Nakapaglayag sina Karen, Justine at Margo, lulan ng kanilang sasakyang pandagat patungo sa Central Frame, sa tulong ng mga bandidong sina Atomo, Bosyo, Harold at Gregory. Habang binabaybay ng pito ang malawak na karagatan, isang panibagong kabalyero ni Lucile ang nagpakita at nagtangkang palubugin ang kanilang sasakyang pandagat—ang kabalyerong si Rugenhan.
Pwersahang pinaangat ni Rugenhan ang sasakyang pandagat ng grupo at tangka pang ihuhulog mula sa pinakamataas na bahagi himpapawid. Matapos ay agad ding naglaho si Rugenhan
Ginamit ni Karen ang buong lakas ng kaniyang avatar na si Shiva upang pigilan ang kanilang nahuhulog na barko—gamit ang natitira pang lakas ng avatar ay matagumpay niyang naitawid ang nagkawasak-wasak na sasakyang pandagat, tungo sa Central Frame—at makalipas ang ilang oras ay narating na ng grupo ang isla ng Central Frame, dito na tuluyang naubos ang natitirang lakas ni Shiva.
"Anong nangyari!?" Pagkabigla ni Margo nang tila pigilan ng isang malakas na pwersa ang paglapit ng kanilang barko sa isla.
Sumilip ang payat na bandidong si Harold mula sa deck. "Isang hindi nakikitang harang ang pumipigil sa atin para makalapit sa Central!"
Lumundag si Margo, nagpalipat-lipat sa mga plataporma hanggang makarating sa mataas na bahagi ng barko. Doon ay sinisipat niya ang buong isla. "Ito na marahil ang sinasabing harang ni Saifer," ani Margo. "Kailangan natin ng lakas ng isang enchanter upang makapasok."
"M-m-mga kasama, tignan nyo ito," Sigaw ni Karen nang mapansing naglalabas ng mahinang liwanag ang kaniyang summoning gear. Nagliliwanag din nang mga oras na iyon ang mga summoning gear nina Justine at Margo.
Sandaling napaisip si Justine. "Nakapaloob sa ating mga summoning gear ang mga orbeng nakuha natin mula sa mga enchanter na sina Fegadra, Kitaru at Miroa."
"Tama," segunda naman ni Margo. Lumundag siya pababa mula sa mataas na platapormang kaniyang kinatutungtungan at lumapit kina Karen at Justine. "Marahil, kung pagsasama-samahin natin ang ating mga summoning gear, maaari tayong makabuo ng sapat na enerhiyang nagtataglay ng lakas ng isang enchanter?"
"Subukan natin." Tango ni Justine.
Iniangat nina Karen, Justine at Margo ang kanilang mga summoning gear. Lalo pang nagliwanag ang mga ito—Ang latak ng kapangyarihan ng oras, anino at salamin ay dahan-dahang nagsama-sama upang maging isa... parang isang susing nagbukas ng daan para sa kanilang barko.
Wala nang inaksayang oras ang grupo, idinaong nila ang kanilang sasakyang pandagat sa mabatong bahagi ng dalampasigan. Lumundag palabas ng barko sina Karen, Justine, Margo at Atomo—nagpaiwan naman sina Bosyo, Harold at Gregory.
"Bosyo? Ano pang ginagawa nyo?" pagtataka ni Atomo. "Hindi ba kayo sasama?"
Umiling si Bosyo. "Magpapaiwan kami. Aayusin namin ang mga nasirang bahagi ng barko. Isa pa, kailangan ding may maiwan dito upang bantayan ang barko sa oras na bumalik kayo." segunda naman nina Harold at Gregory.
Ngumiti si Karen. "Salamat, Bosyo, Harold, Gregory."
Dahil hindi sanay na napasasalamatan, nailang ang tatlo at namula.
Paalis na sina Karen nang biglang magsilabasan ang sandamukal na mga White Program at walang anu't ano'y pinaputukan ang kanilang nakadaong na barko.
"M-mga White Program!" Babala ni Margo.
"Anong gagawin natin?!" sigaw ni Harold habang nakasabunot sa sarili.
BINABASA MO ANG
Summoner's Grid 1: Rise of the Programs
AdventureTaong 2154 nang muling sumibol ang panibagong pagbabanta sa pagkaubos ng lipi ng mga tao. Sundan sina Karen at Justine sa kwento ng kanilang pakikipagsapalaran upang iligtas ang Grid.