Ilang oras na nilakad nina, Karen, Justine, Margo at Quo ang malawak at mainit na kapatagan hanggang sa marating nila ang isang maliit na bayan, malapit sa karagatan. Pasan pa ni Justine ang walang malay na si Kitaru nang pumasok ang grupo sa loob ng bayan.
Ito ang maliit na bayan ng Zelna—isang bayan na matatagpuan sa hangganan ng lalawigan ng Argalon. Malapit ito sa tabi ng karagatan kung kaya't kapansin-pansin sa paligid ang mga estrakturang ginagamitan ng mga pandagat na materyales, mga makinang pinatatakbo ng tubig at mga kagamitang ginagamit sa pangingisda. Makikita rin sa paligid ang mga barko, bangka, balsa at iba pang mga sasakyang pandagat na nakadaong sa malawak na pantalan.
Huminto si Quo sa paglalakad at huminga ng malalim. Ngumiti siya at nagpaling ng tingin sa mga kasama. "Ito ang bayan ng Zelna. Ito ang unang bayan na napuntahan ko nang magising ako sa dalampasigan," aniya. Iniikot ni Quo ang kaniyang paningin sa paligid at napakunot ng noo. "Teka—nasaan na kaya ang mga tao rito?"
Malimit lamang na makitang kaunti ang tao sa bayan ng Zelna dahil ito lamang ang tanging daungan at sentro ng transportasyong pandagat sa buong lalawigan ng Argalon, kung kaya't kakaiba ang araw na iyon—tahimik ang buong liwasan, wala roon ang mga kalalakihan at mangilan-ngilang residente lamang ang makikita sa paligid.
"Wala ang mga kalalakihan at sobrang tahimik, nakakapanibago," ani Quo habang nilalakad nila ang tahimik na liwasan.
Napalingon ang lahat kay Margo na nahuhuli sa paglalakad sa kanilang likuran. Tila pawis na pawis, namumutla at nanghihina. Nilapitan ng grupo si Margo.
"Ayos ka lang ba, Ate Margo?" Pag-aalala ni Quo.
"May problema ba, Margo?" tanong din ni Karen.
"Ayos... lang... ak..." Biglang natumba si Margo.
"M-Margo!" Labis na pag-aalala ng kaniyang mga kasama. Agad na inalalayan nina Karen at Quo si Margo.
"Margo, gumising ka!" Yugyog pa ni Karen sa balikat ni Margo.
"Ate Margo! Ate Margo!" Inilapat ni Quo ang kaniyang palad sa noo ni Margo. "Ang taas ng lagnat niya!"
"Ano?" Inilapat din ni Karen ang palad niya sa noo ni Margo. "Oo nga, nilalagnat siya!"
Tumindig si Quo at ipinadyak-padyak ang mga paa sa lupa. "Dali, sumunod kayo sa akin, may alam akong matutuluyan."
Nagtungo ang grupo sa isang kalapit na bahay, dito ay agad naman silang pinapasok ng isang matandang lalaki at babae—sila ang mag-asawang nakakita kay Quo sa dalampasigan, dalawang buwan na ang nakalilipas.
Mapuputing buhok at balbas, basag ang mga tinig at simpleng kasuotan, ganiyan nadatnan ng grupo ang mag-asawa na halos nakapikit at labis ang pagkakakulubot ng balat dahil sa sobrang katandaan.
Bagama't walang mga naging supling ay pansamantalang kinupkop ng mag-asawa si Quo. Ilang araw ding tumagal si Quo sa pangangalaga ng mag-asawa hanggang sa malaman ng mga residente na isang glitch si Quo at tinutugis siya ng mga white program ni Lucile, ikinatakot nila iyon, kung kaya't, labag man sa loob ng mag-asawa ay napilitan silang paalisin si Quo, dahil na rin sa udyok ng mga ilang mga mapanghusgang mamamayan. Pinalayas si Quo sa bayan ng Zelna at nagsimulang mamuhay mag-isa.
***
Kasalukuyang naghihintay sina Karen, Justine at Quo sa sala, kasama ang matandang lalaki. Ilang sandali pa't lumabas naman ng silid ang matandang babae. Nakangiti itong umupo sa tabi ng matandang lalaki. "Nagpapahinga na ang dalawa niyong kasama... mataas ang lagnat ng kaibigan nyong babae. Mukhang napagod siya ng husto," bakas sa kaniyang tinig ang labis na katandaan.
BINABASA MO ANG
Summoner's Grid 1: Rise of the Programs
AdventureTaong 2154 nang muling sumibol ang panibagong pagbabanta sa pagkaubos ng lipi ng mga tao. Sundan sina Karen at Justine sa kwento ng kanilang pakikipagsapalaran upang iligtas ang Grid.