Ba
Mabilis ang aming paglalakbay, ilang minuto lamang ang lumipas ay narating na namin ang Silong sa timog. Bumungad sa akin ang bahay na bato na aking nasilayan noong una kong pagpasok sa kaharian.
"Ito ang Imbakan. Dito idinadala ang mga ginapas, nakuhang alay, at iilang kasangkapan mula sa labas."
Napatango ako at bago pa man makapagsalita ay tinulungan ako ni Onse na makababa ng kalesa. Suot ko na ang blusa at saya na ibinigay ni Padre Mabaya. Naging sapin din sa aking paa ang bakya mula kay Padre Malamaya at Lunti.
"Da!" Pagtawag ni Onse sa babaeng lumapit sa amin. Katulad ko rin ang kanyang kasuotan.
"Siya na ba ito?" Sambit ng ginang na may malaking nunal sa sulok ng kanyang kanang labi. Katulad nina Onse at padre, maamo rin ang kanyang mga mata.
"Binibini, siya si Da." Pagpapakilala ni Onse. "Katulad ko, kaibigan din siya ng iyong ama."
"Magandang gabi ho. Ikinagagalak ko hong makilala kayo." Pagbati ko sa ginang.
"Magandang gabi rin binibini." Ngumiti ito sa akin at hinawakan ang aking kamay. "Halika't pumasok na tayo sa loob."
"Ilan ang bago ngayon, Da?" Muling tanong ni Onse.
"Sampu. Naroon na silang lahat sa loob."
"Ikaw na ang bahala sa kanya. Hanggang sa muli nating pagkikita, bata." Wika ni Onse at sumaludo ito sa akin.
"Maraming salamat sa lahat, Onse." Kumaway ako rito bago tuluyang umalis.
Sa aming pagpasok sa Imbakan, napansin ko na tambak doon ang mga kasangkapan sa pagluluto. Nagmimistula itong palengke sa dami ng gulay, tagil ng prutas, mga nakuha sa ani, inumin, at iba't ibang pampalasa.
Tumungo kami sa ikalawang-palapag kung saan naroroon ang kanilang tagapangasiwa. Siya ang tinatawag nilang Ginang Ma. May bakas ng katandaan ang kanyang noo at puti na rin ang buhok. Sa kanang balikat ay may nakasabit na puting balabal.
Yumuko si Da at nagbigay-pugay kaya't iyon din ang ginawa ko.
"Magandang gabi. Siya ho ang huling kasapi na bubuo sa ating pangkat. Ang kanyang magulang ay pumanaw na kaya't siya'y aming kinupkop. Sana ay pumayag kayo na siya ang humalili sa naiwang responsibilidad ng aking tiyahin, sa pangalan na Ba." Humanga ako sa kanyang pagsisinungaling para lang makapasok ako rito.
Dumako ang tingin ko sa makinis na sahig na gawa sa matigas na kahoy. Tila nagkaroon ng bagwis ang aking isipan dahil biglang gumunita ang kahulugan ng aking pangalan.
Inihalintulad ito ni ama sa huni ng malayang ibon sa gitna ng mabangis na gubat na nababalutan ng dilim, at ang tanging gabay ay nagmumula sa huling liwanag ng tala.
Hindi ko na nasundan ang kanilang pag-uusap, ang tanging narinig ko lamang ay ang pagtawag sa akin ni Ginang Ma upang lagdaan ang isang kasunduan. "Simula ngayon, ang itatawag na saiyo ng lahat ay Ba."
Nagtagal ang aking titig sa kung ano ang nakasulat sa papel. Naghintay sila ng ilang minuto hanggang sa nagsalita ang ginang.
"Ano pa ang iyong tinititigan diyan? Marunong ka ba magbasa?" Saad niya bago humagikhik na tila ba'y nang-iinsulto. "Lagdaan mo na lamang nang matapos na tayo rito."
Napasinghap ako bago lagdaan ang dulo ng papel. Mali pa nga ang palatitikan sa kasulatan ngunit naging tikom na lang ang aking bibig. Binasa ko iyon at tanging mga batas ng Silong ang nakasaad, pati ang kasunduan na manatili hanggang marating ko ang edad na sisenta.
BINABASA MO ANG
ABELON (Book 1)
Historical FictionAlba is having a hard time figuring out her purpose in life. She feels disconnected from her soul, and she would look in the mirror, but it wasn't really her that she saw. One of her secrets is that there's a young girl constantly living in her recu...