Kabanata 10

1.8K 211 140
                                    

Sikhay


Sa loob ng aming silid, nakaupo ang lahat sa sahig. Inaalo ni Ha ang kanyang pinsan na ngayon ay nagtatangis pagkatapos malaman ang ibinalita ni Ka.

"Alam mong bawal, hindi ba?" Si A na sinusubukang magpakatatag para sa lahat bago ako balingan ng tingin. "Ba, hindi pa naman tayo nakakasiguro. Paano kung siya'y may sakit? Maaari tayong humingi ng tulong sa mga ginang."

Umiling ako. "Walang dapat na makaalam sa kahit sinong kasapi ng Silong." Napasandal si Ka sa aking balikat, tumahan na ngunit may luha pa rin sa mga mata.

"Paano natin siya matutulungan kung hindi natin sasabihin sa kanila?" Buwelta ni A.

"Tama si Ba." Pagsang-ayon ni Ha. "Huwag tayong magpadalos-dalos. Paano kung siya ay nagdadalang-tao? Mapapahamak lamang natin si Ka dahil ang mga ginang ay mahigpit sa pagpapatupad ng utos."

Hinawakan ko ang kamay ni Ka. Nais kong ipaalam sa kanya na hindi siya nag-iisa. "Hintayin nating sumapit ang linggo. Iyon lamang ang araw na tayo'y malaya. Maaari nating dalhin si Ka sa Pook-Pagamutan upang masuri ng mga padre."

"Ano?" Hindi makapaniwala si A sa aking mungkahi. "Ayaw mong ipagbigay-alam sa ating mga kasama ngunit ikaw ay may tiwala sa mga kasapi ng Templo?"

Napapikit ako dahil gumunita sa akin na wala silang alam tungkol sa pananatili ko roon.

"Alam ba ng iyong kalaguyo na ikaw ay nagdadalang-tao?" Tanong ni Ga habang pinupunasan ang kanyang luha.

Napayuko si Ka at umiling. Ang pagkakahawak niya sa aking kamay ay humigpit.

"Kailangan mong sabihin sa kanya. Huwag mong ilihim." Dugtong ni Ga na sinang-ayunan ng lahat.

Humikbi lamang ito sa aking balikat. Alam kong may hindi siya sinasabi sa amin, natatakot ako ngunit hindi ko nais na siya'y puwersahin na magsabi ng totoo.

"Walang makakaalam hangga't hindi pa tayo nakakasiguro. Magtiwala kayo sa akin." Pahayag ko bago tumingin kay Ka. "Tutulungan ka namin, huwag kang mangamba."

Sa mga sumunod na araw, lahat kami ay tila nawalan ng tinig. Dahil sa nalaman, naging mas maingat kami sa bawat salitang binibitawan. Pumapasok pa rin si Ka sa Dalubhasaan. Mabuti na lang at hindi ito nakakaramdam ng pagkahilo o pagsusuka sa oras ng aming pag-aaral.

"For I know the plans I have for you, declares the Lord, plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future." Pagbigkas ni Ginang Pa habang hawak ang bibliya sa wikang Ingles.

Tila may humawak sa aking puso pagkatapos itong marinig. Nakaramdam ako ng lungkot at kasawian, may saya ngunit panandalian lamang. Sumanib man ang lunos ngunit naaaninag ko pa rin ang pag-asa. Hindi ko alam kung para saan ito. Maaaring may ibinubulong sa akin ang tadhana ngunit tinakpan ko ang aking tenga.

Sa mga gawain sa En La Casa, siniguro namin na hindi mawawala sa aming paningin si Ka. Naging mapanuri kami sa bawat kilos nito at tuwing masama ang kanyang pakiramdam, lahat kami ay nagiging aligaga.

Kaya sa pagsapit ng linggo, sa araw ng misa, wala kaming inaksaya pa. Inihatid namin si Ka sa Pook-Pagamutan.

"Tila na-kabisa mo na ang daan dito Ba." Pagpuna ni Ga. "Ikaw ba'y nakarating na rito?"

Naging huwad ang aking ngiti. "Katulad mo, ako'y mapagmasid lamang." Pagputol ko agad sa oras na marating namin ito. "Nandito na tayo."

"Mga binibini, may maitutulong ba ako sainyo?" Si Padre Kalimbahin at Kunig ang bumungad sa amin.

ABELON (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon