"HELLO idol. Kung nasaan ka man ngayon, sana okay ka lang. Kasi ako, hindi na maganda ang pakiramdam ko. Bawat araw na lumilipas, wala pa ring pagbabago. Hanggang ngayon, sa imahinasyon lang kita nakakasama. Kailan ba kita makikita sa personal? Kailan ba kita mahahawakan? Lahat iniwan ko na para sa 'yo. Ang sarili ko, ang kinabukasan ko, pati ang relihiyon ko. Ikaw na ang tinuturin kong mundo. Ikaw na ang kinikilala kong Diyos. Kaya sana naman, pagbigyan mo ang hiling ko. Pagbigyan mo ang palagi kong ipinagdarasal sa 'yo. Sana magkita na tayo. Baka sakaling bumalik pa ako sa dati."
Pagkatapos itong isulat ni Mark Neil sa papel dinikit niya ito sa pinto ng kanyang kuwarto. Buong paligid ng bahay nila ay nababalutan ng mga poster ng rock singer na si Ron Crowley.
Pati mga picture frame nila ng pamilya na nasa kuwarto ay pinalitan niya ng mukha ng idolo para lagi raw silang magkatabi at magkasama.
Mula paggising, hanggang sa pagligo, maging sa pagtulog ay katabi ni Mark Neil ang cellphone at walang kasawa-sawa sa pakikinig sa mga kanta ng lalaki.
Tila ba buong kaluluwa niya'y isinuko na niya sa taong hindi naman siya kilala.
Sa lakas ng tugtugan niya sa kuwarto ay kinalampag ng nanay niyang si Fely ang pinto. Ito na lang ang nag-iisang kasama niya sa buhay dahil matagal nang namayapa ang ama niya. Nag-iisang anak lang din siya.
"Bakit ba?" galit na bungad niya pagbukas sa pinto.
"Anak, hinaan mo naman 'yong speaker mo at natutulog na ang mga tao! Pati 'yong pinapanood ko sa baba hindi ko na marinig!"
"Huwag mo muna akong istorbohin hindi ko madama 'yong pinakikinggan ko!"
"Aba! Huwag mo nga ako pagtaasan ng boses nanay mo 'ko!"
"Bakit pa kasi kayo pumasok dito wala naman kayong importanteng sasabihin! Iniistorbo n'yo ako, eh!"
"Bakit, hindi ka na puwedeng masabihan ngayon? Mahirap bang hinaan ang pinapatugtog mo para hindi mabulabog ang mga natutulog na kapitbahay? Alam mo sumosobra ka na sa idol mong 'yan! Dahil d'yan nasira ang pag-aaral mo! Hindi ka naka-graduate at hanggang ngayon hindi ka makapagtrabaho dahil d'yan! Isang sagot mo pa sa akin itatapon ko lahat ng mga pinagdidikit mo rito sa bahay pati 'yang mga CD mo!"
Sa inis ni Mark Neil ay sinarado niya ang pinto at nagbingi-bingihan sa muling pagkatok ng ina.
Dahil sa pagka-badtrip ay pinatay muna niya ang tugtugan at sumandal sa headboard ng kama. Muli na namang naglaro sa isip niya ang mga nangyari kung paano siya nahinto sa pag-aaral at hindi naka-graduate.
Dulot ng labis na obsession sa iniidolong singer ay wala na siyang ginawa kundi makinig nang makinig sa mga awit nito. Hindi na siya nagre-review. Hindi na rin gumagawa ng mga project at assignments.
Pati mga guro at kaklase niya ay napuna rin ang labis niyang pagkaadik sa musika ni Ron Crowley. Lagi nga siyang pumapasok pero nakalutang naman sa ibang bagay ang utak.
Ito rin ang itinurong dahilan ng kanilang dean sa kanyang ina tungkol sa mga bagsak niyang grado.
Limang buwan na ang lumipas mula nang magtapos ang klase. Lahat ng classmate niya ay graduate na. Siya lang ang naiwan.
Araw-araw siyang pinagagalitan ni Fely dahil dito. Nasanay na lang din siya kaya hindi na gaanong dinidibdib ang bunganga ng ina.
Sa loob ng mga panahong lumipas, sinubukan ding lambingin ni Fely ang anak para makuha muli ang kirot ng puso nito at maibalik sa dati. Subalit tila naging bato na sa tigas ang puso ng kanyang anak at hindi na nararamdaman ang kanyang pagmamahal bilang ina.
Sa halip na ituwid ang pagkakamali, ibinuhos ni Mark Neil ang buong atensyon sa idolo niya.
Ang mga awit na lang nito ang nagpapatibay ng loob niya. Ang mga lyrics nito ang nagsisilbing tagapayo niya para hindi sumuko sa buhay kahit sirang-sira na ang kanyang buhay sa labis na paghanga rito.
BINABASA MO ANG
Dead Man's Web [Horror Story Collection]
TerrorPaano kung isang araw malaman mo na ang buhay mo ay isa lamang malaking bangungot?