Karsel
"Hindi 'yan totoo..." Umiling ako at bahagyang napaatras.
"Nagsasabi kami ng totoo. Ang ama mo ang nagsulong ng utos na iyon. Kaya maraming pinarusahan na kababaihan. Isa na roon ang ina ko." May pait sa tinig ni Ya. "Hindi mo alam ang dusa na dinanas namin kaya ngayon, sa batas ng mundo ang lahat ng bagay ay muling magbabalik sa pinanggalingan."
"Kaya ka kumakampi sa isang tampalasan?" Asik ko rito kahit ako'y nanlulumo sa nalaman.
"Binibini, hindi ako masamang tao." Pahayag ni Palkon. "Sinimulan ito ng iyong ama. Nakikinabang lamang ako sa kanyang paniniwala."
"Tumigil ka!" Umukilkil sa akin ang mga turo ni ama hanggang sa binalot ako ng sama ng loob. "Kailanman ay hindi naging tama ang ginawa mo sa kaibigan ko!"
"Bakit niya inilihim sainyo?" Balik ni Ya sa akin. "Ginusto niya rin ang nangyari sa kanya. Kung walang maghahalungkat ay walang bahong lalabas."
Napakuyom ang palad ko.
"Isa kang babae ngunit wala kang awa sa pambabastos na kanilang ginawa. Tunay ngang ang ahas mang luno na 'yong kupkupin, ahas ding paglakas ika'y tutukain."
Iniwan ko sila roon na durog ang aking puso. Hindi mapagkit sa isip ko ang mga naulinigang sigwa. Bakit ko paniniwalaan ang kanilang sapantaha kay ama? Isang kaibigan ko na ang kanilang nililo. Hindi ako papayag na pati ang aking mundo ay mayanig dahil sa isang pahayag na walang katibayan.
"Bakit natin babagtasin ang daan sa Templo?" Pagtataka ni Sinko. "Ano ang nangyari sa Sikhay?"
Iniwas ko ang mga mata sa kanya at pilit na pinapatahimik ang namumuong luha.
"May nais lamang akong itanong sa mga padre." Dahil sa tipid ng aking sagot, hindi na ito nangulit ngunit ramdam ko ang kanyang pagtataka.
Sa oras na marating namin ang Templo, wala na akong inaksaya pa. Tumungo ako sa Casa de Capitulo kung saan sila nagpupulong pagkatapos ng misa. Naroon sina Padre Mabaya at Dagtum. Nagulat man sa aking pagsulpot, sinalubong pa rin nila ako ng may mga ngiti sa labi.
"Anak, naparito ka." Ngunit nang mapuna nina padre ang panglaw ng aking mga mata, nawala ang ngiting iginawad nila sa akin. "Ikaw ba'y may suliranin?"
Napasinghap ako at pilit na pinagkasya ang hangin na nasagap upang bigyang-lakas ang mabigat na untag. "Totoo ho ba na nanggaling kay ama ang ika-pitong utos?"
Bakas ang gulat sa mukha ni Padre Dagtum samantalang si Padre Mabaya ay tila pinigilan lang ang sarili at mas nangibabaw ang pagiging kalmado.
"Totoo iyon." Inabot niya ang kanang kamay ko. "Ngunit naniniwala ako na mayroong malalim na dahilan kung bakit niya iyon isinulong."
Nauna nang bumagsak ang luha ko bago makapagsalita. "Hindi ko ho maintindihan..." Naisip ko ang aking kaibigan at ang pang-aabuso sa kanya.
"May dahilan ang iyong ama. Huwag mo siyang pag-isipan ng masama."
Doon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob upang titigan ito sa mga mata.
"Dahil ang taong mangmang ay malapit sa kapahamakan? Ganoon ho ba iyon, padre? Sapagkat mas madaling utuin ang hindi nakapag-aral?"
Sinubukan niya akong patahanin.
"Nagdadalang-tao ngayon ang kaibigan ko sapagkat siya'y nililo ng isang kasapi sa Sikhay. Wala siyang kaalam-alam na isang huwad ang kasulatan na iyon."
Inisip ko kung ilang babae na ang nililo dahil sa lihim na obligasyon. Palagay ko ay marami na ngunit wala silang nagawa kundi ang sumunod. Hindi ko akalain na ganoon kababa ang tingin nila sa kababaihan.
BINABASA MO ANG
ABELON (Book 1)
Historical FictionAlba is having a hard time figuring out her purpose in life. She feels disconnected from her soul, and she would look in the mirror, but it wasn't really her that she saw. One of her secrets is that there's a young girl constantly living in her recu...