~Ang Sundalo~

8 2 0
                                    


Habang nililinisan ni Milagros ang mga galos sa iba pang parte ng katawan ng sundalo ay sinusubukan naman ni Tiya Saturnina na gawin ang kanyang makakaya para maging maayos ang sugatang ulo ng sundalo. Pagkalipas ng ilang minuto ay humahangos na pumasok sa silid si Manuel kasama ang bagong-gising na si Doktor Isko. Base sa hitsura ng doktor ay halatang bagong gising pa ito at nabulabog ang kanyang pagtulog. Ang kanyang mga butones ay hindi naibutones ng maayos, ang kanyang buhok ay mistulang pugad ng isang ibon at nakalimutan pa niyang magsuot ng pantalon.

"Nasaan ang pasyente at ano ang nangyari sa kanya?" tanong ng doktor habang inaayos niya ang kanyang salamin sa mata. Tumikhim naman si Tiya Saturnina at may inilahad siyang pantalon para sa Doktor. "Ayusin mo muna ang sarili mo bago mo gamutin ang pasyente. " nahihiya namang kinuha ni Doktor Isko ang damit at isinuot niya ito. Pagkatapos ay nilapitan niya ang sundalo at sinimulan niyang suriin ang kanyang mga sugat. 

"Milagros, pumunta ka na muna sa kusina at maghanda ka ng almusal. Manuel, ikaw naman ay inuutusan kong pumunta sa bahay ni Isko para kunin pa ang iba pang mga gamot at kagamitan na kailangan niya." utos ni Tiya Saturnina sa kanyang mga pamangkin. Umalis naman si Milagros sa silid at pumunta sa kanilang kusina para magluto ng almusal. Si Manuel naman ay bumalik sa bahay ni Doktor Isko para kunin ang mga gamot at gamit na pinapakuha niya sa kanya.

Pagkatapos suriin ni Doktor Isko ang mga sugat ng sundalo ay sinimulan na niyang gamutin ang mga sugat. Pagkatapos ng kanilang mabilisang almusal ay ibinuhos na nila ang kanilang atensiyon sa sundalo. Sa tulong ni Tiya Saturnina at ni Milagros ay natagumpayan nilang gamutin ang sugat sa ulo ng sundalo at ang mga iba pang sugat na nasa ibang parte ng katawan nito. Habang abala sa paggamot sa sundalo ang kanyang ate at tiya ay inasikaso na muna ni Manuel ang paghahanda ng kanilang hapunan. Sa hapong iyon ay napagdesisyunan nilang maghapunan sa silid ng sundalo. 

Nang masiguro ni Doktor Isko na wala na sa kritikal na kondisyon ang sundalo ay nagpa-alam na siya kina Milagros ay bumalik na siya sa kanyang bahay. Dahil sa naramdamang pagod ay napagdesisyonan ni Tiya Saturnina na magsiesta habang si Manuel naman ay pumunta sa kanilang kapitbahay upang magtrabaho. Si Milagros naman ang inatasan ni Tiya Saturnina na magbantay sa sundalo.  Naisipan ni Milagros na magbasa ng kanyang paboritong nobela habang nagbabantay siya sa sundalo. Hindi maiwasang maawa si Milagros sa sundalo habang pinagmamasdan niya ang kalagayan nito. Nakabalot ng benda ang ulo ng sundalo at maging ang kanyang braso at tiyan ay nakabalot din sa benda sapagkat may mga sugat pa siyang natamo mula roon. 

Iniisip ni Milagros na kaya siguro nila natagpuan ang sundalo sa gitna na kagubatan ay marahil tumakas ito mula sa mga kaaway. Hindi nga lang alam ni Milagros kung sino ang mga kaaway ng sundalong ito. Kung ang mga Amerikano ba o ang mga "rebeldeng" nakatira sa mga sulok ng kagubatan. Ang Sta. Anna ay isang lugar kung saan humihingi ng mga gamit at mga pagkain ang mga rebelde kaya hindi hinahayaan ng mga namumuno sa lugar na iyon na makapasok ang isang sundalo roon. 

Hindi alam ni Milagros kung ano ang iniisip ng kaniyang tiyahin ngunit alam naman niyang mapagkakatiwalaan si Doktor Isko at hindi niya ipagsasabi sa mga taong bayan na may sundalo na naninirahan sa kanilang tahanan. Ipinagdarasal nalang ni Milagros na sana ay hindi magiging isang problema ang sundalo pagkagising nito. Hinihiling niya na sana ay isang mabait na tao ang sundalo. 

Sinuri ni Milagros ang pisikal na hitsura ng sundalo at nasisiguro niyang hindi ito isang Pilipino. Masyado siyang matangkad kumpara sa normal na tangkad ng isang lalaking Pilipino, sa tantiya niya ay baka isa itong mestizo sapagkat hindi purong Espanyol ang pisikal na hulma ng kaniyang mukha. May bakas parin ng dugong Pilipino sa kanyang mukha. 

Nang ginagamot nila ang sundalo ay kinailangan nilang tanggalin ang kanyang uniporme upang mas masuri nila ang kanyang katawan. Ang kaniyang mga damit ay nakahalo na ngayon sa mga labadang lalabhan sana ni Milagros sa araw na iyon. Naisip ni Milagros na baka may mga bagay na nakalagay sa mga damit ng sundalo na maaaring makapagsabi sa kung anong klaseng tao ito. Kinuha niya ang mga damit mula sa labada at sinimulan niyang halungkatin ang mga bulsa nito. Ang kaniyang mga nakuha ay isang gusot-gusot na papel na sa tantiya niya ay isang liham, isang supot na naglalaman ng ilang mga barya, isang sedula, isang kantina ng tubig na wala ng laman, at isang litrato ng isang pamilya. 

Ang una niyang sinuri ay ang litrato. Sa litrato ay may isang magandang babae na may kandong na isang batang lalaki at sa tabi ng babae ay isang Espanyol. Ibinaliktad niya ang litrato upang makita kung may nakasulat sa likod nito at meron nga. "Alfonso a los dos años con mamá y papá." Sa tingin niya ay ang batang lalaki sa litrato ay ang sundalo at ang babae at lalaki ay ang kanyang mga magulang. Ang kanyang ina ay isang pilipina at ang kanyang ama naman ay isang Espanyol. Ngayon, nalaman na niya na ang sundalo ay nagngangalang Alfonso. 

Kinuha niya ang sedula at doon nga ay nakasulat ang buong pangalan ng sundalo. Ayon sa kasulatan ay ang kanyang pangalan ay Juan Manuel Alfonso Garcia dela Merced, at base sa kanyang nakalagay na araw ng kapanganakan ay siya ay dalawampu't anim na taong gulang pa lamang.  Siya ay galing sa isang baryo sa Cavite na siyang napakalayo mula sa Sta. Anna kaya mas nagtaka pa si Milagros sa kung paano nakadayo ang sundalong ito sa kanilang lugar. 

Nais niyang basahin ang sulat ngunit nirerespeto niya ang sundalo at ayaw niyang basahin ang isang sulat na masyadong personal at mahalaga sa kaniya. Kinuha niya ang mga gamit ng sundalo at maingat niyang inilagay ito sa isang bakanteng kahon at inilagay niya ito sa mesa na nasa tabi ng kama kung saan ito natutulog. Tumingin siya sa sundalo at nakita niyang nakakunot ang noo nito habang nakatulog. 

Nakita niyang kulang pa ang na nakabalot ng kumot ang katawan ng sundalo kaya mistula itong nilalamig. Malapit ng maging gabi kaya mas lalong lumamig ang paligid. Kumuha pa ng isang kumot si Milagros mula sa aparador at ibinalot niya ito sa sundalo. Nawala ang kunot sa noo ng sundalo ng makaramdam ito ng karagdagang init na inihatid ng kumot na ibinigay sa kanya ni Milagros. Dahil malapit na ang hapunan ay umalis na si Milagros sa silid ng sundalo upang magluto ng pagkain. Inutusan naman niya ang kararating lang na si Manuel na siya muna ang magbantay sa sundalo habang siya ay nagluluto. 



Ang Binibini At Ang EstrangheroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon