Kabanata 06

2K 235 216
                                    

Utos


Napahawak ako sa krus ng kuwintas. Sinusubukan kong kumalma ngunit abot-langit pa rin ang tahip ng puso ko. Ito'y hamak na nakaliliyo.

Lahat ng kasapi ay naroon sa Sambisig, ito ay kaharian ng Anta kung saan idinaraos ang pag-aalay at paghahatol ng hari at reyna. Kaya malaya naming binagtas ang daan patungo sa Sepultura upang dalawin ang puntod ng kanyang ama.

"Paumanhin kung hindi kita nakilala noong ikaw ay naglinis ng aking silid."

Hindi ko na naalala iyon dahil sa pinaghalong kaba at galak. "Ilang taon din tayong hindi nagkita, nauunawaan ko. Huwag mo nang isipin iyon."

Nasa kalagitnaan kami ngayon ng paglalakbay at tila parehong nahihiyang magsalita.

"Hindi na kita nadalaw bago ako umalis patungong Espanya." Sinalubong muli ako ng kanyang maalindog na mga mata.

"Mapapatawad mo ba ako?"

Ako'y nagulat sa kanyang tanong. "Walang dapat ihingi ng tawad." Lakas-loob ko itong hinarap at tinitigan. "Bumabagabag ba ito saiyong diwa?"

Napahawak ito sa palawit na perlas ng kanyang kuwintas at tila malalim ang iniisip. "Isang taon sa Espanya at tatlong taon sa Pransya." Simula nito bago huminga ng malalim. "Apat na taong pagsusunog ng kilay sa bansang banyaga, walang araw na hindi sumagi sa aking isip ang batang babae na aking nakilala."

Ang lanyos ng kanyang tinig ay bumuo ng dagitab sa aking dibdib. "A-Ang buong akala ko'y..." May bumikig sa aking lalamunan.

"Nakalimutan kita?" Mahinhin itong napahagikhik. "Hindi ko makakalimutan ang batang mahilig magsuot ng baro't salawilis."

Doon na ako nagpakawala ng tawa. Ang aking kaba ay hindi na gaanong gipalpal.

"Ako ba'y sumagi man lang sa iyong isip?" Balik niya sa akin.

Humina ang aking halakhak hanggang sa nangibabaw ang huni ng mga ibon. "Araw-araw akong umaasa na ikaw ay muling makita." Pag-amin ko ngunit hindi ako makatingin sa kanya.  "At subyang sa dibdib ang araw-araw na pagkabigo."

Inilag niya ang mga mata at napaawang ng kaunti ang kanyang labi. Muling sumanib ang laksa ng kaba sa akin dahil sa mga binitawang salita. "Uh... huwag mong isipin na -–"

"Lo siento." Tsaka humarap sa akin. "Paumanhin kung ikaw ay aking binigo."

Namangha ako ng ilang segundo sa kanyang banyagang salita.

"Uh..." Napatikhim muli ako. "Kumusta ang iyong pag-aaral... sa Espanya?" Iyon na lamang ang namutawi ng aking bibig dahil sa hindi matarok na kaba.

"Mainam naman. Nais ni ina na sumunod ako sa yapak ni amang Abraham kaya ako'y pinag-aral sa kung saan ito nagtapos." Nagpatuloy na kami sa paglalakad.

"Narinig ko mula kay Prinsesa Lucrezia na ikaw ay inilipat sa Pransya. Paumanhin sa sasabihin ko at alam kong siya'y iyong pinsan ngunit palamara ang kanyang ugali."

Napahagikhik ito sa aking sinabi. "Hindi kami magkasundo ni Lucrezia kahit noong kami'y mga bata pa. Matalim ang kanyang dila at may pagkaisip-bata."

"Totoo iyon." Sinabayan ko ang kanyang hagikhik.

"Nanganganis ito tuwing hindi nasusunod ang kanyang hiling." Dagdag pa niya at kalaunan ay napahinto rin sa paghagikhik.

"Hindi ko gusto ang kanyang mga sinabi tungkol saiyong ama." Pahayag ko sa kanya.

"Noon, sinasagot ko siya sa kanyang mga paratang. Huminto na lamang ako sapagkat mahirap magpaliwanag sa taong sarado ang pag-iisip." Huminga ito ng malalim. "Ngunit kahit ganoon, nakikita ko ang aking sarili sa kanya." Naging seryoso na ang tinig nito. "Nauunawaan ko kung bakit ganoon ang kanyang inaasal."

ABELON (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon