ABOT hanggang langit ang ligaya ni Don Morte habang nakikipaghabulan sa mga kalaro. Nang mahabol siya ng mga ito, siya naman ang naging taya. Masigla niyang hinabol ang mga kasama habang nagtatawanan at nagsisigawan. Ganoon sila kasaya.
Isang oras ang nagdaan bago natapos ang laro nilang habulan. Nagpahinga muna sila sa isang puno saka nagpunas ng pawis. Nakaangat pa ang kanilang ulo habang nilalanghap ang sariwang hangin.
"Ano na'ng gagawin natin n'yan?" tanong ni Don Morte sa mga kasama.
"Sama ka na lang sa amin mamaya. May pupuntahan tayo," sagot sa kanya ng isa.
"Saan naman?"
Hindi na ito sumagot. Bigla na lang silang tumayo at nagsitakbuhan muli. Kahit medyo masakit pa ang paa, pinilit na ring tumayo ni Don Morte para humabol sa mga ito.
Nakarating sila sa isang kuweba sa bandang dulo ng kagubatang iyon. Habang pumapasok sila sa loob, unti-unti silang nilalamon ng dilim.
Hanggang sa bigla na lang magising si Don Morte. Doon niya napagtanto na isang panaginip lang ang lahat.
Bumangon siya sa pagkakahiga sa kama at luminga-linga sa paligid. Napakadilim ng silid niya. Maraming gamit pero walang tao maliban sa kanya.
Sinubukan niyang sumilip sa bintana. Halos mabingi siya sa labis na katahimikan. Tanging tibok lang ng puso niya ang maririnig sa mga oras na iyon.Tahimik na tahimik sa kalsada. Wala ring mga gusali roon o kahit anong ilaw. Ang tanging meron lang doon ay mga patay na puno at malawak na lupain.
Matagal nang naninirahan si Don Morte sa mundong iyon nang mag-isa. Ang tanging kasama lang niya roon ay ang tinutuluyang bahay na hindi niya alam kung saan nagmula at kung kailan itinayo. Basta ang alam lang niya, nang mabuhay siya sa mundong ito ay nandoon na ang bahay na iyon.
Lumabas siya at muling tumakbo mag-isa. Ini-imagine niya na kunwari ay may mga kalaro siya gaya ng napanaginipan niya kanina.
Napakalungkot ng buhay niya. Kung puwede lang sana siyang lumikha ng mga nilalang na makakasama niya roon. Nais niyang matupad ang kanyang panaginip na may mga kalaro siya at masaya silang lahat.
Ngunit paano?
BINABASA MO ANG
Dead Man's Web [Horror Story Collection]
HorrorPaano kung isang araw malaman mo na ang buhay mo ay isa lamang malaking bangungot?