Terminal 1101: Fragments of Desolated Hearts (Part II)

760 25 3
                                    

        Dahan-dahang iminulat ni Margo ang kaniyang mga mata. Marahan niyang iniikot ang kaniyang tingin sa buong silid—nakita niya ang isang maliit at lumang mesang yari sa kahoy sa tabi ng kaniyang higaan, doon nakapatong ang isang palangganang may lamang tubig. Marahan siyang bumangon at tinanggal ang ilang mga dahong nakadikit sa kaniyang noo. Nagpaling siya ng tingin sa kabilang kama kung saan nagpapahinga ang walang malay na si Kitaru.

        "N-nasan ako?" Bakas sa mukha ni Margo ang pagtataka. Tumayo siya at binuksan ang salamin ng maliit na bintana sa harap ng lumang mesa, nakita niya sa labas sina Justine at Karen na nag-uusap sa ilalim ng lilim ng isang puno.

        "Teka—" Nanunuksong tingin ni Justine kay Karen. "Nagseselos ka ba?"

        "Ano?!" Kunot-noong reaksyon ni Karen. "B-bakit naman ako magsesel—!?" Biglang napakagat ng labi si Karen at tila nailang.

        "Oh? Bakit ka namumula? Siguro may gusto ka sa akin, 'no?" panunukso pa ni Justine.

        "Kapal ng mukha mo ah! Isusumbong kita kay Margo 'pag gising niya." Irap ni Karen sa binata.

        Ngumisi si Justine na parang natutuwa pa. "Oh, galit ka na nyan? Wala akong gusto kay Margo at wala akong balak pakasalan siya."

        Biglang nanikip ang dibdib ni Margo kung kaya't napasapo siya rito. Dali-dali niyang isinara ang salamin ng bintana at naghabol ng hininga. Maya-maya pa'y hinila ni Karen ang kohelyo ni Justine papalapit sa kaniya. Nagulat si Margo sa kaniyang nakita, sa pakiwari niya'y hinalikan ni Karen si Justine. Humakbang paatras si Margo, palayo mula sa bintanang iyon. Tila sandaling namanhid ang kaniyang katawan at patuloy na nakaramdam ng kirot sa kaniyang dibdib. Hindi namalayan ni Margo na unti-unti na palang gumugulong sa kaniyang pisngi ang kaniyang mga luha.

        Sunod-sunod na yabag ang narinig ni Margo, halos kasabay ng pagbukas ng pinto ng kanilang silid. "Uy, Ate Margo! Gising ka na pala?" masayang bati ni Quo.

        Mabilis na napapahid si Margo ng kaniyang mga luha, huminga ng malalim at nakangiting humarap kay Quo. "A-ah, oo."

        Ang mga ngiti ni Margo ay tila isang maskarang nagkukubli sa kaniyang sugatang puso.

***

        Nagtungo sina Karen at Justine sa kalapit na templo upang alamin ang tunay na dahilan ng pagparoon ng mga residenteng lalaki sa Zelna, dito ay nakaharap nila ang isa sa mga Puting Kabalyero ni Lucile—si Miroa. Nahuli ng mga alagad ni Miroa ang dalawa at agad na dinala sa loob ng templo. Ikinulong ni Miroa ang espiritu ni Justine sa loob ng kaniyang avatar upang mapasunod at kontrolin ang binata.

        Ipinikit ni Justine ang kaniyang mga mata at dahan-dahang inilapit ang kaniyang mukha kay Karen.

        "T-teka—a-anong g-ginagawa mo, Just—!" Natulala na lamang si Karen nang bigla niyang maramdaman... ang init ng halik ni Justine, kasabay ng malakas na halakhak ni Miroa.

        Ilang sandali pa't biglang nagbalik ang diwa ni Karen sa reyalidad, napakunot ang kaniyang noo at agad na nagpumiglas, itinulak ni Karen si Justine palayo sa kaniya. "Anong ginagawa mo!?" galit na usap ni Karen habang nakahawak sa kaniyang mga labi. Nanginginig si Karen at tila namumugto ang mga mata. "'Yon ang... unang halik ko, unggoy ka!" hinanakit ni Karen.

        Muling tumawa si Miroa. "Tama ang hinala ko," aniya. "Umiibig ka sa lalaking ito!"

        "Ano!?" Balikwas ni Karen. "A-anong sinasabi mo?!"

        "Maaaring hindi mo aminin sa sarili mo, pero kitang-kita sa 'yong mga mata," tila pambubuyo pa ni Miroa.

        Sandaling natigilan si Karen at nagbaba ng tingin. Napasapo siya sa kaniyang dibdib nang tila biglang bumilis ang kabog nito. "Si Justine...? G-gusto ko nga ba si... Justine?" Bigla siyang naguluhan sa kaniyang sarili at tunay na nararamdaman.

Summoner's Grid 1: Rise of the ProgramsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon