Bakas sa mukha ni Alfonso ang pagkagulat nang mariinig niyang nasa labas ng tahanan ng kaniyang nobya ang kaniyang kaibigang sundalo na si Leon. Matagal ng panahon ang lumipas nang huli niya itong makita sa loob ng tren kung saan siya tumakas noon. Nababahala siya sa kung ano ang dahilan ng pagdayo ng kaniyang kaibigan sa Sta. Anna.
Nais niyang kausapin si Leon sa labas ng tahanan ng mga Dacanay kasi nahihiya siya na sa loob sila mag-uusap. Hindi kilala ng mga Dacanay ang kaniyang kaibigan at hindi niya tahanan ang tahanan nila kaya siya nahihiya. Subalit, naging mapilit si Tiya Saturnina kaya sa loob nalang sila mag-uusap nina Leon. Nang matapos magpakilala nina Leon kina Milagros ay nagpa-alam na si Tiya Saturnina na papanhik na siya sa kaniyang silid dahil pagod na siya at inaantok. Isinama ni Tiya Saturnina si Milagros sa kaniyang pag-alis sa sala. NIlingon muna ni Milagros ang kaniyang nobyo bago siya sumunod sa kaniyang tiyahin.
Nginitian naman ni Alfonso ang kaniyang nobya na para bang nagpapahiwatig na huwag mag-alala ang dalaga para sa kaniya. Ngumiti naman ang dalaga pabalik bago na sila tuluyang umalis ng kaniyang tiya sa sala.
Nang maiwan na sa sala ang mga kalalakihan ay hindi na natiis ni Alfonso na tanungin si Leon kung ano ang pakay nito sa kaniya.
"Leon, ano ang ginagawa niyo rito? Kay tagal na nung huli kitang nakita, nakatakas ka rin ba noon mula sa mga Amerikano?""Oo Alfonso, kagaya mo'y nakatakas rin ako sa mga Amerikano. Nang makatakas ako ay pumunta ako sa aking pamilya at itinago nila ako sa aming bahay. Maraming mga nagbago noong bumalik ako sa aming barrio. Ang aking mga kakilalang kalalakihan ay nagtungo sa mga gubat at sumali sa mga rebelde. Hindi sila sang-ayon sa presensiya ng mga Amerikano sa ating bansa. " nagpintig naman ang tenga ni Alfonso sa pagbanggit ni Leon sa salitang 'rebelde'. May mga usap-usapan siyang naririnig mula sa mga baryong pinupuntahan nila ni Doktor Isko noon na may mga rebeldeng nagtatago sa mga gubat na siyang tinutuligsa ng mga Amerikano. Ito ang dahilan kung bakit napapadpad ang mga Amerikano sa mga mas liblib pang pook na malayo sa Maynila.
"Alfonso, kasali kami ni Berto sa samahan ng mga nag-aalsa laban sa mga Amerikano. Sinikap naming magpunta rito, upang hanapin ka. Hindi ako sigurado noon na nabuhay ka noong nagkahiwalay tayo mula sa tren. Pero isang araw, nakita kita sa aming baryo, kasama mo si Doktor Isko at nakumpirma ko na natuloy ang plano mo na manirahan dito sa Sta. Anna. Narito kami para hingin ang iyong mga tulong." nagsusumamong pakiusap ni Leon. Si Berto naman ay abala sa pakikipag-usap kay Doktor Isko sa isang sulok ng silid.
Ipinagpatuluy pa ni Leon ang kaniyang pagkukuwento. Ang kaniyang naging buhay sa gubat, ang kaniyang desisyon na iwan ang kaniyang pamilya upang hindi sila madamay sa kaniyang gulo. Aniya'y nakontento nalang daw siya na pagmasdan ang kaniyang asawa't anak mula sa malayo dahil ang kaniyang ginagawa ay para sa kanilang kinabukasan. Sa puntong iyon ay alam na agad ni Alfonso ang kaniyang isasagot kay Leon. Alam niyang ayaw niyang maging rebelde kagaya ni Leon dahil ayaw niyang iwan si Milagros. "Alfonso, nais ko na sumama kayo ni Doktor Isko sa amin. Magaling kang makipaglaban at humawak ng baril, marami kang mapapatumbang mga Amerikano sa iyong kakayahan. At si Doktor Isko, marami siyang magagamot na mga sugatang kasama natin. Isipin mo Alfonso, para sa kinabukasan ng bayan ang ating gagawin." pangungumbinsi ni Leon.
Umiling naman si Alfonso. "Pagpasensiyahan mo na ako, kaibigan, ngunit hindi ko maibibigay ang hinihiling mo. Hindi ko kayang iwan ang aking nobya. Naiintindihan ko at sinusuportahan ko ang ginagawa niyo sa aming bayan, subalit hindi ko alam kung nais kong sumali pa sa gulo." bumagsak naman ang balikat ni Leon ng marinig niya ang naging tugon ng kaniyang kaibigan. "Hindi ko na ba mababago ang iyong isipan, Alfonso?" muli'y umiling si Alfonso bilang tugon. "Hindi na."
Bumuntong hininga naman si Leon. "Kung gayon, sana'y mapapayag naman kita sa aking pangalawang hiling. "
"Ano iyon?" tanong ni Alfonso
"Nangangailangan kami ng mga manggagamot para sa mga kasamahan naming nasugatan noong nakaraan. Kailangan namin ang tulong niyo ni Doktor Isko kaya kami naparito."
Inisip ni Alfonso na maaari siyang pumayag dito kung papayag si Doktor Isko. "Papayag ako na tumulong, kapag papayag si Doktor Isko. " ngumiti naman si Leon sa kaniya. "Maraming salamat, kaibigan."Nilapitan nila sina Doktor Isko at Berto at sila'y nag-usap. Si Manuel naman ay kasalukuyan ng nakaidlip sa kaniyang upuan dahil wala siyang kausap, naroon lamang siya upang samahan ang kaniyang mga bisita. Pumayag naman si Doktor Isko na tumulong kina Leon. Dahil kailangan na kailangan ng grupo nina Leon ang tulong nina Doktor Isko ay ipinabatid din ni Leon na kailangan nilang lumisan sa gabing iyon. Ikinabahala naman ni Alfonso na lilisan agad sila. Kakarating lamang ni Milagros mula sa isang buwan nilang pananatili sa kaniyang pinsan at hindi rin siya makakapagpa-alam ng maayos ngayong gabi dahil alam niyang mahimbing ng natutulog si Milagros.
Si Doktor Isko naman ay nais maka-usap si Tiya Saturnina. Kaya naman ay ginising niya si Manuel upang kunin ang kaniyang Tiya at Ate upang makapag-paalam sila ng maayos. Pagbalik ni Manuel ay kasama niya si Tiya Saturnina na halatang hindi maganda ang timpla ng kaniyang mukha dahil naistorbo ang kaniyang gising. Kasunod naman nila si Milagros na halatang inaantok na. Kaagad namang nag-usap sina Tiya Saturnina at Doktor Isko sa may sulok ng sala. Si Alfonso naman ay lumapit kay Milagros at iginiya niya ang dalaga patungo sa may asotea.
Doon ay ikinuwento niya sa dalaga ang mga ikinuwento ni Leon sa kaniya hanggang sa makarating siya sa punto na kailangan na nilang umalis sa gabing iyon. Bakas ang pagkalungkot sa mukha ni Milagros ng sabihin ni Alfonso na pumapayag siyang sumama kina Leon. "Alam kong nais mong tumulong, irog ko, kaya hindi kita pagbabawalan na sumama sa kanila. Mag-iingat ka palagi, mahal ko. Hindi natin alam kung ano ang mga bagay na naghihintay sa inyo roon."
"Nangangako ako, mahal ko, na babalik ako rito at mag-iingat ako palagi. Hindi ako sigurado kung ilang araw ako mawawala dahil malayo pa ang lalakbayin namin. Gayunpaman ay nangangako ako na babalik, babalikan kita, mahal ko. At sa aking pagbabalik, papakasalan kita." tuluyan ng naluha si Milagros sa sinabi ni Alfonso. "Nais mo akong pakasalan?" hindi makapaniwalang tanong ng dalaga. "Magmula nung araw na tinanong kita kung nais mo ba na ligawan kita, ninanais ko rin na pakasalan ka." nakangiting sagot ni Alfonso. "Kung gayun, aasahan kong aalalahanin mo ang iyong pangako, Ginoong Alfonso, dahil maghihintay ako rito. Palagi kang mag-iingat." sambit ni Milagros at hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na yakapin ang binata. Niyakap din siya ng mahigpit ni Alfonso.
Pagkatapos nilang magpa-alam sa pamilya Dacanay at nagpunta sila sa bahay ni Doktor Isko upang kunin ang mga kagamitan na kakailanganin nila. Nang makuha nila ang mga gamit ay naglakad na sila patungo sa kagubatan upang doon sila maglakbay patungo sa kuta nina Leon. Habang papalayo ay sinulyapan muli ni Alfonso ang baryo ng Sta. Anna at nangako siya sa kaniyang sarili na babalik din siya sa baryong iyon.
BINABASA MO ANG
Ang Binibini At Ang Estranghero
Kısa HikayeSta. Anna, Pilipinas 1900 Sa isang talon sa gitna ng gubat ay natagpuan ng isang dalagang si Milagros ang naghihinalong sundalo na si Alfonso. Dahil sa angking kabaitan ng dalaga ay dinala niya ang wala ng malay na sundalo sa kanyang bahay at umaasa...