NAKABUBULAG ang kadiliman. Walang marinig si Rafael kundi ang tibok ng kanyang puso. Sa madilim at maputik na daan, naghahampasan ang mga puno gawa ng malakas na ihip ng hangin.
Hindi niya alam kung nasaan siya, at kung nasaan na ba siya. May patutunguhan ba ang direksyong tinatahak niya? Paano ba siya napunta roon? Para bang bigla na lang siyang lumitaw sa mundo at nandoon na agad siya.
Sa kalagitnaan ng paglalakad, naramdaman na lang ni Rafael ang pagtaas ng balahibo at ang pag-akyat ng kaba na hindi niya maipaliwanag. Bumalot ito sa buong katawan niya, halos hindi na siya makahinga.
Sa di kalayuan, bumungad ang isang nilalang na lagpas sa puno ang haba, may apat na kamay, mapupulang mga mata at mabalasik na kaanyuan.
Nagsimulang magwala ang kanyang puso nang mapagtantong nakatanaw ito sa kanya, at ngayo'y papalapit na sa kinaroroonan niya!
Kumaripas ng takbo si Rafael sa dinaanan niya kanina. Hindi na niya alintana ang mga putik na nagtalsikan sa pantalon. Ang mahalaga sa kanya ay makaalis sa lugar na iyon.
Lalo pang kumabog ang kanyang dibdib nang isa-isang magkaanyo ang bawat puno sa paligid at tumitig lahat sa kanya. Dagdag pa ang maputik na daan na tila nagkaroon ng buhay at biglang huminga.
Hindi na napigilang sumigaw ni Rafael. Mangiyak-ngiyak siyang umusal ng dasal sa isip habang tumatakbo. Nanginginig ang mga labi niya at halos kapusin na siya sa hininga. Pero hindi siya puwedeng huminto sa pagtakbo. Hangga't may daan, kailangan niyang tumakbo.
Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang tuluyang bumangon ang mga putik sa lupa. Nagsama-sama ang mga ito hanggang sa makabuo ng isang nilalang na mas malaki pa sa kanya.
Nanlaki ang mga mata ni Rafael. Sa pagkakataong iyon ay nadapa siya at hindi na nakagalaw. Yumuko ang nilalang at nilamon siya nang buo. Ang naghihingalong sigaw ni Rafael ay umalingawngaw sa buong paligid.
Hanggang sa unti-unting sumapit ang umaga, at makikita si Sally na namumugto ang mga mata sa kalagitnaan ng trabaho.
"Oh, ano'ng problema, friend? Bakit hindi yata maganda ang gising mo?"
"Alam mo na," matipid na sagot ni Sally habang kaharap ang computer.
"Naku, kung ako sa 'yo magpatingin ka na sa psychiatrist! Hindi na maganda 'yan kung paulit-ulit mong nararanasan!" anang kaibigan niyang si Lisa.
"Ano'ng akala mo sa 'kin? Baliw?"
"Bakit, mga baliw lang ba ang puwedeng magpatingin sa duktor? Sally, you need medical help. Alam mo bang malapit ka nang matanggal sa trabaho mo dahil d'yan?"
Biglang umurong ang dila ni Sally. Naalala niya ang mga kapalpakang nagawa sa opisina dahil sa gabi-gabing bangungot na bumabagabag sa kanya.
Pagkatapos ng trabaho ay hindi napigilang mapaiyak ni Sally. Hanggang kailan ba siya magiging ganito?
Biglang may humawak sa balikat niya. Nagulat siya noong una pero nang masilayan ang maamong mukha ni Joshua ay agad humupa ang takot niya. "Josh, nand'yan ka pala."
"Bakit umiiyak ka na naman? Ano ba'ng problema?"
"Ah, w-wala ito. Medyo stress lang ako."
"Huwag kang mahiya na magsabi sa akin. Alam ko ang pinagdadaanan mo dahil nabanggit sa 'kin lahat ni Lisa. Alam mo, kung kailangan mo ng makakausap bukod sa best friend mo, nandito lang ako. Huwag kang matakot sa akin."
"Salamat, Josh. G-gusto mo bang kumain muna bago umuwi?"
"Sure sige!"
Nagsalo ang dalawa sa isang restaurant na madalas puntahan ni Sally kung saan puro lutong bahay ang mga putahe. "Dito ako madalas kumakain lalo na kapag bagong sahod. May kamahalan nga lang ang mga pagkain nila pero masasarap naman kaya sulit na sulit din."
BINABASA MO ANG
Dead Man's Web [Horror Story Collection]
رعبPaano kung isang araw malaman mo na ang buhay mo ay isa lamang malaking bangungot?