Kabanata 05

2K 254 227
                                    

Bulalakaw


Hindi ko na inalintana ang bawat salitang binibigkas ng mahal na prinsesa habang nililinis ko ang kanyang silid. Naiwan ang aking isipan sa sinabi ni Estelle. Tama nga naman, hindi niya ako nakilala sapagkat ilang taon na rin ang lumipas.

"Ikaw ay katulad din ng matangkad na babae na huling naglinis dito, napakabagal!" Nakaupo ito sa silya na may pulang kutson habang pinapaypayan ang sarili gamit ang abaniko.

Kakulay ng pilak ang burda sa kanyang pañuelo samantalang si Estelle ay kakulay ng perlas. Mas malawak din ang kanyang silid ngunit napakakalat naman, hindi katulad kay Estelle na sapat lamang ngunit malinis at organisado.

Napahinto ako upang maghabol ng hininga pagkatapos pakintabin ang kanyang sahig. Pinunasan ko rin ang pawis sa aking noo gamit ang balabal.

"You–not–do–best. You–moving–turtle, so–slowly." Mungkahi nito sa akin.

Napanguso ako upang pigilan ang hagikhik ngunit napuna niya ang aking pagpipigil.

"Ano ang nakakatawa sa aking sinabi?" Napatayo na ito ngayon at tumaas ang kaliwang kilay.

"Palibhasa, kayong mga tagapag-silbi ay hindi nakakaunawa ng salitang Ingles. Ni-hindi marunong magbasa at magsulat. Psh!" Sa dulo ay nagpakawala ito ng tawa.

Napakagat ako ng labi at yumuko na lamang.

"Isang malaking prebilehiyo ang makapag-aral sa Espanya." Naglakad-lakad ito habang mahina na pinapaypayan ang sarili. "Samantalang ang pinsan kong si Estelle ay inilipat sa Pransya sa utos ng kanyang ina. Kaya mas matalino at mas magaling ako sa kanya. Ano namang mapapala niya roon? Arkitektura at sining ng sinaunang panahon? Psh! Walang pagbabago."

Di-hamak na mas matalino si Estelle at mas pino ang kanyang galaw kung ihahalintulad sa prinsesang ito. Napaka-burara at ni-hindi maituwid ang kanyang tindig at ang baluktot na Ingles.

"Mabuti na lamang at namatay ang kanyang ama. Naging prinsesa ako at si ama ay naging hari. Tama lang iyon dahil wala rin namang magandang maidudulot ang kanyang pamilya sa Ayllus."

Doon na ako napasinghap at lakas-loob ko itong hinarap. "Paano mo nasasabi iyan mahal na prinsesa?" Sinubukan kong isanib sa aking tono ang respeto ngunit galit lamang ang namutawi. "Siya'y nawalan ng ama ngunit ang iyong nasa isip ay katungkulan na makukuha sa kanyang pagpanaw? Ikaw ay hamak na walang puso, hindi bagay saiyo ang maging prinsesa kung ganyan ang iyong pag-iisip at saloobin."

Napakunot-noo ito at pinang-dilatan ako ng mata. "At sino ka para pagsabihan ako ng ganyan? Ikaw ay hamak na alipin lamang! Maaari kitang isumbong sa amang hari at ---"

"Hindi ako natatakot sapagkat totoo ang aking sinabi. Kung ako'y papaalisin dito ay mas mainam dahil hindi ko masikmura ang iyong tampalasang ugali."

Kasing-bilis ng aking paglisan sa kanyang silid ang balitang kumalat tungkol sa pakikipag-sagutan ko sa prinsesa. Nakarating agad ito sa mga tagapangasiwa sa Silong kaya naman hindi na ako nagtaka sa parusang iniatang sa akin ni Ginang Ma.

"Pasalamat ka at hindi agad ito nakarating sa mahal na hari!" Sigaw nito sa akin. "Ano ba ang pumasok sa iyong utak at nakipag-sagutan ka sa mahal na prinsesa?"

Ako'y nakaluhod sa munggo habang nakapatong sa aking mga braso ang isang makapal na aklat. "Paumanhin kung may nasabi ako na hindi niya nais, ipinagtanggol ko lamang ang yumaong Prinsipe Abraham sa kanyang masasakit na salita."

"Mali pa rin ang iyong inasal! Nasa ating kasulatan na ipinagbabawal ang pakikipag-usap sa mahal na prinsesa sa oras ng gawain! Siya'y iyong binastos!"

"Hindi ko ho siya binastos." Bulong ko lamang sa sarili ngunit iyon ay kanilang narinig.

ABELON (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon