Terminal 0110: Fist of the Earthen Warrior

1.1K 33 9
                                    

        Patuloy ang paghahanap ni Justine kay Karen sa bayan ng Gorgunta. Inisa-isa ng binata ang bawat taberna, eskenita at mga establisyemento, ngunit, bigo siyang mahanap ang dalaga dahil sa lawak ng lungsod na iyon.

        Habang aligagang naglalakad, napansin ni Justine ang isang mataas na tore, kung saan makikita ang isang malaking orasan. Doon, maaari niyang matanaw ang halos kabuohan ng lungsod.

        Dali-daling umakyat si Justine sa tuktok ng mataas na tore, doon naabutan niya ang dalagang bandido na si Margo—nagmumukmok, dahil sa kagustuhan ng kaniyang amang si Wulong na ipag-isang-dibdib siya sa lalaking hindi naman niya mahal. Nakaupo lamang si Margo sa itaas ng malaking orasan nang mapansin niya ang balisang si Justine na tinatanaw ang malawak na kabayanan.

        Nagtaka si Margo. "Ikaw!" sigaw niya kay Justine, ngunit, hindi naman siya pinansin ng binata dahil abala ito sa paghahanap kay Karen. "Hoy, kinakausap kita!" masungit na ulit ni Margo.

        "Huh?" paglingat-lingat pa ni Justine sa paligid, kinukumpirma kung siya nga ang tinatawag ng dalagang bandido. "Ako?" Turo pa ni Justine sa kaniyang sariling mukha.

        "May iba pa bang tao rito? Ngayon lang kita nakita rito... sino ka?" usisa pa ni Margo.

        "Pasensya na, abala kasi ako. Sa susunod na lang tayo mag-usap," ani Justine na tumalikod agad at naglakad palayo.

        Tila ikinainis ni Margo ang inasta ng binata. "Sandali!" pigil niya.

        Agad namang napahinto si Justine sa paglalakad.

        Lumapit si Margo kay Justine at nakapamewang pang sinipat ang binata, mula ulo hanggang paa. "Hindi ka taga rito," ani Margo na nakataas pa ang isang kilay.

        Napakamot ng ulo si Justine. "Sandali lang, miss—"

        "Margo," mabilis na pakilala ng dalagang bandido. "Ako si Margo."

        "Margo—" Ngisi ni Justine. "Nagmamadali kasi ako, sa susunod na lang tayo mag-usap."

        Naagaw ang atensyon ng dalawa nang bigla silang makarinig ng malakas na tunog ng kampana. Agad nagpaling ng tingin ang dalawa sa pinagmumulan ng tunog. Nagmula ang tunog na iyon sa may liwasan.

        Nagbuntong-hininga si Margo at napahalukipkip. "Tsk... mukhang may bibitayin na naman," aniya.

        "Bibitayin?" pagkunot-noo pa ni Justine.

        "Oo. Ang tunog na iyon ay ang kampana ng kamatayan. Pinatutunog yon kapag may nakatakdang bitayin sa liwasan. Tsk. Tsk. Hay layp."

        Tila naipit ang paglunok ni Justine sa narinig. "K-Karen!?!"

        Biglang tumalon si Justine, pababa ng mataas na tore at iniwang mag-isa si Margo. Habang nasa ere ay sinamo niya ang kaniyang avatar at mabilis iyong sinakyan. Bumulusok ng lipad sina Justine at Blaze tungo sa direksyon ng liwasan, nang walang anu't-ano'y bumagsak sa kanilang harapan ang isang dambuhalang avatar at harangin sila. Agad napahinto sina Justine at Blaze.

        Matipinuno, yari sa magkahalong bato at lupa ang kabuohan, malalaki ang hulma ng katawan at mga braso ng naturang avatar. Isang higanteng golem kung saan nakasakay si Margo.

        "Hoy, hindi pa tayo tapos mag-usap!" himutok ni Margo habang nakasakay sa balikat ng kaniyang avatar.

        "Arrgh! Mamaya na tayo mag-usap! Nagmamadali ako!" protesta naman Justine na halos mapasabunot na sa sarili sa pagkabalisa.

Summoner's Grid 1: Rise of the ProgramsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon