PABASA | Draven Black
BUMASAG sa katahimikan ng hatinggabi ang matatandang umaawit ng pabasa. Nabulabog ang ilan sa mga natutulog. Ayaw na silang dalawin ng antok matapos marinig ang awit.
Kabilang na si Genaro sa mga nagising. Iritang-irita siya sa boses ng matatandang animo lasing kung kumanta. Wala na nga sa tono, parang nakabatak pa.
"Gabing-gabi na, ah! Wala pa ba silang balak matulog?" napakamot-ulo siya sabay lingon sa ina. "Oh, bakit parang nakakita kayo ng multo d'yan, inay?"
Kitang-kita ang takot sa anyo ng ina niyang si Lilibeth. "Nagbalik na naman sila..."
"Sinong sila, inay? Bakit kilala mo ba 'yong mga iyon?"
Bumangon ito sa kama at sinarado ang mga bintana. "Kapag narinig mo ang mga boses nila, lalo na kapag nasa labas ka, lumayo ka agad! Huwag na huwag kang lilingon kahit saan. Delikado sila!"
"Bakit naman po? Ano bang meron sa kanila?"
"Tuwing sasapit ang Mahal na Araw ay laging nagbabalik ang mga boses na 'yan dito. Kanta lang sila nang kanta pero hindi mo sila makikita kahit saan mo hanapin. Hindi sila nagpapakita sa mata ng tao, maliban na lang kapag nangailangan na sila ng bagong alay."
Nakuha ng kuwentong iyon ang atensyon ni Genaro. "Ibig sabihin po ba mga engkanto sila? O maligno gano'n?"
"Parang gano'n na nga, anak. Hayaan mo bukas ay ikukuwento ko lahat sa 'yo. Marami ka pang dapat malaman tungkol dito sa atin."
Palibhasa'y ngayon lang nakauwi si Genaro sa probinsiya nila. Lumaki siya sa Maynila kaya natural lang na sarado pa ang isip niya pagdating sa ganitong bagay.
Kinabukasan nga ay kinuwento lahat sa kanya ng ina ang mga kababalaghang naganap sa probinsiya nila, kabilang na rito ang mga aswang na gumagala sa gabi, mga engkantong naninirahan sa ilog, ang taong ahas na diumano'y nakatira daw sa malaking kakahuyan, at ang umaawit na matatanda sa gabi tuwing Mahal na Araw.
Sa dami ng mga nangyayari sa kanilang lugar ay nasanay na lang ang mga tao rito. Alam na rin nila kung paano iiwasan ang mga ito.
Natakot si Genaro dito pero agad ding tumagos sa kabilang tainga niya. Pagkalabas ng bahay ay nakalimutan agad niya ang mga paalala at babala ng ina. Huwebes Santo pa lang naman kaya puwede pang lumabas at gumala.
Ang totoo, wala naman talaga siyang sinusunod sa mga pamahiin sa Semana Santa kahit noong nasa Maynila pa siya. Hindi siya relihiyosong tao. Pinagdududahan nga rin niya ang existence ng langit at impiyerno. Kung ide-describe niya ang sarili sa isang salita, malamang ay isa siyang Agnostic.
Sa kanyang paglalakad, nadaanan niya ang isang grupong nagbebenta ng kakaibang mga poon at rebulto ng mga santong hindi niya kilala. Iba-iba ang hugis at katawan ng mga ito pero pare-pareho ang hitsura.
"Ano po itong binebenta n'yo?" usisa niya sa mga ito.
"Siya si Alibugar, ang nag-iisa naming Panginoon. Ang Panginoong lumikha sa ating lahat."
Nawirduhan si Genaro sa sagot ng babaeng iyon. Iniwan na lang niya ito at nagtungo sa iba pang direksiyon.
Doon ay nadaanan naman niya ang kakahuyang sinasabi ng nanay niya na pinamumugaran daw ng taong ahas. Tunay nga bang may taong ahas doon? Ano naman kaya ang hitsura nito kung sakali? Katulad kaya ito ng sinasabi nilang taong ahas sa Robinsons Mall?
Ang daming katanungan na pumasok sa isip niya. Sinubukan niyang pasukin ang naturang kakahuyan. Bago pa man siya makatapak doon ay bigla na siyang sinigawan ng isang aleng nagtitinda ng prutas sa tabi.
BINABASA MO ANG
UNHOLY WEEK [Holy Week Special Horror Stories]
HorrorBawal sa mga relihiyoso. Narito ang mga kuwentong wawasak sa iyong paniniwala. Samahan mo ako. Sabay tayong masunog sa impiyerno!