Sekyuicide

147 12 0
                                    

UNANG araw ni Damian sa mansyon ni Donya Amy bilang bagong security guard. Siya ang nakatoka sa gate para mag-entertain sa mga bisita at pagbubukas nito tuwing ilalabas ng donya ang sasakyan.

Akala niya ay magiging simple lang ang trabaho niya roon. Araw-araw ay maraming mga bisita ang donya kaya hindi rin siya nauubusan ng mga kaharap na tao.

Kailangan muna niyang kilatisin ang mga ito bago ipaalam sa amo ang tungkol sa bisitang iyon. Marami na kasing mga manloloko at nais pagdiskitahan ang babae.

At kapag nakilatis na niya ang panauhin, saka niya tatawagan ang donya para ipaalam dito ang buong detalye ng bisita. At kapag binigyan na siya nito ng permiso, doon pa lang niya papapasukin ang panauhin.

Medyo nanibago siya sa ganoong setup kahit ilang taon na rin siyang naging sekyu sa iba pang mga trabaho niya. Nasanay kasi siya na nagbabantay lang sa mga apartment building o di kaya'y taga-check ng bag ng mga tao sa entrance ng mga mall at grocery.

Sa ganoong setup, kahit marami siyang nakakasalamuhang mga tao ay halos wala rin siyang nagiging conversation sa mga ito.

Pero dito sa mansyon ni Donya Amy, para siyang hiring manager na kumikilatis muna sa kausap bago ito tanggapin o papasukin. Ang iba pa naman sa mga bisita ng donya ay pawang professional, mga taong nag-e-english kahit pinanganak namang Pilipino.

Hirap na hirap tuloy siyang makipag-usap sa mga ito minsan. Pero dahil malaki ang pasahod ng donya, kailangan niyang gawin nang maayos ang kanyang trabaho. Inisip niyang sa umpisa lang ito at masasanay rin siya pag nagtagal.

Isang araw, may lalaking pulubi na lumapit sa gate. May karumihan ang suot nitong damit at kinapitan na rin ng alikabok ang mukha nito.

Pagkalapit ng lalaki ay ngumiti ito sa kanya. "Magandang umaga!"

"Magandang umaga rin po. Ano hong kailangan nila?" magalang na sagot niya sa lalaking pulubi.

"Maaari ba akong pumasok sa loob?"

"Bakit po? Ano pong kailangan n'yo?"

"Gusto ko lang po sana makausap ang amo n'yo."

Nagtaka si Damian. "Sino ho ang amo ko? Ano hong pangalan niya?" alarmadong tanong niya.

"Siya si Donya Amy Rose Buenavisca. May-ari ng Red Roses Hotel Spa & Casino," sagot ng lalaki.

Medyo nawirduhan siya. Alam na alam nito ang buong pangalan ng amo, pati ang hotel na pag-aari nito. Medyo napaisip tuloy kaya kung sino ang pulubing ito at bakit kilalang-kilala nito ang amo niya.

"Maaari ko ho bang malaman kung sino kayo? At kung kaano-ano n'yo si Donya Amy?" magalang pa rin niyang tanong.

"Isa lamang akong kaibigan... Matalik na kaibigan..."

Hindi siya kumbinsido sa itinugon ng lalaki. Kahit saang anggulo niya tingnan, mukha talaga itong pulubi. Marumi ang damit. Marumi ang mukha. Medyo mabaho pa nga. Halatang ilang taon na itong naninirahan sa lansangan.

Paano magkakaroon ng ganitong kaibigan ang kanyang amo?

"Ako si Mario Perez. Nakatira sa ilalim ng tulay. Itim ang kulay. Ngunit masaya sa buhay."

Lalo tuloy siyang nawalan ng tiwala sa lalaki. Hindi niya gusto ang pananalita nito, pati ang paraan ng pagngiti nito sa kanya na parang nang-iinis o may itinatago.

Inisip niyang baka isa lamang ito sa masasamang loob na may masamang balak sa kanyang amo. "Pasensiya na ho. W-wala ho siya rito. Bumalik na lang kayo sa ibang araw."

"Imposibleng wala siya rito ngayon. Pinapapunta nga niya ako, eh." Nagpakawala na naman ng mapanuksong ngiti ang lalaki.

"Paano niya po kayo pinapunta? Saan n'yo siya nakausap kanina? May cellphone ba kayo?"

Dead Man's Web [Horror Story Collection]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon