapik ng batang lalaki na siyang humahabol sa amin ang ulo ko at hinabol ang iba pa.

"Aurora!" Tawag ni Mama. Umupo ako at napatingin sa aking braso at tuhod na may lupa at gasgas. "I told you not to run!" Bakas ang matinding pag-aalala ni Mama na biglang namutla at hinawakan ang mukha ko.

Napatingin ako sa aking binti kung saan pumatak ang isang mainit na likido na kulay pula. Unti-unti kong naramdaman ang hapdi at pag-init ng aking ilong. Kahit namumutla ay nagawa akong buhatin ni Mama. May mga sinasabi siya na hindi ko na maalala. Ang tanging naiwan din sa akin ay ang tingin ng mga nag-aalalang magulang na nadaanan namin. Mula noon ay naintindihan ko na ang pagdurugo ay isang seryosong bagay na naghahatid ng takot sa karamihan.


HINDI ako nakagalaw habang nakatitig sa patak ng dugo sa aking kamay. Dahan-dahan kong hinawakan ang aking ilong na humahapdi at umaapoy. Sunod kong naramdaman ang malamig na bakal na dumikit sa aking sentido.

Ni isa ay walang nakapagsalita dahil sa takot. Nakatutok ngayon ang baril sa aking ulo. Nanginginig akong tumingin kay Ash, maging siya ay gulat at naguguluhan kung bakit ako dinurugo ngayon.

Tumingin ang Kapitan kay Ash na ngayon ay hawak ng dalawang sundalo sa magkabilang braso. Itinulak siya ng mga ito paluhod. Nagpaliwanag, nagmakaawa, at nakiusap siya.

Naglakad ang Kapitan at umupo sa tapat ni Ash upang maging kapantay niya ito. May sinabi ang kapitan na nagpayuko kay Ash. Ilang sandali pa, tiningnan niya ito nang deretso sa mga mata at may sinabi siya nang hindi natitinag. 

Lumapit ang isang sundalo at bumulong sa Kapitan. Nanguna si Dr. Richard at Dante para bigyan ng lunas ang mga nanghinang sundalo. Muling tumingin sa amin ang Kapitan. Bakas sa kaniyang hitsura ang pagdadalawang-isip, mawawalan pa sila ng dalawang medical aid kung papatayin kami.

Sumenyas ang Kapitan sa sundalong nakatayo sa tabi at siyang may hawak ng baril. Ibinaba nito ang baril at yumukod. Agad kaming hinila ng mga sundalo pasakay sa sasakyan at ginapos.

Nagkatinginan kami ni Ash mula sa magkatabing sasakyan. Ngayon ay itinuturing na nila kaming panganib na anumang oras ay magtataksil muli sa kanila. Tumigil na ang pagdurugo sa aking ilong. Sinubukan kong punasan gamit ang dulo ng aking manggas ngunit hindi ko ito mahawakan nang maayos dahil sa higpit ng lubid sa aking dalawang kamay.

Tumindig ang isang sundalo sa pagitan namin ni Ash. Mukhang inutusan siya ng Kapitan na bantayan kami nang mabuti. Walang emosyon ang mukha nito habang nakatingin nang deretso sa kalsada. Hindi man niya maintindihan ang sasabihin ko kay Ash, siguradong patatahimikin niya ako sa oras na magsalita ako.

Hindi nagtagal ay lumapit ang dalawang sundalo at tinanggal ang gapos sa aking kamay at paa. "S-Saan niyo ako dadalhin?" Hindi sila nagsalita. Maging si Ash ay gulat na napaupo nang maayos at sinundan kami ng tingin. Hinila ako ng dalawa pababa. Tumingin ako kay Ash na ngayon ay hindi rin alam ang gagawin.

Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon