CRUCIFIXION DEATH PENALTY | Draven Black
ISANG kalansay ang nakapako sa krus habang dinadapuan ng mga itim na ibon. Nang makaramdam ng may paparating sa paligid ay mabilis na lumipad palayo ang mga ibon.
Dumating ang grupo ng mga Ibagtan at ibinaba ang kalansay sa malaking kahoy na hugis krus. Ipinasok nila ito sa isang sako at itinapon sa dagat na malapit sa lugar na iyon.
SA ISANG kulungan naman ay naghahanda na ang mga preso sa nalalapit nilang pag-alis. Ngunit lahat sila ay hindi masaya sa magiging paglabas sa kulungang iyon. Parang mas gugustuhin pa nilang mabulok doon kaysa danasin ang mas mabigat na parusa.
Dumating na ang Semana Santa kaya panahon na para sila'y dalhin sa lugar kung saan sila bibitayin.
Kabilang si Vhong Inza Cruz sa mga kriminal na nahatulan ng kamatayan. Napatay niya noon ang sariling asawa matapos itong mahuli na may kalaguyo na ibang lalaki. Hindi niya napigilan ang labis na emosyong nagtulak sa kanya para makagawa ng karumal-dumal na krimen.
Binuksan ng pulis ang presinto. Ni wala sa kanila ang may balak lumabas. Kung hindi pa sila minura at sinigawan ng pulis ay hindi sila magsisilabasan sa kulungan.
Isa-isa na silang isinakay sa likod ng isang van at inihatid sa bayan ng Ibagto. Doon magaganap ang parusang kamatayan sa kanila.
Sampu silang mga preso na dadalhin doon. Isasailalim sila sa parusang Crucifixion kung saan ipapako ang kanilang mga katawan sa krus at ipapakain sa mga ligaw na hayop sa gubat.
Ang parusang iyon ay bahagi na ng malalim na tradisyon ng mga taga-Ibagto. Lahat ng mga tao roon na nagkaroon ng matinding kasalanan at nahatulan ng kamatayan ay sasapitin ang ganoong parusa.
Kapag ang isang Ibagtan ay nahatulan ng kamatayan sa kanyang kaso, ikukulong lang siya sa loob ng isang taon at pagsapit naman ng Mahal na Araw, ilalabas na sila sa kulungan para dalhin sa gubat ng Ibagto kung saan gaganapin ang pagbitay sa kanila. Ang mismong araw ng pagbitay ay ginagawa naman tuwing Biyernes Santo.
Sadyang kakaiba ang kultura at paniniwala ng mga Ibagtan lalo na sa Semana Santa. Makikita rin naman sa kanila ang ilang mga bagay na ginagawa sa Mahal na Araw gaya ng Senakulo, pagpapanata, pag-awit ng mga pabasa at iba pa. Ang karagdagan lang ay ang pagbitay sa mga kriminal sa paraan kung paano ipinako si Kristo sa krus.
Ang lugar nila ay hindi na sakop ng gobyerno. May sarili na silang sistema, pamahalaan at ekonomiya. Legal din sa kanila ang death penalty. Naniniwala sila na ang taong nagkaroon ng matinding kasalanan gaya ng pagpatay ay hindi na dapat binibigyan ng pagkakataong manatili sa mundo.
Buhay ang kinuha nila, kaya buhay rin ang magiging kapalit. Isang mahigpit na batas iyon sa kultura ng mga Ibagtan.
Habang nakatunganga si Vhong sa bintana ng sasakyan ay narinig niya ang tunog ng pag-iyak ng ilan sa mga kasama niyang preso.
Pati siya ay naawa rin sa mga ito. Batid kasi nilang hindi na sila magtatagal sa mundong ito. Bilang na lang ang oras na natitira sa kanilang mga buhay. Hindi nila ma-imagine kung ano ang pakiramdam ng unti-unting malagutan ng hininga habang nakapako ang mga kamay at paa nila sa krus.
"Pare, kung tumakas na lang kaya tayo? Papayag ba kayong mabitay rito?" mungkahi ng isa sa mga kasamahan nilang si Jerrold.
"Sira ka ba? Paano naman tayo makakatakas dito? Kita mo ngang nakaposas pa tayo! At kapag sinubukan naman nating tumakbo, isang hakbang palang patay na agad tayo sa mga baril nila!" sabi naman ni Donald.
"Pero kung ako ang tatanungin mas okay na sa aking mabaril kaysa sa mapako sa krus. Mas gugustuhin ko pang maging mabilis ang kamatayan ko. Sino ba naman ang gustong magpapako sa krus habang unti-unti kang namamatay?" sabi pa ng pinakamatanda sa kanila, si Kulas.
BINABASA MO ANG
UNHOLY WEEK [Holy Week Special Horror Stories]
HorrorBawal sa mga relihiyoso. Narito ang mga kuwentong wawasak sa iyong paniniwala. Samahan mo ako. Sabay tayong masunog sa impiyerno!