Halos magbubukang liwayway pa lamang nang umagang iyon, payapa at tahimik ang buong lunsod na tila hinihele ng papasibol pa lamang na umaga. Unti-unting sumisilip ang sinag ng umaga mula sa maliit na siwang ng bintana ni Karen. Nasa kalagitnaan pa siya ng malalim na pagkahimbing nang—
"KAREEN!!!"
Halos mapatilapon si Karen mula sa pagkakabalikwas sa kaniyang kinahihigaan. Agad siyang nagpaling ng tingin sa nakangising si Justine na nakatayo sa tabi ng kaniyang higaan.
"Magandang umaga!" ganadong sambit ni Justine.
"Justine!?" Tinignan ni Karen ang kaniyang Summoning Gear. "Ang aga pa, ha?!" pagkabigla ng dalaga nang makita ang oras.
Umiling-iling si Justine. "Walang maaga o gabi sa isang manunubos. Kung gusto mong maging isang bounty hunter, kailangan lagi kang handa at alerto, ano mang oras."
"Lechugas ka, Justine! Gusto ko pang matulog." Muling humilata si Karen na agad pang nagtalukbong ng kumot.
"Hindi! Bumangon ka na." Hila pa ni Justine sa kumot ni Karen.
Nakasimangot na bumangon si Karen habang kinukusot-kusot pa ang kaniyang mga mata. "Arrghh! Inaantok pa talaga ako."
Napapaling ng tingin si Justine sa bagay na nakapatong sa ibabaw ng mesa, sa tabi ng higaan ni Karen. "Teka, ano ba ito?" Dampot pa niya sa kakaibang bagay na iyon, sabay inamoy-amoy.
Namula ang mga pisngi ng dalaga at nataranta. "Amina nga 'yan! Grr!" Dali-daling hablot ni Karen sa hawak na napkin ni Justine.
"Sandali, bakit ka ba nagagalit?" pagtataka ng binata.
"Bakit ako nagag—grr! Laabaaass!!" Balibag pa niya ng unan sa mukha ng binata na mabilis namang napakaripas ng takbo, palabas ng silid.
***
"Justine, anong ginagawa natin dito?" tanong ni Karen habang nakatayo sila sa tuktok ng isang bangin, sa bayan ng Garu. Matatanaw ang berdeng mga puno't mga halaman at mga malalaking bato sa malawak na kalupaan.
"Simula sa araw na ito, mabubuhay ka na bilang isang manunubos," seryosong sambit ni Justine. "Simula ngayon, iwan mo sa lugar na ito ang lahat ng poot at sakit ng iyong nakaraan."
"Justine?"
"Ito lamang ang tanging paraan upang maharap mo ang iyong hinaharap bilang isang manunubos nang walang pumipigil na nakaraan."
Tumango si Karen, huminga ng malalim at nagpaling ng tingin sa malawak na tanawin. Umabante siya ng isang hakbang at binunot ang punyal mula sa kaniyang baywang. Pumikit siya at dumampot ng isang bungkos ng buhok mula sa kaniyang batok. Nagulat si Justine nang sa isang iglap ay putulin ni Karen ang kaniyang buhok gamit ang matalas na punyal. Ibinuka ni Karen ang kaniyang palad, kasabay ng pagpapatianod sa hangin ng daan-daang hibla ng kaniyang buhok. Para kay Karen, ang kaniyang ginawa ay simbulo ng pagbititiw sa poot ng nakaraan.
Kasabay ng kislap ng pag-asa sa mga mata ni Karen ay ang malayang pagsayaw ng mga hibla ng kaniyang buhok sa hangin. Sandaling natigilan si Justine nang mga sandaling iyon. Tila huminto ang pag-ikot ng kaniyang mundo. Ngayon lamang niya nasilayan ang kakaibang ora ni Karen... ngayon lamang niya napagtanto ang ganda ng dalaga.
Biglang bumilis ang kabog ng dibdib ng binata sa hindi niya maipaliwanag na kadahilanan.
Huminga si Karen at nagpakita ng matipid na ngiti. "Ang gaan sa pakiramdam... Salamat, Justine."
Muling nagbalik ang lumulutang na diwa ni Justine. Napalunok na lamang siya at umasta ng natural. "Wow, akala ko sisigaw ka lang."
"Ump!"
BINABASA MO ANG
Summoner's Grid 1: Rise of the Programs
AdventureTaong 2154 nang muling sumibol ang panibagong pagbabanta sa pagkaubos ng lipi ng mga tao. Sundan sina Karen at Justine sa kwento ng kanilang pakikipagsapalaran upang iligtas ang Grid.