Kahulugan
Napahawak ako sa aking labi. Hanggang ngayon ay dama ko pa rin ang lanyos ng kanyang halik. Hindi lang isang beses nangyari. Sa aking paghatid sa kanyang silid, isang halik muli ang aming pinag-salohan bilang pag-papaalam.
"Kami ay nag-alala saiyo! Saan ka nagpunta kagabi?" Bungad sa akin ni Ga bago kami tumungo sa Dalubhasaan. Napuna ko si Ka na lumingon sa akin habang inaayos ang kanyang suot na balabal.
"Inutusan ako ni Estelle na linisin ang kanyang silid." Sagot ko, nanatiling nakatingin sa bawat kilos ni Ka. Sana ngayon ay makausap ko na siya ng maayos.
"Sana'y sinabihan mo kami upang ikaw ay aming natulungan." Pahayag ni Ha. Nakabihis na ito at naghihintay na lamang sa amin.
"Kayang-kaya ko iyon, Ha. Huwag ka nang mag-alala."
"Hintayin namin kayo sa labas, kukuha lang kami ng almusal sa Imbakan." Pagpapaalam ni A kasama si Ga.
"Sasama na rin ako." Dagdag ni Ha.
Pagkalabas nila ay humarang ako sa pinto upang makausap ang una kong naging kaibigan. "Alam kong may hindi ka sinasabi sa akin Ka." Nakuha ko agad ang atensyon nito. "Ilang linggo ka nang natutulala, naging mailap ka na rin sa amin at napapadalas na ang iyong pagliban sa gawain."
Huminga ito ng malalim bago lumapit sa akin. "Mahuhuli na tayo sa klase. Maaari mo ba akong paraanin?"
"Ka, nagmamakaawa ako sayo. Kung ikaw ay may suliranin, maaari mo akong kausapin ---"
"Wala! Kailangan ko pang ulit-ulitin saiyo?" Sa huling mga salita ay may pumatak na luha sa kanyang pisngi.
"Wala akong suliranin! Wala akong dinaramdam!" Itinulak niya ako upang makalabas ng silid.
Ako'y napapikit sapagkat alam kong hindi iyon totoo. Kung ano man ang tinatago ni Ka ay kailangan ko itong malaman.
"Bibliya, ito ang pag-aaralan nating basahin." Si Ginang Pa ngayon ang nagtuturo sa amin sapagkat abala na si Ginang Ma sa piging.
Bahagya akong napayuko. Ngayon darating ang Marquess. Kung ano man ang nararamdaman kong ito, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Mali ito hindi lang sa mga mata ng Anta kundi sa mga mata ng Diyos. Maaaring itago ko na lamang, ipagsawalang-bahala, o kalimutan.
"Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ang suliranin." Sambit ni Ginang Pa na kailangan naming bigkasin.
Ilang oras din ang ginugol namin upang aralin ang mga salitang ito. Hindi ko alam kung ano ang mas mahirap, ang pagpapanggap na hindi ako marunong? o ang paghihintay na matapos ang oras?
Pagsapit ng alas tres, hindi na kami nakapagpalit ng kasuotan sapagkat kailangan ng tulong nina Ra at Da sa paghahanda. Kami ni Ga ang naatasan sa paglalagay at pag-aayos ng mga pinggan at kubyertos.
"Tumungo na kayong dalawa sa Sambisig. May karwaheng naghihintay sa Imbakan upang ihatid ang mga bariles ng alak. Sumakay na kayo roon." Pinatawag kami ni Ginang Ma upang sabihin ito.
"Iyon din ho ba ang sasakyan namin pabalik dito?" Tanong ni Ga.
"Hindi. Mananatili kayo roon upang pagsilbihan ang Anta at Mutia." Napuna ko ang titig sa akin ni Ginang Ma. "Ba, umaasa ako saiyo. Alam kong malamya ang iyong kilos ngunit ilang araw ka nang pinapatawag ni Mutia Estelle. Batid kong nagustuhan niya ang iyong mga ginawa."
BINABASA MO ANG
ABELON (Book 1)
Historical FictionAlba is having a hard time figuring out her purpose in life. She feels disconnected from her soul, and she would look in the mirror, but it wasn't really her that she saw. One of her secrets is that there's a young girl constantly living in her recu...