Kabanata 8 - Hunted Fate

82.1K 3.9K 4.3K
                                    

[Kabanata 8]

Nagtitiwala tayo sa buwan kahit na hindi natin ito kilala. Ngunit naroon din ang takot na hatid nito na para bang sinusundan tayo at nalalaman nito ang lahat ng bagay tungkol sa atin.

NAKATAYO ako sa bukana ng kuweba habang hinihintay namin ni Ash na magising si Valdore. Tinali ni Ash si Valdore gamit ang kadenang nakatali pa sa magkabilang kamay at paa nito. Hindi ko alam kung paano mabilis na nagawa ni Ash mag-isa ang pagtali kay Valdore na para bang sanay na sanay na siyang gawin iyon.

Malaki ang kuweba at mas malamig dito kumpara sa labas. May naririnig kaming patak ng tubig mula sa loob na para bang ito ang humugis sa mga makikintab na bato. Lumingon ako sa labas, gumagalaw lang nang marahan ang mga puno at halaman sa gubat. Wala pang ideya ang hari at ang pamilya nito na nakawala si Valdore.

Tumingin ako kay Ash na ngayon ay humakbang na paatras habang pinagmamasdan ang higpit ng pagkakatali niya kay Valdore na nakatali sa malaking bato sa loob ng kuweba. "Ash," tatlong sunod-sunod na echo ang nalikha ng boses ko kaya tumikhim ako saka nagsalita nang mas mahina.

"Anong mangyayari kay Valdore?" Tumingin siya sa 'kin, walang bahid ng pawis, o pagod ang ginawa niya. Para bang hindi na bago sa kaniya ang mga ganitong uri ng gawain. Tumingin siya kay Valdore na ngayon ay parang inosenteng batang natutulog.

"Ang lahat ng pangunahing tauhan sa kuwento, babalik at babalik sila para pangunahan pa rin ang takbo ng kuwento. Walang ibang puwedeng pumalit sa bida ng isang istorya. Ang mundo ng nobela na kanilang ginagalawan ang siyang gagawa ng paraan upang makabalik sila." Sagot niya saka tumingin sa 'kin. Ngayon naiintindihan ko na, minsan may mga iniiwasan tayong mangyari sa buhay natin pero nangyayari pa rin, dahil gumagawa rin ng paraan ang mundo para harapin mo ang bagay na iyon na pilit mong nilalayuan.

"Ibig sabihin... mangyayari pa rin ang takbo ng kuwentong ito? Makukuha niya ang kaharian?" Tumango si Ash saka itinukod ang hawak na espada sa lupa na para bang patungan niya iyon ng kamay. Pinagmamasdan namin ngayon si Valdore na para bang kami ang mga magulang na nag-uusap tungkol sa anak habang nakasilip sa pintuan ng kuwarto nito.

"Mangyayari pa rin ang dapat mangyari. Magbago man habang nandito tayo... babalik pa rin ang lahat sa totoong takbo ng kuwento." Hindi siya tumingin sa 'kin, alam kong nasabi na niya iyon dati. Pero umaasa pa rin ako na mabago ang dapat na mangyari.

Ilang sandali pa ay narinig namin ang malalim na paghinga ni Valdore, gumalaw din ang kaniyang paa at ulo na nakasandal sa ere. Napalunok ako at tumingin kay Ash, sa mga ganitong pagkakataon ay dapat may hawak na kaming sandata o mas mabuting magtago na lang kami baka makawala pa si Valdore.

Ngunit walang ginawa si Ash, nanatili siyang nakatayo habang nakatukod ang espada sa lupa na para bang naiinip siya sa tagal magising ni Valdore. Gusto kong maging matapang din tulad ni Ash kaya sinubukan kong itaas ang noo ko. Sana lang ay hindi nahahalata ni Ash ang malalim ko ring paghinga.

Gulat na napatingin si Valdore sa dibdib saka pilit na iginalaw ang sarili ngunit mas lalong humihigpit ang kadena na nakapulupot sa kaniyang katawan at sa malaking bato. Sumigaw siya saka pilit na nilakasan pa ang pagpupumiglas pero walang nangyayari.

Natatakot ako sa boses niya 'di tulad noong binabasa ko pa lang ang kuwentong ito kung saan suportado ko siya sa lahat ng gagawin niya. Naalala ko na naman ang hitsura niya kanina kung saan handa niyang inumin lahat ng dugo ko upang mabuhay siya.

"Mas lalo ka lang manghihina," panimula ni Ash dahilan upang mapatigil si Valdore at deretsong tumingin sa kaniya. Sa sobrang kagustuhan ni Valdore makawala ay hindi niya kami napansin ni Ash na nakatayo ng ilang dipa ang layo sa kaniya.

"Hindi rin 'yan makakatulong sa 'yo." Patuloy ni Ash, hinila ko nang marahan ang dulo ng damit niya at pinandilatan siya ng mata dahil hindi dapat namin galitin si Valdore. Ngumiti lang si Ash na parang natutuwa pa sa pang-aasar kay Valdore, tinanong niya pa ako kung bakit nang walang boses na lumalabas sa kaniya saka tumawa nang walang tunog.

Hiraya (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon