ISANG misteryosong sakit ang kumakalat sa buong bayan ng Sta. Barbara. Lahat ng dinadapuan ay inaapoy ng lagnat, nangangasul ang bibig, leeg at mga daliri, nalalagasan ng buhok sa buong katawan at nagtatae ng asul na likido.
Mabagsik at mailap ang naturang sakit. Walang makapagsabi kung saan ito nagmula at kung paano dumadapo sa mga tao.
Kaya naman ang lokal na gobyerno, napilitang isara ang kanilang bayan upang walang makalabas at makapasok doon. Sa ganoong paraan na lang nila susubukang pigilan na kumalat ang sakit sa iba pang mga bayan.
Nagsimula ito noong nakaraang linggo kung saan mahigit sampung katao ang naitalang nagkasakit nito. Subalit ngayon ay pumapalo na sa limang daan ang mga dinadapuan. Kada araw ay parami pa ito nang parami.
Hindi na malaman ng gobyerno kung ano ang kanilang gagawin. Mabuti na lang at may sarili silang ospital doon kaya hindi na kinakailangang bumiyahe sa ibang lugar.
Subalit sa dami ng mga nagkakasakit, napupuno na ang ward ng naturang ospital. Ang iba nga, sa mga paaralan na lang dinala at ginamot.
Maging ang mga duktor ay hindi malaman kung ano ang sakit na ito. Puro mga treatment at pain killers lamang ang naibibigay nila sa mga pasyente. Subalit batid nilang hindi rin iyon sapat para masugpo ang mapaminsalang sakit.
Lalo na't hindi pa rin tumitigil ang pagkalat nito. Marami pang mga residente ang naaapektuhan at nasisira ang buhay dahil dito. Tuluyan na nga itong naging epidemya sa kanilang lugar.
Dahil sa kakaibang sintomas na dumadapo sa mga biktima, tinawag nila itong Blue Death. Ang mga dinadapuan kasi nito ay karaniwang nangangasul ang mga labi at daliri. Kapag lumala ay naglalabas sila ng dumi na kulay asul, at doon na mamamatay ang pasyente.
Isa ang asawa ni Aling Beth na si Mang Dencio sa mga dinapuan ng sakit. Hindi nila ito madala sa ospital dahil siksikan na rin ang mga pasyente roon. Pati sa mga iskuwelahan na pansamantalang ginawang treatment facility ay punuan na rin.
Buti na lang, may ilang mga duktor na nagboluntaryong bumisita sa bawat kabahayan para magsagawa ng libreng gamutan. At isa ang bahay nila sa mga napuntahan.
Ilang araw nang ginagamot si Dencio ngunit wala pa ring pagbabago sa kalagayan nito. Palala pa iyon nang palala.
Noong una, inaapoy lang ito sa lagnat. Ngunit di nagtagal, unti-unti nang nangasul ang bibig nito. Kumalat iyon hanggang sa leeg, daliri, ilalim ng kili-kili at mga palad.
Ngayon naman, unti-unti na rin itong nalalagasan ng buhok at balahibo sa katawan. Daig pa nito ang nagpa-chemotherapy. Nanunuyot na rin ang mga balat nito na parang mapupunit kung hindi hahawakan nang mabuti.
Tuluyang bumagsak ang katawan ni Mang Dencio. Hindi na ito makatayo at makapagsalita. Nagagawa pa nitong dumilat pero hindi na rin gumagalaw ang kalahati ng katawan. Nagmistulang lantang gulay na ito.
Awang-awa si Aling Beth sa kalagayan ng asawa. Napaiyak na lang siya sa isang tabi habang nakayakap sa kanya ang nag-iisang anak na si Jonjon. Maging ang binata ay hindi rin mapigilang maiyak sa kalagayan ng ama.
Nagpaalam na ang duktor sa kanila at sinabing babalik na lang bukas para sa susunod na session ng gamutan. Nagpunta naman ito sa kasunod na bahay para manggamot.
Upang pigilan pa ang pagkalat ng sakit, nagpatupad ng lockdown ang kanilang pamahalaan. Wala nang puwedeng lumabas ng bahay maliban lamang sa mga duktor. At kung kinakailangang lumabas, nire-require ang lahat na magsuot ng face mask at protective gears sa ulo.
Hindi sigurado ang mga eksperto kung airborne ba ang Blue Death virus. Kaya para makasigurado, sa ganoong paraan na lang nila idinaan ang pagsugpo sa sakit. Umaasa silang mababawasan ang bilang ng mga nagkakasakit sa ganitong setup.
BINABASA MO ANG
Dead Man's Web [Horror Story Collection]
HorrorPaano kung isang araw malaman mo na ang buhay mo ay isa lamang malaking bangungot?