Manunggul
"Bakit ka naririto? Tahanan ito ng mga padre." Patuloy sa pagtanong ang batang babae. Bumalik kami sa loob ng kumpisalan upang hindi kami makita.
"Hindi ko nais na manatili rito ngunit isa ito sa bilin ni ama, isang Lawin sa Sikhay. Mas mainam na naririto ako para sa aking kaligtasan." Nagpakawala ako ng buntong-hininga sapagkat gumunita muli ang kanyang mga salita.
"Katulad ng bilin ko saiyo noon, isipin mo na ako'y wala na. Huwag kang magtangis. Lakasan mo ang iyong loob. Kaya mong mag-isa."
Madaling sabihin ngunit napakahirap gawin. Mahirap huwag isipin sapagkat siya ang aking naging guro, ang aking gabay, lahat ng kanyang mga salita ay aking isinapuso.
"Nais kong paniwalaan ang bilin ng iyong ama, ngunit para sa akin simula noong pumanaw si amang Abraham ay hindi ko na muling naramdaman ang kaligtasan sa Ayllus." Pahayag ng batang babae.
"Paano mo nasabi iyan?"
"Hindi ko alam, mayroon lamang akong sapantaha na sinadya ang pagpaslang kay ama." Turan niya sa malungkot na tinig.
"Pinaslang?" Pag-uulit ko.
"Sabi ng aking tiyo, maraming nilabag na utos ang aking ama. Hindi raw nito pinahalagahan ang aming pamilya."
"Bakit nasabi niya iyon?"
Napasinghap ito na tila pinipigilan ang sarili sa pagluha. Batid kong sariwa pa sa kanya ang nangyari. "Sapagkat may nais gawin si ama na ikinagalit ng hari at reyna."
Hindi na ako muling nagtanong dahil hindi ko nais na siya'y umiyak.
"Ikaw? Ano ang ikinamatay ng iyong ama?" Tanong niya sa akin.
Napayuko ako dahil tila nagtutugma ang aming hinala.
"Maaaring ganoon din ang sinapit ni ama. Dahilan kung bakit isinakay niya ako sa karwahe ng kanyang katoto. Siya'y nasa panganib at hindi niya nais na ako'y madamay kaya kinasapakat niya ang iilang kasapi rito sa Ayllus."
Bago pa siya muling makapagsalita ay narinig namin ang pagtawag ni Padre Dagtum sa akin. Dinalaw ako ng kaba at binuksan agad ang pinto. Ganoon din ang kanyang ginawa.
"Sana muli tayong magkita, bata. Hanggang sa muli." Nagkukumahog itong tumakbo papalabas ng simbahan. Hinatid ko nalang siya ng tanaw sa kanyang paglisan. Nawala ang sakit sa aking dibdib sa sinabi niyang iyon. May kung anong mayroon sa kanya na ikinagaan ng aking kalooban.
-----❋-----
"Wake up before the sun." Mahinang bulong sa sarili, habang inilalagay ang iilang tuyong piraso ng kahoy upang makabuo ng apoy sa pagluluto. "Chilly mountains, pristine coastline, tropical forest—what a poetic paradise! Life had so many colors through her eyes."
Kapag walang magawa, isinasalin ko sa wikang ingles ang aking mga nakikita. Nakasanayan na namin ni ama ang pagsasalin sa ingles at ito na rin ang aming naging libangan.
Kumuha ako ng mga itlog sa paminggalan at inilatag ang iba pang kasangkapan sa mesa. Hawak ko ang isang aklat at naging abala sa pag-unawa ng larawan nang dumating si Padre Lila.
"Magandang umaga," pagbati ko kay Padre Lila.
"Magandang umaga." Balik nito at inilagay ang hawak na buslo sa hapag. Naglalaman ito ng tatlong botelya ng gatas mula sa baka. "Naunahan mo akong muli sa pag-gising."
"Bilin ho sa akin ni ama na nahuhuli ng maagang ibon ang malikot na uod. Ngayong umaga, may dalawang tanong agad na namunga sa aking isip."
Humagikhik si Padre Lila bago sumagot. "Nawawala ang antok ko saiyo." May kaunting hagikhik pa ito bago ituloy ang kanyang sasabihin. "Ano ang iyong mga katanungan?"
BINABASA MO ANG
ABELON (Book 1)
Historical FictionAlba is having a hard time figuring out her purpose in life. She feels disconnected from her soul, and she would look in the mirror, but it wasn't really her that she saw. One of her secrets is that there's a young girl constantly living in her recu...