Terminal 1111: Agonizing Wind (Part I)

729 22 1
                                    

        Dumating sa bayan ng Zelna ang dalawa sa pinaka-malalakas na kabalyero ni Lucile na sina Levija at Kimbra. Matinding takot ang idinulot ng dalawa sa mga mamamayan. Pinagpapaslang ang ilan sa mga residenteng nanlaban, kabilang na sina Kitaru at Miroa. Mabilis na tinalo nina Levija at Kimbra sina Karen, Margo at Justine sa isang labanan, matapos ay umalis, tangay ang batang glitch na si Quo.

        Tahimik ang buong bayan ng Zelna nang umagang iyon. Makulimlim at balot ng madidilim na ulap ang buong kalangitan na tila nakikidalamhati sa pagluluksa ng buong bayan.

        Sa loob ng isang maliit na silid, kasalukuyang kausap nina Karen, Justine at Margo si Saifer Cross mula sa isang maliit na makinang pangkumunikasyon. Nakapatong iyon sa maliit na mesa sa kanilang harapan. Makikita roon ang tatlong-dimensyonal na imahe ni Saifer Cross o hologram.

        "Wala akong ideya kung bakit gustong makuha ni Lucile ang kaibigan nyong si Quo," pahayag ni Saifer. "Subalit, kung ipinadala nga ni Lucile sina Levija at Kimbra, siguradong mayroon siyang maitim na pakay."

        "Sina Levija at Kimbra... bakit gano'n na lang kasidhi ang kagustuhan ni Lucile na makuha si Quo?" labis na pagtataka ni Karen.

        Isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Margo sa dingding. "Mga wala silang puso!" Gigil na gigil na reaksyon ni Margo. "Pinatay pa nila sina Kitaru at Miroa!"

        Bumukas ang ilan pang mga imahe mula sa kompyuter. "Ang dalawang kabalyerong nakalaban nyo ay ang dalawa sa pinakamalalakas na kabalyero ni Lucile," pahayag ni Saifer. "Sina Levija at Kimbra, parehong Class S ang ranggo nila. Si Levija ay ang Tagapagmanhik ng Grabitasyon, kaya niyang baguhin ang antas ng gravity sa paligid, samantalang si Kimbra naman ang Tagapangalaga ng Espasyo-Oras kaya naman niyang hiwain o manipulahin ang dimensyonal na espasyo at makagawa ng mga lagusan."

        "Hindi ko alam na ganito na pala kalakas ang pwersa ni Lucile," ani Justine.

        "Masyado nang delikado ang pinapasok nyo, bumalik na lamang kayo sa Argalon," utos ni Saifer sa grupo.

        Sandaling natahimik ang lahat.

        Huminga ng malalim si Karen. "Hindi namin maaaring pabayaan si Quo."

        "At ang Reformat Code," segunda naman ni Justine.

        "Hanga ako sa inyong determinasyon... subalit, hindi pagiging matalino ang iniisip nyo. Wala pa sa sampung porsyento ang tyansa ninyong magtagumpay," kalkula ni Saifer.

        Napabalikwas ng tayo si Justine. "Hindi! Paano nyo nasasabi ang bagay na 'yan!? Buhay ni Quo ang pinag-uusapan natin dito!"

        "Justine, huminahon ka." Hawak ni Karen sa braso si Justine.

        Sandaling huminga ng malalim si Justine at malumanay na nagpatuloy. "Hindi kami mga kompyuter na umaasa sa mga numero... mga tao kami na naniniwala sa halaga ng buhay. Sa mga oras na tulad nito, pag-asa lamang ang tangi naming masasandalan."

        "Makinig ka, Justi—" Biglang naglaho ang imahe ni Saifer Cross nang biglang putulin ni Justine ang komunikasyon.

        "Nakakainis talaga siya!" Muling upo ni Justine. "Parati na lang niyang kinakalkula ang mga bagay sa pamamagitan ng mga numero!"

        Isang malakas na suntok muli ang pinakawalan ni Margo sa dingding. "Napakasama mo Lucile, pati mga bata ginagamit mo!" Himutok pa ni Margo.

        "Tama na, Justine, Margo," hawak ni Karen sa balikat ng dalawa. "Hindi makatutulong ang galit sa mga oras na ito. Kailangan nating maging kalmado upang makapag-isip ng maayos."

Summoner's Grid 1: Rise of the ProgramsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon