Kabanata 01

4.7K 286 119
                                    

1816


Gamit ang hinabing mga hibla ng lana, itinago ako ng isang ginang sa likod ng karwahe lulan ang mga bariles. Mahaba ang gabi at malakas ang ulan, ang mga kamay ko ay tila hindi ko na maramdaman dahil sa nanunuot na lamig.

Sumilip ako sa kalangitan at dumungaw sa akin ang liwanag ng asul na buwan. Ito ang taon na bilang sa mga daliri ko ang paglitaw ng araw. Sa kabila ng masidhing lamig, kinuha ko ang ginawang papel ni ama gamit ang mga tuyong dahon. Sa natitirang tinta ng manipis na pluma, isinulat ko ang iilang salita.

The great cold summer of 1816

Pagkasulat nito ay bigla kong naalala ang mga salita ni ama.

"Kahit anong mangyari, huwag mong ipaalam sa kanila na marunong kang magsulat at magbasa. Kung maaari, itapon mo ang iyong kagamitan at huwag ipakita sa kahit sino man."

Mabigat man sa kalooban, kinuha ko ang natitirang papel sa loob ng lumang bayong at itinapon iyon. Nakita kong lumutang ito sa ulan. Hindi ko kayang itapon ang ibinigay niya sa aking talahulugan sa wikang Ingles. Gagawin ko na lamang ang aking makakaya na walang maka-alam.

"Paano kung iwan nalang natin dito ang bata? Mapapahamak tayo kapag may nakakita sa kanya." Naulinigan ko ang untag ng ginang.

"At ano? Iwanan natin sa gitna ng dilim at lamig? Wala ka bang awa? Bumabaha na sa daan!" Sagot ng ginoo sa mabigat na tinig.

"Ano ang maaari nating gawin? Ayaw kong mapahamak! Trese anyos lamang ang bata!" Pagdadahilan pa ng ginang.

Sa mahinang tinig, sumagot ang ginoo. "Susundin natin ang bilin ng kanyang ama. Ihahatid natin siya kay Padre Puraw. Hindi tayo mapapahamak sapagkat tutulungan tayo ng isang kasapi ng Tarangkahan. Kapag nakapasok na ang bata, wala na sa ating mga kamay ang pananagutan."


Napayuko ako ng bahagya. Ang aking mahal na ama. Tila tinutusok ang puso ko sa kanyang huling sinabi.

"Katulad ng bilin ko saiyo noon, isipin mo na ako'y wala na. Huwag kang magtangis. Lakasan mo ang iyong loob. Kaya mong mag-isa."

"You are good enough on your own." Isinatinig ko ang kanyang mga huling salita.

Paano niya nasabi iyon? Wala pa ako sa wastong gulang. Kailangan ko pa ang kanyang gabay.

Dahil sa isang kislap ng alaala, naramdaman ko ang pagpatak ng aking luha. Nais ko siyang iligtas sa kapahamakan ngunit anong magagawa ng isang trese anyos? Kahit nais kong mag-desisyon para sa amin, wala akong sapat na lakas.

Sa paghinto ng karwahe, ito ang hudyat na naririto na kami sa Tarangkahan ng Ayllus. Muli kong naramdaman ang pagtakip sa akin ng ginang gamit ang hinabing mga hibla ng lana.

"Huwag kang magsasalita o gumawa ng ingay." Bulong nito at ramdam ko ang panginginig ng kanyang tinig.

Ibinaba nila ako sa karwahe kasama ang mga bariles na naglalaman ng alak. Dahil sa tagal ng kanilang pag-uusap, ramdam ko ang lamig at panginginig ng katawan. Tila may kasamang nyebe ang bawat dampi ng ulan sa balat ko.

"Ako na ang bahala rito. Maaari na kayong umalis." Ang boses ng lalaki ang umalingawngaw sa gitna ng dilim. Ilang segundo lamang ay narinig ko ang halinghing ng kabayo hudyat na papaalis na ang ginang at ginoo na tumulong sa akin.

"Maraming salamat." Dumungaw ako kung saan galing ang tinig at nasilayan ko ang papalapit na ilaw ng lampara. Naririnig ko ang kalansing ng susi na kanyang hawak habang papalapit ang lalaki. Napasinghap ako at tinakpan ang aking bibig.

ABELON (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon