Kabanata 12

2.7K 282 276
                                    

Liham


Gamit ang natitirang tinta, isinulat ko ang iilang salita. Sa paglagay ko ng totoong pangalan sa ibaba ng talaarawan, hudyat ito na walang kasiguraduhan ang aking mga binabalak.

Tumungo ako sa Sambisig nang pikit-mata. Paulit-ulit ang pagsagap ko ng hangin upang bigyan ako ng sapat na lakas sa aking gagawin ngunit hindi ko inaasahan na ganito ang aking maaabutan.

Nagulat ang lahat sa aking pagdating. Naroon ang miyembro ng Amira— ang bagong hari na si Hermio at ang asawa nitong si Reyna Rosmunda. Naroon din ang iilang ginang at kasapi ng Sikhay, ganoon din ang miyembro ng Anta— ang dating reyna na si Meliore at dating hari na si Hernando. Nakita ko rin ang ina ni Estelle na si Galilea, at si Prinsesa Lucrezia na nakaluhod sa harap ng amang hari.

Siya'y nagtatangis. Napuna ko ang lalaki sa tabi niya na duguan ang mukha, maga ang mga mata, at may mga pasa sa katawan. Hinanda ko ang aking tuhod upang humingi ng paumanhin hanggang sa nagsalita ang prinsesa.

"Bakit niyo siya ipinatawag, ama?" Asik nito. "Binigyan niya lamang ng linaw ang papel ko sa pamilya natin, wala siyang kasalanan!" Nakaturo ang prinsesa sa akin.

Napapikit ako at hindi inaasahan na ako'y mapapahamak kahit hindi ko pa sinisimulan ang aking pahayag. Ang balintataw tungkol sa mga huling salita ko sa kanya ay namunga ng hindi maganda.

"Paumanhin mahal na hari at reyna." Lumapit si Ginang Ma sa akin. "Ako na ho ang magdi-disiplina sa kanya."

"Saglit lamang..." Tugon ni Reyna Meliore. Bahagya akong napayuko. Lumapit ito sa amin at hinawakan ang aking baba upang iangat ang mukha ko at malaya niyang mapagmasdan. "Ikaw ang lihim ng mga pari. Ang anak ni Marcellus."

Napahigpit ang hawak ni Ginang Ma sa akin. "Makakaasa ho kayong may nakaatang na parusa sa kanya." Pakiramdam ko'y sinasabi niya ito upang ilayo ako sa mga mapaniil na titig ng Anta.

Napatayo si Haring Hermio. Sa kanyang paglalakad tila natigatig ang lupang aming inaapakan. Katulad nang napuna ko noong una siyang nakita, duhapang ang kanyang galaw at mabalasik kung tumitig. "Anak ni Marcellus?" Pag-uulit nito.

Tumango si Reyna Meliore. "Bakit ka naririto?"

Katulad ko ay napayuko na lamang si Ginang Ma bilang respeto. "Tama ho kayo, ako ang anak ni Marcellus, ang Lawin ng Sikhay sa hilaga."

Napatayo si Prinsesa Lucrezia. "Hindi mo siya ipinatawag, ama?"

"Hindi." Sagot ng hari sa mabigat na tinig. "Ngunit nais kong malaman kung ano ang sinabi ng dalagang ito sayo."

"Wala siyang kasalanan, ama. Desisyon ko ang tumakas. Walang nagtulak sa akin kundi ang aking sarili." Pagmamakaawa ng kanyang anak. Bahagya akong natakot sapagkat nakita ko ang lalaki kanina na duguan. Batid kong siya ay si Uno, ang lihim na kasintahan ng prinsesa.

"Bakit siya naririto kung ganoon?" Dagdag ni Haring Hermio na hindi pa rin maalis ang tingin sa akin.

Napasinghap ako upang mabigyan ng kaunting lakas ang aking baga. "Naririto ho ako upang humingi ng pahintulot sainyo, mahal na hari at reyna." Lumuhod ako sa kanilang harapan. "Nais kong gampanan ang naiwang tungkulin ng aking ama, bilang isang kasapi ng Sikhay."

Natahimik ang lahat sa aking pahayag hanggang sa nagsalita ang ina ni Estelle. "Tila makapal ang iyong mukha sa pagharap sa amin ng walang paalam.

"Paumanhin..." Hinawakan ni Ginang Ma ang magkabila kong braso. "Paumanhin ho sainyong lahat, ako na ho ang kakausap---"

"Nais mong gampanan ang tungkulin ng iyong ama?" Nagsalita muli ang hari.

Tumango ako at nanatiling nakaluhod. "Isinasaad ho sa ika-anim na utos ng Ayllus, kapag natapos ang termino ng isang kasapi ng pangkat ay isang miyembro ng pamilya ang siyang hahalili. Ako ho ay nag-iisa niyang anak, walang ibang kamag-anak."

ABELON (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon