Sinisikap ng sundalong si Alfonso dela Merced na matulog subalit napaka-ingay ng kanyang paligid. Sa tantiya niya ay tatlong oras nalang ay sisikat na ang araw at nais niyang matulog ng kahit isang oras manlang para makapagpahinga siya. Ang problema ay hindi siya makatulog dahil sa ingay ng tren na kinasasakyan niya. Isang sundalo si Alfonso na naglilingkod sa mga Espanyol. Ang kanyang ama ay isa ring sundalong Espanyol at ang kanyang ina naman ay isang Filipina. Namatay ang kanyang ama nung siya ay bata pa kung kaya't mag-isa lamang siyang pinalaki ng kanyang ina. Naisipan rin niya na maging isang sundalo kagaya ng kanyang ama upang matutunan niya kung paano niya maprotektahan ang kanyang ina at ang kanyang magiging pamilya. Sa kalagitnaan ng kanyang paglilingkod ay inatake ng mga sundalong Amerikano ang kanilang maliit na hukbo at siya at ang ilan sa kanyang mga nakaligtas na kasamahan ay dinakip ng mga Amerikano at binabalak nilang dalhin sila sa lungsod ng Maynila upang doon sila ipiit.
Sa isip ni Alfonso, ayaw niyang mapunta sa piitan at magdusa sa kamay ng mga banyagang Amerikano. Sa kanilang hukbo ay sampu silang nadakip ng mga Amerikano. Dalawa sa kanila ang mga nakatakas bago pa man umusad ang tren at hindi maiwasang mainggit ni Alfonso sa dalawa niyang nakatakas na kasamahan dahil malaya na sila. Kinausap niya ang pito sa nalalabi niyang mga kasama at sila naman ay desididong huwag mag-alsa dahil baka kitilin sila ng mga Amerikano. Sa wari nila ay mas maganda nalang daw ang tumakas sa bilangguan kaysa sa tumakas sa isang gumagalaw na tren. Naisipan ni Alfonso na ayaw niyang mapiit sa bilangguan kung kaya't naisipan niyang tumakas habang gumagalaw ang tren. Pinagmasdan niya ang kanyang mga kasama at halos lahat sila ay mahimbing na natutulog. Ang ilan sa mga lampara ay napatay na dahil naubos ang mga kandila sa loob kaya't mas madali para sa kanya na makatakas ng palihim. Malapit lang ang kanyang kinaroroonan sa nakabukas na bintana kaya't wala siyang sinayang na oras at sumampa siya sa bintana, pagkatapos ay tatangkain niya sanang tumalon mula sa tren ngunit mayroong humila sa kanya at ibinalik siya sa loob ng tren.
Nanigas siya at lumingon sa taong humila sa kanyan at nakita niyang ito pala ang kanyang kasamahan na si Leon. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo Alfonso?" pabulong na tanong ni Leon sa kanya. "Gusto kong tumakas, Leon. Ayokong pumunta sa Maynila."
"Kung gusto mong tumakas sa pamamagitan ng pagtalon mula sa bintana ng tren, papaano mo naman masisiguro na makakaligtas ka? Tignan mo ang paligid sa labas at puro kagubatan lang ang iyong makikita. Walang mga bahay at kung walang mga bahay ay walang makakatulong sa iyo."
"Kaya kong mabuhay sa loob ng gubat ng mag-isa at sa pagkaka-alam ko ay malapit tayo sa lugar ng Sta. Anna. Maari akong maglakad ng ilang oras at matutuntun ko ang bayan na iyon. Kung gusto mo ay sumama ka sa akin, Leon. Tumakas tayo at magsimula tayong muli sa Sta. Anna. Liblib ang lugar na iyon at sa tingin ko ay hindi iyon matutuntun ng mga Amerikano." pangungumbinsi niya sa kaniyang kasama. Nag-aalanganin si Leon. Hindi niya masisigurado na makakaligtas sila ng buhay sa pamamagitan pa lamang ng pagtalon mula sa tren. Sa wari niya ay hindi magandang ideya ang basta lamang tumalon mula sa tren lalo na at hindi malambot ang lupa na babagsakan nila.
"May balak din akong tumakas, ngunit hindi sa lugar na ito. Kinabukasan ay makakarating tren sa lugar namin. Tiyak na titigil ang tren doon para bumili ang mga Amerikano ng mga pagkain. Doon ako tatakas at sa tingin ko ay mas mainam kung doon tayo tatakas. Itatago tayo ng mga kamag-anak ko mula sa mga Amerikano. Kapag naka-alis na ang tren mula sa lugar namin ay maaari kang maglakbay patungo sa Sta. Anna kung nais mo. Matulog ka nalang muna at magpahinga, Alfonso." Tinapik ni Leon ang kanyang braso at bumalik sa kanyang kinahihigaan. Tiyak na mas ligtas ang plano ni Leon ngunit hindi sumang-ayon si Alfonso sa planong ito.
Iniisip ni Alfonso na mahirap tumakas mula sa mga Amerikano kung nakatigil na ang tren. Mas madali silang mahahabol ng mga Amerikano. Tumingin siya kay Leon at nakita niyang nakatulog na ito. Tinakpan ni Leon ng kanyang sombrero ang kanyang mukha kaya nasisiguro ni Alfonso na hindi makikita ng kanyang kasama ang gagawin niyang pagtalon mula sa tren. Inayos ni Alfonso ang kanyang damit at tiniyak niyang nakatali ng mabuti sa kanyang leeg ang kwentas na ibinigay sa kanya ng kanyang ina bago siya sumampa muli sa bintana. Tumingin siyang muli kay Leon at ng matiyak niyang mahimbing na itong natutulog ay saka siya tumalon ng walang pag-aalinlangan.
Sa kanyang pagtalon ay tumama ang kanyang ulo sa isang naka-usling bato. Ininda niya ang sakit at kahit na pumipintig ang kanyang ulo mula sa sakit ay sinakap niyang tumakbo patungo sa kagubatan upang makalayo siya sa riles ng tren. Habang tumatakbo papalayo sa tren ay ipinagdarasal niyang sana ay walang mga mababangis na hayop sa loob ng kagubatan. Dahan-dahan na siyang naglalakad ng masiguro niyang nakalayo na siya mula sa tren. Habang naglalakad sa gitna ng kagubatan ay may naririnig siyang lagaslas ng tubig, sa tingin niya ay ang tunog na ito ay galing sa isang talon. Sinundan niya ang tunog ng tubig hanggang sa narating niya ang isang talon. Hindi naging madali para sa kanya ang maglakad-lakad sa kagubatan dahil sa madilim at ang tanging ilaw lamang ay nanggagaling mula sa buwan na kalahating-bilog pa lamang ang kutis kung kaya't hindi niya makita ng maayos ang kabuuan ng talon.
Dahil sa matinding pagod at uhaw ay uminom siya ng tubig mula sa talon at umupo siya sa isang bato sa gilid nito. Habang nagpapahinga ay naramdaman niya ang sakit ng kanyang ulo at ng hawakan niya ang parte na nauntog sa bato ay nagulat siya dahil mayroon itong dugo. Habang pinag-mamasdan niya ang dugo sa kanyang mga daliri ay hindi niya namalayan na unti-unti siyang nawawalan ng malay. Sa kanyang pagbagsak ay tumamang muli ang kanyang ulo sa isang bato.
BINABASA MO ANG
Ang Binibini At Ang Estranghero
Short StorySta. Anna, Pilipinas 1900 Sa isang talon sa gitna ng gubat ay natagpuan ng isang dalagang si Milagros ang naghihinalong sundalo na si Alfonso. Dahil sa angking kabaitan ng dalaga ay dinala niya ang wala ng malay na sundalo sa kanyang bahay at umaasa...