Kabanata 2 - When Jane Met Blue

151K 7K 9.5K
                                    

[Kabanata 2]

Madalas akong nalulunod sa liwanag ng buwan. Hindi ko namamalayan ang takbo ng oras sa tuwing inaakit ako ng liwanag niyon sa gabi bago matulog. Minsang nabanggit sa akin ni mama na ang buwan ay mailap, kaya raw ito sa gabi nagpapakita ay dahil karamihan sa mga tao ay mahimbing nang natutulog.

Nakahiligan din nito ang magtago sa likod ng mga ulap. Kung minsan ay hindi nagpapakita buong gabi. Isa itong misteryo na nababalot ng hiwaga. Ngunit mapagbigay ito, tulad ng kung paano nito ibinabahagi ang liwanag na tinataglay sa gitna ng madilim na kalangitan.

Mula pagkabata, naging kaibigan ko ang buwan. Kinakausap ko ito bago matulog. Tinatanong ng maraming bagay, kung bakit hindi ako pwede maging katulad ng ibang bata na masayang naglalaro sa labas.

Wala akong nahahanap na sagot mula sa kaniya ngunit nagiging payapa ang pakiramdam ko. Para bang mas gusto akong yakapin ng buwan sa halip na sagutin ang mga katanungan kong magdudulot lamang ng kalungkutan.

Hindi ako napagod tumingin sa kaniya tuwing gabi. Hindi ako nagsawang kausapin siya tulad ng isang kaibigan. Hindi ako tumigil na humiling, na kung sana ay malakas lang ako, baka pwede ko ring marating ang buwan balang araw.

Natauhan ako nang magsalita muli ang lalaking nasa harap ko ngayon na tulad ng buwan na misteryoso at mahiwaga. "Maswerte ka dahil napagbigyan ang kahilingan mo. Bihira lang kami maging mapagbigay sa mga mortal. Ang mga mundong tutuklasin natin ngayon ay isang mahabang paglalakbay na puno ng magagandang tanawin" wika niya saka napahalukipkip.

"Kaya 'wag ka nang mag-alala diyan. Hindi ako si Kamatayan. Kung dadalhin kita sa kabilang buhay, bakit kailangan pa kitang kumbinsihin?" patuloy niya, napaisip ako sa sinabi niya. Patuloy lang ang pagtunog ng bell at ang pagmamadali ng mag estudyante.

"Kung ako si Kamatayan, kukunin lang kita at ihahatid sa kabilang mundo. Hindi na kita kakausapin nang ganito." Dagdag niya, napatango ako sa sinabi niya. Sabagay, may punto naman siya. Masyado siyang palangiti at palakaibigan para maging si Kamatayan.

Tinaas niya ang isa niyang daliri na parang may idadagdag pa siya sa sasabihin niya, "Tandaan mo rin pala, hindi sila nagsasalita. Walang boses ang Kamatayan. Para silang mga anino na walang emosyon at walang pakiramdam." Napahawak ako sa strap ng backpack na suot ko. Magaan ito na parang walang lamang libro o anumang gamit sa pag-aaral.

Tiningnan niya ang suot niyang relo na kakulay din ng kaniyang buhok. "Ma-lalate na tayo. First day of class pa man din ngayon." Nauna na siyang naglakad papasok sa malaking paaralan.

Agad akong sumunod sa kaniya, napatitig ako sa dalawang binti ko na nagawang makatakbo. Hindi ako nakakatakbo nang ganito. "Bakit ba first day of class lagi nagsisimula ang mga nobelang 'to?" reklamo niya habang patuloy na nginunguya ang bubble gum, nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa bulsa ng kaniyang pantalon habang pinagmamasdan ang buong paligid.

"Sabagay, ang weird naman kung nasa kalagitnaan na ng school year, puro exam at project na 'yon. Paniguradong stressed na ang mga characters dito." Patuloy niya, sinagot lang din niya ang kaniyang tanong.

Hindi ko magawang ikurap ang aking mga mata, sa TV ko lang ito noon nakikita. May mga estudyanteng nagmamadali tumakbo papasok sa kani-kanilang mga classroom. Habang ang ilan naman ay kalmadong naglalakad kasabay ang kanilang mga kaibigan.

Natatanaw din namin ang malawak na soccer field ng school kung saan nag-tatraining ang mga student athlete. Maaliwalas ang sikat ng araw, buhay na buhay ang buong paligid. "Mas maganda pala ito kaysa sa na-imagine ko," ngumiti siya sa sinabi ko, para siyang cool na estudyanteng walang planong pumasok sa klase.

Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon