Pagkaraan ng ilang buwan mula ng sinagot ni Milagros si Alfonso sa pamamagitan ng isang liham, mas lumago ang kanilang pagiibigan atmas tumatag ito. Tuwang-tuwa naman ang pamilya ni Milagros sa kanilang pag-iibigan at hindi sila tumutol sa kanilang relasyon, bagkus, sinuportahan pa nila ito. Lagi namang tinitiyak ni TIya Saturnina na walang ginagawang hindi kaaya-aya sina Milagros at Alfonso. Kaya naman, tuwing sila ay lumalabas upang mamasyal o di kaya ay kapag nag-uusap lamang sila sa tahanan ng mga Dacanay ay laging nasa tabi lamang si Suling.
Hindi pa kanais-nas na tignan na ang isang babae at lalaki ay magkasama ng pribado ng hindi pa sila ikinakasal kaya iyon ginagawa ni Tiya Saturnina upang maproteksiyonan ang reputasyon nina Milagros at Alfonso. Lagi niyang pinapaalalahan ang magkasintahan na huwag hawakan ang isa't-isa ng pisikal, huwag maging masyadong magkalapit, dapat distansiya sa pagitan nilang dalawa palagi, at dapat may kasama sila kapag sila ay may pupuntahang lugar. Hindi naman naaasiwa sina Milagros at Alfonso na lagi silang may kasama dahil iyon ang nararapat talaga na gagawin nila.
Nang dumating ang mga araw kung kailan nag-uumpisa ng maghanda sa kasal ang pinsan ni Milagros ay kinailangan ng kanilang pamilya na lumuwas sa kanilang baryo upang tumulong sa mga preparasyon. Dahil wala silang ibang kamag-anak sa Sta. Anna ay naisip ni Tiya Saturnina na ipagkatiwala kina Doktor Isko at Alfonso ang kanilang tahanan at mga taniman. Dumating ang araw ng paglisan nina MIlagros kaya naman ay kasalukuyang nagpapa-alam ang dalaga sa kaniyang nobyo sa gilid ng kanilang hardin.
"Mahigit sa isang buwan siguro kaming mananatili sa tahanan nina Tiyo Saturnino, irog ko. Pinapangako ko na padadalhan kita ng mga liham at bibilangin ko ang mga araw upang maka-uwi rito at makita kang muli." ani ni Milagros.
"At sasagutin ko ang bawat liham na ipapadala mo sa akin, mahal ko. Nandito lamang ako, hihintayin kita sa harap ng iyong bahay sa araw na ika'y babalk muli. Ngayon, gumanyak ka na at sumakay ka na sa kalesa. Mahaba pa ang lalakbayin ninyo para marating ang bayan ng iyong tiyuhin. Mag-iingat ka lagi, mahal ko. Mahal na mahal kita." sambit ni Alfonso pagkatapos ay nginitian niya ang dalaga at iginaya niya ito palabas ng bahay.Hindi umalis si Alfonso sa tapat ng kasada hanggang sa hindi na niya matanaw sa kalayuan ang kalesang naglululan kay Milagros. Sa mga sumunod na linggo ay nahati sa dalawa ang kaniyang trabaho kaya't lagi siyang pagod at wala na siyang natirang oras para sa kaniyang sarili. Pagkatapos ng kaniyang trabaho kay Doktor Isko ay dumidiretso agad siya sa taniman nina Milagros upang pangasiwaan ang pag-aani ng mga pananim na bigas. Tumutulong siya sa mga trabahador at sinisiguro niya na maganda ang takbo ng pag-aani. Siya rin ang namahala sa pagbibigay ng sahod sa mga trabahador at sa pagbebenta ng mga naani. Siniguro niya na ang perang nakuha mula sa ani ay nakatago sa loob ng lamesa na nasa kuwarto kung saan siya namalagi noon. Lagi niyang kinukuwenta ang mga salapi at sinisiguro niyang maayos ang kaniyang ginawang pamamalakad upang hindi madismaya sa kaniya si Milagros at ang kaniyang pamilya.
Samantala, ilang liham na ang ipinadala ni Milagros kay Alfonso sa loob ng tatlong linggo subalit ni isang tugon mula sa kaniyang nobyo ay wala siyang natanggap. Ang mga liham na natatanggap nila mula sa Sta. Anna ay galing lamang kay Doktor Isko at si Tiya Saturnina lamang ang nakakabasa nito. Nalulungkot ang dalaga dahil nangako si Alfonso na tutugunan niya ang kaniyang mga liham subalit hanggang ngayon ay wala siyang natanggap. Ang pagdiriwang lamang ng kasal ni Maria ang siyang nagbibigay ng saya sa kaniyang puso. Ito lamang ang bagay na umaabala sa kaniyang isipan upang hindi niya masyadong pag-isipan ang mga bagay-bagay na dahilan ni Alfonso kaya hindi siya sumasagot sa liham nito.
Ilang araw matapos ang kasal ay napansin naman ni Maria ang malungkot na mga kilos ni MIlagros. "Mila, kay ganda ng araw ngayong umaga, subalit, bakit nakikita ko na may lungkot sa iyong mukha?"
HIndi naman inaasahan ni Milagros na tanong siya ng ganoon ni Maria. Ngumiti naman siya ng malapad kay Maria. "Maria, hindi naman ako malungkot. Ayos lamang ako. Ikaw? Kamusta ang buhay ng may asawa?" balik-tanong niya upang mabaling kay Maria ang usapan.
"Masaya naman, sinabi ko na sa iyo kung ano ang mga naramdaman ko kahapon. Ikaw naman ang magkuwento sa akin. Halika, doon tayo mag-usap sa may asotea." hinigit ni Maria ang kaniyang braso at pumunta sila sa may asotea. Pagka-upo nilang dalawa ay ipinagpatuloy ni Maria ang kaniyang mga naudlot na sasabihin. "Noong nakaraang linggo ko pa napapansin na malungkot ka at para bang lagi kang may hinihintay na bagay na dumating. May nangyari ba sa Sta. Anna bago kayo pumunta rito?"Napahinga ng malalim si Milagros at inisip niya na mas mainam nalang na sabihin ang totoo kay Maria. Hindi na niya maiwasan ang mga tanong ng kaniyang pinsan at maganda rin na mailabas niya ang kaniyang mga saloobin. "Nalulungkot ako kasi hindi sinasagot ni Alfonso ang mga liham ko. Bago kami pumunta rito, nangako siya na sasagutin niya ang mga liham ko. Iniisip ko na baka nakalimutan na niya ako, na baka may nakita na siyang iba sa Sta. Anna magmula ng umalis ako kaya hindi na niya ako sinasagot." naiiyak na sambit ni Milagros
"Mila, huwag kang mag-isip ng ganiyan, sa mga kuwento mo sa akin sa iyong mga liham, naiisip ko na isang mabait na tao si Alfonso at siya ay tapat sa iyo. Hindi ba't noon ay marami silang pinupuntahan ni Doktor Isko na bayan ngunit ikaw parin ang nililigawan niya? Baka ang rason kung bakit hindi ka niya masagot ay dahil abala siya sa inyong taniman. Hindi ba't panahon ng pag-aani noong umalis kayo?" pag-aalo ni Maria kay Milagros na ngayo'y lumuluha na. Pinunasan naman ni Milagros ang kaniyang mga luha at tumango sa sinabi ni Maria. "Marahil tama ka, Maria. Siguro ay abala nga siya sa aming taniman kaya hindi niya masagot ang aking mga liham." ngumiti naman si Maria ng makitang umaliwalas ang mukha ni Milagros.
Kinabukasan ay nagpaalam na sila sa isa't-isa. Niyakap ni Milagros si Maria at nangako na susulatan niya lagi ang kaniyang pinsan. Sa daan patungo sa Sta. Anna ay hindi parin maiwaksi sa isipan ni Milagros ang posibilidad na baka may nahanap ng iba si Alfonso. Ang kaniyang magagawa lamang ay umasa na may maayos na dahilan si Alfonso kung bakit hindi niya masagot ang kaniyang mga liham at sana, hindi pa siya pinapalitan ni Alfonso sa kaniyang puso't-isipan.
BINABASA MO ANG
Ang Binibini At Ang Estranghero
Short StorySta. Anna, Pilipinas 1900 Sa isang talon sa gitna ng gubat ay natagpuan ng isang dalagang si Milagros ang naghihinalong sundalo na si Alfonso. Dahil sa angking kabaitan ng dalaga ay dinala niya ang wala ng malay na sundalo sa kanyang bahay at umaasa...